Ipawalambisa ang gawa-gawang kaso sa walong (8) aktibista na iligal na inaresto ng mga tropa ng Cabuyao PNP at ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army!
Mariing kinukondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang ginawang iligal na pag-aresto ng pinagsanib na tropa ng Cabuyao Philippine National Police at 2nd Infantry Division ng Philippine Army (2nd ID-PA) sa walong (8) tagapagtaguyod at tagapagtanggol sa karapatang pantao habang mapayapa silang nagpoprotesta, kasama ang iba pang mga kasamahan, laban sa Anti-Terrorism Act of 2020 matapos itong pirmahan ng pasistang rehimeng US-Duterte at maging isa nang ganap na batas bilang Republic Act 11479.
Iligal na inaresto ang tinaguriang Cabuyao 8, ng mga pasistang tropa ng AFP at PNP, kahit malinaw na lehitimo at hindi labag sa batas ang kanilang ginawang pagkilos. Sa lumalaganap na video sa social media kitang-kita ang mahigpit na pagtupad ng mga raliyista sa kaukulang mga health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at pagpapairal ng physical distancing bilang pagpapakita na sila’y mga responsableng mga mamamayan na mulat na tumutupad sa sariling mga alintunin ng kanilang kinabibilangang mga lehitimong organisasyon sa pag-iingat, paglaban at pagsugpo sa pandemic na Covid-19. Kung tutuusin ang AFP at PNP ang dapat kasuhan at ikulong dahil sa ginawa nilang iligal at marahas na pag-aresto sa mga raliyista at ganundin sa paglabag nila sa health protocols na pinatutupad ng sarili nilang gubyerno kaugnay sa paglaban at pagsugpo sa Covid-19.
Ang pagkilos na ginanap sa Cabuyao, Laguna nuong Hulyo 4, 2020 ay isa lamang sa maraming mga lehitimong pagkilos na isinagawa ng taumbayan sa iba’t ibang panig ng bansa bilang anyo ng kanilang mariing pagtutol at protesta sa bagong mapanupil at malupit na batas na RA11479. Sa rehiyon, ayon sa aming nakalap na mga balita, may mga kasabay ding pagkilos sa Sta. Rosa, Laguna, sa mga bayan ng Bacoor at Dasmarinas sa probinsya ng Cavite.
Sa nangyaring iligal na pag-aresto sa mga aktibista at tagapagtanggol sa karapatang pantao, na tinaguriang Cabuyao 8, minsan pang pinatunayan na sadyang sensitibo sa puna, kritisismo at pambabatikos ang gubyernong Duterte. Itinuturing ni Duterte na mga kaaway ng estado ang sinumang mamamayang Pilipino na nagpapahayag ng kanilang disgusto at tumututol sa mga katiwalian, kainutilan at kapalpakan sa pamamalakad niya sa gubyerno.
Ang serye ng mga iligal na pag-aresto sa mga nagpoprotestang mamamayan sa nakaraan at sa pag-aresto sa “Cabuyao 8” kahapon ay patunay na wala nang anumang natitirang pagkilala at pagrespeto si Duterte sa karapatang sibil at demokratiko ng mamamayang Pilipino lalo na ang kalayaan sa pagsasalita, pamamahayag at sa mapayapang pagtitipon upang iparating ng taumbayan sa reaksyunaryong gubyerno ang kanilang mga hinaing, pagpuna at pagtutol sa mga anti-mamamayan at anti-demokratikong mga batas at polisiyang pinatutupad nito sa bansa.
Sinasamantala rin ni Duterte ang isyu ng Covid-19 para tabingan at iwasiwas ang kanyang mapanupil at kamay-na-bakal na paghahari para lumikha ng takot sa publiko at pigilan ang mga lehitimo at makatarungang mga pagkilos ng taumbayan laban sa kanyang tiwaling paghahari. Buong akala ni Duterte na sa pamamamagitan ng kanyang mga matatapang na pagbabanta ng pag-aresto at aktwal na pag-aresto sa mga nagpoprotesta ay mapipigilan niya ang paghugos ng taumbayan sa mga lansangan, sa paggamit ng social media iba pang at kaparaanan para ipahayag ang kanilang pagtutol at paglaban sa pasistang rehimeng US-Duterte.
