Ipagpatuloy ang naglalagablab na diwa ni Ka Cenon!
Iginagawad ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon kay Recto “Ka Cenon” Golimlim ang pinakamataas na pagsaludo sa pag-aalay niya ng talino, lakas, tapang at buhay para sa sambayanang Pipino. Namartir siya sa isang labanan nitong Setyembre 2, 2021 sa pagitan ng Brgy. Cawayan at Brgy. Patag, Irosin kasama si Ka JR sa edad na 64.
Nagsimulang kumilos si Ka Cenon noong 1970’s bilang myembro ng Kabataang Makabayan sa bayan ng Bulan. Nang mabuo ang NPA sa probinsya ay naging aktibo siya sa pagtulong sa mga kasama sa paghahatid ng suplay, pag-uulat o paghahatid ng balita at pag-oorganisa ng mga magsasaka sa kanyang baryo. Taong 1986 ay hinikayat siya ng mga kasama na magpultaym sa Hukbo upang makaiwas sa pagtugis ng reaksyunaryong gobyerno dahil sa pagiging aktibo niya sa rebolusyonaryong kilusan.
Bagamat nagmula siya sa uring mayamang magsasaka ay madali niyang nagagap ang prinsipyo at mithiin ng rebolsuyonaryong kilusan at ng aping mamamayan ng Sorsogon. Mula noon ay di na siya tumigil sa pagkilos at buong lakas at talino ang inialay niya sa pakikipagrebolusyon.
Nakilala siya bilang si Ka Cenon, Ka Pingko at Ka Remus sa mga bayan ng Bulan, Matnog, Magallanes, Irosin at Juban nang maglingkod siya bilang kumander at upisyal pampulitika. Dito ay nahasa siya sa gawaing militar at edukasyon. Di malilimutan ng mga kasamang nakatrabaho niya sa mga erya na ito kung paano sila sinanay ni Ka Cenon sa pagbibigay ng mga pag-aaral, pagpopropaganda at pag-oorganisa.
Taong 2005 ay inilipat siya sa mga bayan ng Gubat, Casiguran, Bacon, Barcelona at Bulusan upang tumulong sa pag-oorganisa at nakilala dito bilang si Ka Joaquin. Pagsapit ng 2007 ay nagdesisyon ang komite ng Partido na italaga siya sa gawaing ordnans dahil nahirapan na siya sa gawaing teritoryal sanhi ng paghina ng kanyang pandinig. Maituturing itong isa sa pinakamahihirap na yugto ng buhay rebolusyonaryo niya. Nagkaroon ng mga pagkakataong umiiwas siya sa pakikisalamuha sa masa dahil nahihirapan siya sa pakikipag-usap. Gayunpaman, sa gabay ng mga kakolektibo ay unti-unti rin siyang nakapag-adjust. Taong 2020 ay inilipat uli siya ng gawain at ginamit niya ang pangalang Ka Tikong bilang kantyaw niya sa kaniyang pisikal na kapansanan—tiko (baluktot) ang kanyang kanang paa.
Kadreng militar at pulitikal, ito ang tatak ni Ka Cenon sa mga kasama at mahusay na propagandista naman sa hanay ng masa.
Istrikto siya sa mga kasama pagdating sa usaping seguridad at sa pagsunod sa disiplina at prinsipyo ng organisasyon. Matiyaga niyang pinaliliwanagan at ginagabayan ang mga kasama sa wastong paggampan sa mga tungkulin, gawaing masa man o gawaing militar. Ipinapakita niya ang nararapat na wastong aktitud ng isang kasama hindi lang sa paliwanag kung di sa mismong pagkilos niya. Di lumilipas ang araw na di siya nagpopropaganda o nagpapalakas ng loob ng mga kasama na kanyang kakuwentuhan. Lagi niyang payo sa mga
kasama na dapat maalaga, maaalalahanin at mapagpakumbaba. Hindi niya inhiihiwalay ang sarili sa mga mandirigma at hindi siya kinakitaan ng hibo ng arogansya. Lagi niyang sinasabihan ang mga kasama na huwag mailang sa kanya at laging magpaabot sa kanya ng puna kung may mali siyang nagagawa. Kapag abala sa gawain ang ibang kasama, di siya nakakalimot na ipagtabi sila ng pagkain, o ayusin ang kanilang tent at mga gamit. May isang beses na siya na ang naglaba ng duyan ng isang kasama dahil alam daw niyang di na ito maasikaso sa dami ng trabaho.
Mahal na mahal siya ng masa na kanyang nakadaupang-palad. Nang mag- anunsyo ang AFP ng P2.5 milyong pabuya sa ikadadakip ni Ka Cenon, ang masa sa mga binabasehan niyang lugar ang nagbigay-proteksyon sa kanya.
Taong 2014, idineklara ng AFP na napatay siya sa isang labanan sa bayan ng Magallanes at nakuha pa nga raw ang kanyang bangkay. Pakana iyon ng mga opisyal ng 31st IBPA para makuha ang pabuya.
Sa kabila ng kaniyang pisikal na kapansanan at paghina ng kaniyang katawan ay di siya nagreklamo o tumanggi sa mga atas sa kaniya ng organisasyon. Taimtim niyang ginampanan ang kaniyang mga tungkulin kahit na minsan ay nakakalimutan na rin niya ang sarili niyang kalusugan.
Hindi mabilang ang mga aral at mga kwentong ibinahagi ni Ka Cenon sa mga kasama at masa na kanyang nakatrabaho at nakadaupang-palad sa loob ng 36 taon niyang paglilingkod sa sambayanan. Hindi rin mabilang ang masa na kanyang minahal, minulat, inorganisa at pinakilos sa rebolusyon. Hindi rin matatawaran ang lawak at lalim ng kanyang iniambag sa pagbubuo at pagpapanday ng rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon.
Nakatatak na sa puso ng bawat Sorsoganon ang diwa ni Ka Cenon. Tangan ang naglalagablab niyang diwa, ipagpapatuloy ng rebolusyonaryong kilusan, katuwang ang mamamayang Sorsoganon ang pakikibakang pinag-alayan niya ng kataas-taasang sakripisyo.
Taas kamaong pagpupugay sa iyo Ka Cenon!