Ipagtanggol ang mga tagumpay ng uring manggagawa! Ipaglaban ang makatwirangsahod at karapatan sa trabaho! Ibagsak ang tiranikong rehimeng US-Duterte!
Ngayong Mayo Uno, ginugunita ng mga manggagawa sa buong daigdig ang mga tagumpay na nakamit ng buong uring proletaryado laban sa kapitalistang pagsasamantala at pang-aapi at sa pagbubuo ng sariling lakas upang maitayo ang lipunang tunay na kumakatawan sa kanilang makauring interes—ang Sosyalismo.
May isanlibo’t isang dahilan upang ipagdiwang ng uring manggagawa ang Mayo Uno. Sagisag ito ng mahirap na buhay at kamatayang pakikibaka ng uri upang makamit ang walong oras na paggawa kada araw at sa pagpapabuti ng kalagayan sa paggawa. Pinanday at pinatining sa kamalayan ng uring manggagawa ang pangangailangang buuin ang kanilang lakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon upang hawanin ang landas sa pagtatayo ng sarili nilang kapangyarihan sa lipunan. Ang tagumpay na ito ay dinilig ng dugo at pinagbuwisan ng maraming buhay ng uring proletaryado sa mga piketlayn, mga welga at demonstrasyon sa lansangan upang tubusin ang sarili mula sa pagkaalipin ng kapital.
Nagsasabwatan ang internasyunal na burgesya at mga oportunista sa kilusang paggawa na bawiin at pawalang bisa ang mga tagumpay na nakamit ng kilusang manggagawa sapul ika-18 siglo. Marahas na ipinapataw ng imperyalismong US ang neoliberal na patakaran upang patuloy na pumiga ng dambuhalang tubo sa kapariwaraan ng mga manggagawa at mamamayan ng daigdig.Sa ilalim ng paghahari ng pasistang rehimeng US-Duterte, patuloy na pinahihirapan ang masang manggagawa ng mga kontra-manggagawang patakaran at batas tulad ng aliping pasahod at 2-tiered wage system, kontraktwalisasyon at pleksibilisasyon sa paggawa, mala- Nazi na pamamalakad sa mga engklabong industriyal, pagbabawal sa karapatang mag-unyon
at magwelga, kriminalisasyon sa kilusang manggagawa, patung-patong na buwis at mga bayarin para sa mga serbisyong panlipunan, sumisirit na presyo ng mga bilihin at labis na kahirapan.
Ang pagiging atrasado, agraryan at pre-industriyal ng Pilipinas ang sanhi ng kronikong kawalan ng hanapbuhay at lumulobong hukbo ng labis na paggawa. Ito rin ang sanhi ng papalaking bilang ng mga migranteng manggagawa sa bawat taon. Hindi kailanman nilulutas ng programang Build, Build, Build ni Duterte ang kawalang empleyo sa Pilipinas. Sa katunayan, lumiit pa nang 387,000 ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho noong Enero at bumagsak pa sa 81,000 ang abereyds na bilang ng bagong mga trabaho na taunang nalilikha sa ilalim ni Duterte o wala pa sa 10% kumpara sa taunang abereyds na 825,000 noong nakaraang dekada.
Ang tunay na tantos ng disempleyo ay tinatayang nasa 9.8% at maaaring tumaas pa kung bibilangin ang mga kulang sa trabaho. Ngayong Mayo Uno, sa harap ng milyon-milyong walang trabaho, ang tanging maiaalok lamang ni Duterte ay 200,000 trabaho sa mga job fair para sa mga construction na maaari lamang tumagal ng ilang buwan.
Ang kaaba-abang kalagayan ng uring manggagawa at mamamayang Pilipino ang nagtuturo na kailangang hawakan nila ang pagguhit na sariling kapalaran at tubusin ang buong sambayanan mula sa mapagsamantala at mapang-aping sistema. Kaisa ng sambayanan ang Partido Komunista ng Pilipinas—ang partido ng proletaryong Pilipino—sa katuparan ng adhikaing ito
hindi lamang para sa buong uring manggagawa kundi para sa lahat ng demokratikong uring inaapi at pinagsasamantalahan ng imperyalismo, piyudalismo at burukrata-kapitalismo.
Sa kasalukuyan, pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang 2-yugtong rebolusyon sa bansa upang itatag ang demokrasyang bayan at sosyalismo sa malapit na hinaharap at ganap na palayain ang masang api at pinagsasamantalahan. Katulong ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan at National Democratic Front of the Philippines sa katuparan ng layuning ito.
Tinatawagan ng PKP ang buong uring manggagawa at sambayanan na matatag na lumaban at magkaisa upang ibagsak ang naghaharing sistemang panlipunan ng mga malalaking kumprador-panginoong maylupa at burukratang kapitalista na kinakatawan ngayon ng rehimeng US-Duterte.
Mabuhay ang Uring Manggagawa!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Mabuhay ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan!
Mabuhay ang Sambayanang Plipino!
Ibagsak ang pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte!
Itayo ang Demokratikong Gubyernong Bayan sa buong bansa!