Ipagpatuloy ang rebolusyonaryong adhikain ng kilusang paggawa
Read in: English
Kasama ng sambayanang Pilipino at buong mundo ang NDF-Bikol sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Uring Manggagawa. Ipinagdiriwang ng mga Bikolano ang mga tagumpay na natamo ng pandaigdigang kilusang paggawa para sa karapatan at kagalingan ng uring manggagawa. Pilit mang palabnawin ng naghaharing burgesya ang makasaysayang papel ng makauring pakikipagtunggali ng henerasyon ng mga proletaryado sa mundo, patuloy ang buong rebolusyonaryong kilusan at mga sumusuporta dito sa pag-aangat ng pang-ekonomyang laban ng mga manggagawa tungo sa pampulitikang pagpapalaya.
Pilit ibinabalik ng rehimeng US-Duterte ang mga manggagawa sa labis na mapang-api’t mapagsamantalang kalagayan dahil sa patuloy na pagpapairal nito ng neoliberal na kaayusan sa bansa. Sa panahon ng pandemya, sa halip na atupagin ang pagsasalba sa mamamayang Pilipino, ginagamit nitong puhunan ang kaakibat na panlipunang ligalig para isagasa ang pagsasabatas ng mga anti-mamamayang batas sa kongreso at senado. Iniaatas nito ang pinatinding panunupil at pandarahas para pigilan ang nagkakaisang pagbangon ng mamamayan. Nalalantad ngayon at tinutuligsa ng taumbayan ang kapalpakan ng rehimeng bigyang ayuda ang milyong Pilipinong sapilitan niyang pinagkaitan ng kabuhayan dahil sa militarisadong estratehiya ng pagharap sa pandemya. Sa loob at labas ng bansa, higit na nagiging mapanuri at aktibo sa paglaban sa mga anti-mamamayang patakaran ng rehimen ang mga manggagawa.
Mahigpit na ikinakawing ng rebolusyonaryong proletaryado ang kanilang pakikibaka sa pagbangon ng malawak na sambayanang api at pinagsasamantalahan. Mahigpit nitong tinatanganan ang digmang bayan para durugin ang sistemang pumipiga at nagsusubasta sa lakas paggawa ng mamamayang Pilipino sa mga dayuhang kapitalista at lokal na naghaharing-uri. Nakakamit ng nagpapatuloy na rebolusyong Pilipino ang mga pag-igpaw at pagsulong para sa lahat ng Pilipino dahil sa di-matitinag nitong pagtangan ng armadong pakikibaka.
Pinatutunayan ng lampas sa isang siglong pakikihamok ng kilusang paggawa sa buong daigdig na sa pamamagitan ng armadong pag-aaklas at pagtatag ng isang estadong pinamumunuan ng rebolusyonaryong anakpawis mapapawi ang kahirapan, kagutuman at inhustisyang panlipunan. Kasama ng sambayanang Pilipino ang rebolusyonaryong hanay ng mga manggagawa sa pagkukumpleto ng mga rekisitos para abutin ang susunod na antas ng matagalang digmang bayan at pagkakamit ng tagumpay. Habang lumalawak ang pulang pampulitikang kapangyarihan, nangangahas ang uring anakpawis na tanawin ang isang kinabukasang malaya sa pang-aapi’t pagsasamantala.
Hamon sa kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino at Bikolano na mapagpasyang gampanan ang kanilang papel sa kasaysayan. Higit ang pangangailangan para sa pagkakaisa ng lahat ng sektor ng lipunan na buong tatag na tumindig laban sa ang pagpapairal ng pasistang terorismo at pagtataguyod ng neoliberal na kaayusan ng kasalukuyang rehimen. Tanging sa tuluyang pagpapabagsak ng bulok na sistemang sumusuporta sa imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo maitatayo ang isang estadong magbabahagi ng yaman ng lipunan sa lahat ng nagpapagal.
Lumaban at lumaya!
Mangahas ipagwagi ang makatarungang digma ng mamamayan!