Ipagtanggol ang halaga ng buhay, kagalingan at karapatan ng mamamayang Pilipino! Wakasan ang kultura ng impyunidad at brutalidad ng PNP na itinataguyod ng rehimeng US-Duterte!
Ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog ay mahigpit na kaisa ng sambayanang Pilipino sa pagkondena sa panibago na namang karahasan at brutalidad na isinagawa ng isang opisyal ng Philippines National Police (PNP) sa isang walang kalaban-labang sibilyan. Kung hindi nakuhanan ng video ang pangyayari, ang walang pakundangang pagpatay ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang sina Sonya Gregorio at anak na si Frank Anthony ay maaring palabasin ng PNP na kaya’t napatay ang mag-ina ay dahil sila’y “nanlaban sa otoridad”. Isang pamosong iskrip na ginagamit ng PNP para pagtakpan ang krimen at isalba ang mga kabaro mula sa pananagutan sa mga krimen nito.
May dahilan at batayan ang mamamayan na magpahayag ng kanilang galit at pagkundena sa karumal-dumal na pagpatay ni Senior MSgt Nuezca sa mag-inang Sonya at Frank Anthony. Punong-puno na ang mamamayan sa nagpapatuloy na pagtaas ng lebel ng karahasan at patayan sa bansa na grumabe pa sa panahon na hinaharap ng buong bayan ang paglaban sa pandemyang Covid-19. Sa panig ng taumbayan dapat nang itigil at wakasan ang mga pang-aabuso, karahasan at krimen na nangyayari sa bansa na walang ibang pinagmumulan kundi sa hanay ng PNP at AFP na may tahasang basbas ni Duterte. Nakaturo lahat ang mga daliri ng taumbayan kay Duterte na siyang dahilan kung bakit halang ang mga bituka, trigger-happy at napakababa ang pagpapahalaga ng kanyang mga kapulisan at kasundaluhan sa buhay ng ordinaryong mamamayan. Naniniwala ang taumbayan na ginagawa ng PNP at AFP ang mga pang-aabuso, karahasan at terorismo na may impyunidad dahil kinakanlong ng commander-in-chief na si Rodrigo Roa Duterte ang bawat pang-aabuso at pagmamalabis sa kapangyarihan.
Ang brutal at walang awang pagpaslang ni Senior MSgt Jonel Nuezca sa mag-inang Gregorio ay hindi isang “isolated incident” na pilit na pinalilitaw ng Philippine National Police, Department of Interior and Local Government (DILG ) at mismong si Duterte. Kabilang ito sa halos araw-araw na insidente ng mga pang-aabuso, krimen at karahasan na kinasasangkutan ng mga kagawad ng PNP at AFP na ang karamihan ay hindi napapabalita sa mga pahayagan, dyaryo, istasyon ng radyo at telebisyon. Bahagi ito ng humahabang kaso ng mga pang-aabuso at karahasan ng PNP at AFP laban sa mamamayang Pilipino at sangkatauhan sa panahon ng panunungkulan ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Hindi kayang pagtakpan at pasinungalingan ang mga sunod-sunod na mga patayan at krimen kung saan sangkot ang mga kagawad ng PNP at AFP simula nang maluklok sa kapangyarihan si Duterte. Ang mahigit sa 30,000 biktima ng extra judicial killings (ejk) sa bansa ay bunga ng pinatutupad na madugong gyera sa iligal na droga ng rehimeng Duterte. Hindi kayang pasinungalingan ang 353 biktima ng mga pagpaslang (ejk) sa hanay ng mga aktibista, progresibong grupo, mga tagapagtanggol sa karapatang pantao at iba pang kritiko ng gubyerno dahil sa pinatutupad ni Duterte na marumi, marahas at di nahahanggahan ng mga internasyunal na batas sa digma na kanyang kontra rebolusyonaryong digma laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Hindi kayang pasinungalingan ang mga dumaraming insidente ng mga pagpatay sa hanay ng mga doctor, taong simbahan, abugado at hukom, mga kagawad ng midya at mga lokal na opisyal ng gubyernong nasa narco list ni Duterte. Nangyari at naging matingkad lamang ang mga patayang nabanggit matapos maluklok sa kapangyarihan ang isang demonyo at halimaw na presidente noong Hulyo 2016.
