Ipagtanggol ang lupa ng mga magsasaka sa Hacienda Yulo
Mariing kinukundena ng Cesar Batrallo Command-NPA Laguna ang walang tigil na pandarahas ng panginoong maylupang Yulo at mga kasabwat nitong debeloper na San Cristobal Realty at Ayala Land sa mga magsasaka ng Hacienda Yulo. Walang puso ring tinalikuran ng lokal na gubyerno ng Laguna ang daing ng mga magsasaka sa asyenda. Patunay itong walang katiting na malasakit ang gubyernong Duterte sa mga magsasaka at kailanma’y hindi ipagkakaloob ang interes nila sa lupa.
Walang pinipiling okasyon ang panginoong maylupang Yulo sa pagpapalayas sa mga magsasaka ng Hacienda Yulo kahit sa gitna ng pandemya. Ginagamit niya ang bayarang goons mula sa Seraph Security Agency ng kasosyo niyang pamilya Ayala laban sa mga magsasaka. Pinakahuling atake nito ang pambubugbog sa anim na magsasaka, kasama ang isang menor de edad at panununog ng mga tahanan sa Sitio Buntog, Brgy. Canlubang, Calamba, Laguna nitong Enero 23. Noong Enero 17 naman, sinarhan ng goons ang walong bahay sa Buntog. Noon namang Enero 6, pinaputukan ng berdugong goons ang mga bahay, sinira at kinumpiska ang mga ari-arian ng mga magsasaka sa Buntog at karatig nitong Sitio Matangtubig.
Ang atake ng panginoong maylupang Yulo sa mga magsasaka ay upang bigyang-daan ang pinaplanong 200-ektaryang residential subdivision ng San Cristobal Realty ng pamilya Ayala at Land Estate Development Corporation ng pamilya Yulo. Ang Sitio Buntog ay bahagi ng 7,100 ektaryang tubuhan ng Hacienda Yulo na sumasaklaw sa mga siyudad ng Calamba, Cabuyao at Sta. Rosa sa Laguna.
Sa kabila ng pasismo at terorismo ng mga lokal na naghaharing uri sa Hacienda Yulo, patuloy na naninindigan ang mga magsasaka para ipagtanggol ang kanilang lupa. Binigo ng mga magbubukid ang pinakahuling tangka ng pagpapalayas ng panginoong maylupa at armadong goons nito noong Agosto 2020. Kahit sa pinatinding atake ng panginoong maylupa ngayong taon, nananatiling buo ang loob at di palulupig ang mga magsasaka ng Hacienda Yulo. Mayaman ang kasaysayan ng pakikibaka ng mga magsasaka ng Hacienda Yulo para sa lupa na nagsimula noon pang 1911.
Notoryus ang Ayalaland at Seraph Security Agency sa pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka sa iba pang panig ng rehiyon. Katunayan, noong Marso 2019 ay nireyd at kinumpiska ng NPA ang mga armas ng Seraph Security Agency na inirereklamo ng mga magsasaka dahil sa pagpapalayas nito sa mga magsasaka sa hangganan ng Manila-Bulacan-Rizal. Hindi rin mag-aatubili ang NPA Laguna na igawad rin ang aksyong pamamarusa sa mga panginoong maylupa at mga armadong goons nito.
Ang rebolusyonaryong kilusan lamang ang tumutugon sa karaingan ng mga magsasaka at nagkakaloob ng kanilang demokratikong interes. Ipinatutupad nito ang minimum at maksimum na programa ng rebolusyong agraryo, mula sa pagbabago ng partihan sa lupa pabor sa magsasaka hanggang sa kumpiskasyon ng mga lupain ng panginoong maylupa at pamamahagi nito nang libre. Itinatayo sa kanayunan ang mga binhi ng organo ng kapangyarihang pampulitika para sa paggogobyerno ng mga aping uri at pagtataguyod ng kanilang mga kagalingan at karapatan.
Lubos na makakamit ng mga magsasaka ang kanilang karapatan sa lupa sa pagkawasak ng kasalukuyang mapaniil na estado pangunahing nagkakanlong at nagpoprotekta sa mga despotikong panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador at kanilang mga bayarang armadong tauhan. Kailangang puspusang labanan ng mamamayan ang teroristang rehimeng US-Duterte hanggang sa ibagsak ito.###