Ang ginanap na pagkilos sa Cabuyao at sa iba pang panig ng bansa nuong Hulyo 4, 2020 ay patunay na hindi takot ang sambayanang Pilipino na lumabas sa mga bahay at pumunta sa mga lansangan para ipahayag ang kanilang mariing pagtutol sa RA 11479 kasabay ng mga panawagan para sa makabuluhang pagbabago sa lipunang Pilipino at sa paggigiit sa kanilang mga batayang karapatang demokratiko at pantao. Sa mga susunod na araw maaaring asahan ang mga panibagong pagkilos ng taumbayan para ipanawagan ang pagbabasura sa RA 11479.
Sa pagpirma ni Duterte sa RA 11479 sukdulan na niyang inilantad ang kanyang pasistang mukha na dati ay pilit pa niyang itinatago at itinatanggi subalit nabigo siyang mapaniwala ang taumbayan. Dahil sa RA 11479 natupad na ni Duterte ang kanyang pinakahahangad na makapaghari nang mas masahol pa sa batas militar ng kanyang idolong diktador na si Ferdinand E. Marcos. Ito rin ay panibagong deklarasyon ng gyera laban sa sambayanang Pilipino tulad ng kanyang madugo pero huwad na gyera kontra iligal na droga at ng labis na kinamumuhiang “kontra-insurensyang” digma ng kanyang pasistang rehimen na tigmak sa dugo ng mga inosenteng mamamayan, lalo na ng magsasaka at katutubo, na pangunahing biktima ng mga karahasan at terorismo ng pasistang AFP at PNP.
Ang patuloy na pambubusabos at garapalang pagyurak sa mga demokratiko at karapatang pantao ng pasistang rehimeng US-Duterte ay lalong magtutulak sa malawak na masa ng sambayanang Pilipino na patindihin at paigtingin ang kanilang mga paglaban sa rehimen sa paraang ligal, iligal, armado at di-armado na maaaring humantong sa pagpapatalsik kay Duterte sa kapangyarihan.
Huwag tayong matakot, huwag tayong padadaig. Patuloy tayong lumaban at igiiit ang ating mga lehitimong kahilingan para sa makabuluhang pagbabago sa lipunang Pilipino. Patuloy nating igiit at ipaglaban ang mga pundamental na karapatan ng mamamayang Pilipino na ginagarantiyahan ng saligang batas ng Pilipinas. Sa panahong hibang na hibang sa pasistang kapangyarihan si Duterte dapat higit nating pahigpitin ang ating pagkakaisa at lalong pagtibayin ang pagbubuklod-buklod para labanan at biguin si Duterte na lubusang makapaghari gamit ang kanyang pinakabagong mapamuksang sandata ng panunupil na RA11479.
Huwag natin bigyan ng pagkakataon na makapagpahinga at makatulog ang diktador na si Duterte at mga pasistang galamay niya mula sa mga lilikhain nating ingay sa lansangan at usap-usapan sa social media na nanawagan sa pagbabasura sa RA 11479 at sa pagtutulak sa kanyang gubyerno na seryosong pagtuunan nang higit na pansin ang paglaban at pagsugpo sa Covid-19 sa paraang medikal at hindi militar. Lalo nating palakasin at palawakin ang panawagan na ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte.
Samantala, patuloy na pag-iibayuhin ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan para biguin ang kontra- rebolusyonaryong digma ng pasistang rehimeng US-Duterte alinsunod sa estratehiyang whole of nation approach to end communist armed conflict at Joint Campaign Plan Kapanatagan (JCP-Kapanatagan). Buo ang tibay at lakas ng loob at tiwala sa kasalukuyang lakas na kaya nitong biguin ang ambisyosong plano ng rehimeng Duterte na durugin sa pagsapit ng Hunyo 30, 2022 ang rebolusyonaryong armadong kilusang na isinusulong ng CPP-NPA-NDFP. Napakapaborable ng kasalukuyang sitwasyon sa bansa at daigdig para umani ng mas maraming tagumpay ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon at sumulong sa isang bago at mas mataas na antas sa mga susunod na mga taon.
Ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ay mahigpit na kaisa at sumusuporta sa malawakang paglaban ng sambayanang Pilipino sa pasistang rehimeng US-Duterte. Patuloy itong gagawa ng kanyang sariling mga paraan para tumulong at mag-ambag sa panawagan ng sambayanang Pilipino na ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte.