Ipagtanggol ang UP laban sa pasismo at terorismo ng estado ni Duterte
Read in: English
Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa pamayanang UP sa pagtuligsa kay Defense Sec. Delfin Lorenzana sa unilateral o isang-panig na pagwawakas nito sa kasunduang UP-DND ng 1989. Ang pagpapawalambisa sa kasunduan ay malinaw na layong maghasik ng takot at teror at isailalim ang unibersidad sa tiranikong kapangyarihan ng militar at pulis ni Duterte.
Pananalakay ito sa komunidad ng UP na matatag na lumalaban sa awtoritaryanismo ng rehimeng Duterte. Layong nitong payukuin sa tirano ang unibersidad.
Dapat magkaisa ang komunidad ng UP at ang mamamayang Pilipino para depensahan ang kasunduang UP-DND ng 1989 na dahilan kung bakit ang unibersidad ay nagsisilbing moog ng demokratikong pagpapahayag. Dahil sa kasunduan, naging ligtas na lugar ang unibersidad kamakailan ng mga nais magpahayag ng kanilang opinyon na walang takot ng panggigipit o pag-aresto.
Nagsilbing pananggalang ang kasunduang UP-DND para sa mga mag-aaral ng unibersidad at iba pang sektor na nais magpahayag ng pagtutol sa Anti-Terrorism Law, magpabatid ng kanilang galit sa walang-tigil na kampanya ng pamamaslang at kampanyang panunupil ng AFP at PNP, at tumuligsa sa korapsyon, at sa militarista at bigong tugon ng rehimen sa pandemyang Covid-19.
Sa pagpunit sa kasunduang UP-DND, nais ni Lorenzana at Duterte na itarak ang takot sa puso ng mga estudyanteng Lumad na matagal nang kinakanlong sa kampus ng unibersidad at nakatatamasa ng proteksyon mula nang lisanin ang kanilang mga tahanan noong 2017 dahil sa walang-tigil na harasment at intimidasyon ng mga pwersang militar na umookupa sa kanilang komunidad.
Ang malinaw na layunin ng hakbang na ito ay para bigyang luwag ang militar at pulis na makialam sa pang-akademikong kalayaan at kalayaan sa pagpapahayag na tinatamasa ng mga estudyante at kaguruan ng unibersidad. Sa pagwakas sa kasunduan, magiging bulnerable ang unibersidad at mga kabilang dito sa mapaniil na Anti-Terror Law ng rehimen. Magiging kamatayan ito ng siyentipiko at liberal na pag-iisip sa unibersidad.
Ipinantatakot ni Lorenzana ang multo ng komunismo para bigyan-katwiran ang pagwawakas sa kasunduan at ikasa ang atake para ipataw ang kapangyarihang militar sa UP, gayundin sa ibang unibersidad at mga institusyong akademiko. Ipinapakita nito kung paanong pinalalawig ng rehimeng Duterte ang saklaw ng kontrainsurhensya para labanan ang lahat ng demokratikong pwersa, palawakin ang mga kapangyarihan ng militar at pulis at lalong pahigpitin ang kapit nito sa kapangyarihan.
Ang tahasang mga pag-atake ni Duterte sa unibersidad ay nagpapaalala sa kung paanong ang UP at ang buong bansa ay ipinailalim sa diktadurang pamumuno ni Marcos. Limampung taon na ang nakararaan sa buwang ito, magiting na nilabanan at dinepensahan ng mga mag-aaral ang unibersidad laban sa pwersang militar at pulis sa pagtatayo ng mga barikada na ngayo’y ginugunita bilang Diliman Commune ng 1971. Sa ngayon, ang tiranikong pagtatangka ni Duterte na agawin ang mga kalayaan ng unibersidad ay pumupukaw sa buong komunidad ng UP na magkaisa at lumaban.
Dapat matapang na tanganan ng mga mag-aaral ng UP ang pagdepensa sa unibersidad hindi lamang sa pamamagitan ng pagkakaisang online kundi lalo’t higit sa pamamagitan ng maramihang pagtipon sa kampus para ipamalas ang kanilang determinasyon na depensahan ang kanilang mga kalayaan na naipagtagumpay sa pakikibaka ng nagdaang mga henerasyon ng mag-aaral. Kasama ang mga propesor at kawani ng unibersidad, dapat nilang ipakita ang pagkakaisa, ipamalas ang pagngingitngit, at gamitin ang kanilang kapangyarihan na biguin ang pasistang iskema ng AFP.
Hindi lamang laban ng UP ang pagtatanggol sa kasunduang UP-DND, bagkos ng lahat ng demokratikong sektor na lumalaban sa pasistang paghahari ng tirano. Sa ganun ding paraan, dapat makipagkaisa ang komunidad ng UP sa mamamayang Pilipino sa pagtindig kasama ang mga manggagawa, magsasaka at iba pang inaaping sektor sa kanilang laban para isulong ang kanilang karapatan at kagalingan sa gitna ng pandemya at krisis sa ekonomya.
Nananawagan ang Partido sa lahat ng demokratikong organisasyon na lumaban at palakasin ang pagkakaisa ng mamamayan at ang kanilang determinasyong wakasan ang paghahari ng terorismo ng estado ng rehimeng Duterte.