Ipagpatuloy ang laban nina Jemar at Marlon! Tumangan ng armas, lumahok sa digmang bayan!
Read in: English
Pinakamataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng Romulo Jallores Command-BHB Bikol at buong rebolusyonaryong kilusan kina Jemar Palero at Marlon Naperi, mga tunay na artista ng bayan. Sila ay pinaslang ng mga elemento ng pulis sa gitna ng pagsasatitik ng dumadagundong na sentimyento ng nagkakaisang mamamayan– DUTERTE IBAGSAK. Hindi na natapos ng dalawa ang kanilang ipinipinta. Samantala, pumapalakpak ang tenga ng mga berdugo at kanilang mga amo sa pag-aakalang natuldukan ng kanilang mga punglo ang mensahe ng naturang dibuho. Ngunit mali sila.
Ang inaakala nilang simple at hindi kumpletong protest art ay inangkin nang lubos at yinakap ng sambayanan. Naging simbolo ito ng pag-unawa ng masa na sadyang kapos ang kapangyarihan ng sining at iba pang porma ng ligal na pakikibaka sa harap ng walang pagtatanging karahasan ng estado. Kung kaya naging panata ng maraming mga artista ng bayan, kabataan at masang anakpawis na ipagpatuloy at tapusin ang sinimulan nina Jemar at Marlon – sa loob at labas ng larangan ng sining at kultura.
Higit sa orihinal na mensahe, binigyang-buhay at inunawa ng mamamayan ang diwa ng hindi natapos na protest art bilang hamon na magpatuloy sa pakikibaka at tumangan ng armas. Para sa kanila, gaya ng ipinahihiwatig ng dalawang kulang na letra – AK, makukumpleto lamang ang pagbabalikwas ng mamamayan sa paglahok sa armadong rebolusyon. Lalong naging malinaw sa kanilang tanging sa pagtangan ng armas tuluyang mawawakasan ang paghahari ng mga tiranong tulad ni Duterte. Ang makatwirang digma ng mamamayan ang tatapos sa digmang mapanupil ng naghaharing-uri. Tanging sa landas ng armadong pakikibaka at ganap na pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan maitataguyod ang isang lipunang tunay na malaya at nagsisilbi sa nakararami.
Maaaring kitilin ang buhay ng mensahero, ngunit kailanman, hindi ang buhay ng mensahe. Ito ang katotohanang bigong maunawaan ng mga berdugo at mersenaryo ng reaksyunaryong gubyerno. Sa Bikol at sa buong bansa, hindi na mabilang ang mga sibilyang gaya nina Jemar at Marlon na biktima ng karahasan ng estado. Ngunit sa kabila ng lantarang pasismo at terorismong ito, lalo lamang nag-aalab ang diwang mapanlaban ng mamamayan. Sa bawat isang kanilang ibubuwal, laksa-laksa ang babangon at magpapatuloy.
Ngayong ramdam na ramdam na ni Duterte ang napipintong pagbagsak ng kanyang tiraniya, tiyak na lalo pang titindi ang kanyang gera kontramamamayan. Ngunit, tiyak din namang mag-iibayo ang pagpupunyagi ng mamamayang lumalaban na isulong ang digmang bayan. Nakahanda sila para sa ngipin sa ngiping labanan. Walang kapantay ang kanilang pagnanais na magkamit ng mga makabuluhang tagumpay na lalong magpapahina at tuluyang magpapaguho sa kaharian ni Duterte.
Nananawagan ang RJC-BHB Bikol sa lahat ng nais na taas-noong ipagpatuloy ang sinimulan nina Jemar, Marlon at libu-libo pang nagbuwis ng buhay para sa interes ng nakararaming sumampa na sa Pulang Hukbo. Sa piling ng masa, kumpletuhin at likhain ang pinakadakilang obra sa lahat – ang pagpapanagumpay ng rebolusyon at pagkatha ng kasaysayan ng lipunang Pilipino.