Dati nang nakatatak sa utak ng mga kapulisan at kasundaluhan ang pagiging marahas, anti-mamamayan at maka-dayuhan dahil sa mersenaryong tradisyon nito. Lalo lamang itong naging walang pakundangan at naging lantaran mula nang maluklok sa kapangyarihan si Duterte simula noong Hulyo 2016. Ang motto ng PNP na “To Protect and To Serve” ay patungkol sa mga naghahari at nagsasamantalang uri at hindi nakatuon sa malawak na sambayanang Pilipino Sinasalamin lamang ng kultura at oryentasyon ng PNP at AFP ang kultura ng karahasan at impyunidad na nasa kaibuturan ng burges at reaksyunaryong estado. Kung naghahanap ang tumbayan ng mga tunay na terorista, naruon ito sa hanay ng PNP, AFP at Malacañang. Walang makapapantay at makahihigit sa PNP at AFP sa brutalidad, pagiging terorista at kaaway ng samabayanang Pilipino.
Walang ibang dapat managot sa nangyayaring impyunidad sa bansa at sa kawalang takot ng PNP at AFP na gumawa ng mga karumal-dumal na krimen at iba pang anyo ng karahasan laban sa mamamayan kundi si Duterte. Ang pagkakaroon ng laya, impyunidad at lakas ng loob ng mga kagawad ng PNP at AFP na maghasik ng karahasan at teror sa mamamayang Pilipino ay dahil sa ipinagkakaloob sa kanila na proteksyon at garantiya ni Duterte na hindi sila uusigin ng batas. Ang madalas na mga pag-uudyok at retoriko na Duterte na “kill kill kill” ay lisensya sa PNP at AFP na gumawa ng mga bagay na kahit labag sa mga itinatadhanang proseso ng batas at sistema ng hustisya na ginagarantiyahan ng reaksyunaryong Saligang Batas ng Republika ng Pilipinas. Sa ilalim ng panunungkulan ni Duterte, lubos na inalagaan, binusog at lalong pinatalas ang mga pangil ng kanyang mga alagang halimaw sa loob ng AFP, PNP at iba pang nasa security cluster ng administrasyong Duterte. Kinanlong ni Duterte ang mga korap, kriminal at mamamatay-taong tulad ni Esperon, Año, Lorenzana, Bato dela Rosa, Parlade, Sinas at napakarami pang nasa humahabang listahan.
Ang ganitong mga karahasan at teroristang gawi ng AFP at PNP ay hindi palalagpasin ng rebolusyonaryong kilusan. Hahabulin at papanagutin ng rebolusyonaryong kilusan ang opisyal at tauhan ng AFP at PNP na may malulubhang krimen sa bayan. Papanagutin din ng rebolusyonaryong kilusan ang mga sibilyang opisyal ng guyerno na mapatutunayang nakagawa ng mabigat na krimen at utang na dugo sa bayan. Lahat sila’y ipaiilalim sa paglilitis ng Hukumang Bayan ng Rebolusyonaryong Gubyernong Bayan at gagawaran ng angkop na kaparusahan batay sa tindi at grabidad ng nagawa nilang pagkakasala.
Nanawagan kami sa taumbayan na kung may mga nais kayong idulog na mga reklamo ng pang-aabuso at karahasan ng AFP at PNP at iba pang opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gubyerno ay malaya kayong dumulog o sumulat sa pinakamalapit na yunit ng New People’s Army sa inyong lugar. Ang inyong mga reklamo ay aming matamang pag-aaralan at kung may batayan at merito ay aming gagawan na kaukulang hakbang.
Papanagutin si Duterte sa kanyang mga kasalanan at krimen sa bayan!
Katarungan para kay Sonya Gregorio at Frank Anthony Gregorio!
Katarungan para sa lahat ng mga biktima ng pamamaslang ng pasistang rehimeng US-Duterte!
Ibagsak ang korap, tiraniko, diktador, kriminal at mamamatay taong rehimeng Duterte!