Isa pang dahilan kung bakit dapat tutulan ang serbisyo caravan ng 201st Brigade
Nagkakalat ng Covid virus ang Serbisyo Caravan ng 201st Brigade ng Philippine Army sa pangunguna mismo ni Bgen Norwyn Tolentino dahil sa paglabag nito sa health protocol na itinakda ng administrasyong Duterte kaugnay sa maramihang pagtitipon at paglabas-masok ng mga tao sa iba’t-ibang lugar sa panahon ng pandemya.
Halos isang buwan na, Agosto 28 nang ilunsad ng 201st Brigade ang Serbisyo Caravan sa Barangay San Jose, Macalelon. Ang aktibidad na ito ay dinaluhan ng humigit-kumulang 200 tao na naging sanhi ng pagkalat ng sakit dahil sa panauhin na positibo sa Covid-19 na nagmula sa ibang lugar. Bukod sa mga nahawahang sibilyan, apektado rin ang mga opisyal ng Sangguniang Barangay, LGU-Macalelon at iba pang mga dumalo.
Sa tala ng Integrated Provincial Health Office, mula Agosto 28 hanggang September 21 nadagdagan ng 44 kaso ng Covid-19 ang naturang bayan habang 28 dito ang aktibong kaso at 6 na ang namatay.
Hindi bababa sa 100 pasyente ang araw-araw na nakapila sa lokal na ospital at naobliga nang tumigil nang pagtanggap ng mga bagong kaso ang Regional Health Unit sa naturang bayan.
Sa huling tala noong September 24, isandaan at pitumpu’t tatlo (173) na ang positibo sa Covid-19 sa 12 barangay ng Macalelon. Tiyak na maliit ito sa aktuwal na bilang dahil maraming residente ang hindi pa inaabot ng medical check-up at serbisyong medikal.
Dahil dito, ipinatupad muli ang lockdown sa bayan upang kontrolin ang pagtaas ng hawahan sa lugar.
Mula nang ideklara ang pandemya sa bansa noong Marso 2020, walang puknat na operasyong militar na peligrosong makapagpakalat ng Covid ang ginawa ng sundalo at pulis sa buong lalawigan. Ngayon lamang ito naging kontrobersyal dahil sa dami ng nahawa sa bayan ng Macalelon.
Ang Serbisyo Caravan ay pakana ng AFP at PNP upang ibida ang kanilang peke at sapilitang pagpapasuko sa tabing ng programang E-CLIP at paglalako sa BDP gamit ang pondo ng NTF-Elcac. Kamakailan, ang bago nilang modus ay ang maramihang pagtitipon ng mga tao na kasapi ng Coco Levy Funds Ibalik sa Amin (CLAIM) na ipinaparadang kasapi at suporter ng CPP-NPA.
Dahil sa desperasyon na ipakitang nananalo ang NTF-Elcac laban sa rebolusyunaryong kilusan, keber ng mga opisyal ng sundalo at pulis sa maaring kahantungan ng maramihang pagtitipon ng tao sa panahon ng pandemya.
Paimbabaw ang marahas na pagpapatupad ng mga health protocol ng sundalo at pulis sa buong panahon ng pandemya, nagreresulta lamang ito ng mga paglabag sa karapatang pantao kagaya ng pagkaantala ng mga kabuhayan, kontrol sa malayang paggalaw at mga hindi kinakailangang pang-aaresto.
Mariing kinukundena ng rebolusyunaryong mamamayan ang kapabayaang ito ng mga militar at pulis. Dapat na managot ang mga sangkot na opisyal na nanguna sa aktibidad na tinutuya ngayon ng mamamayan sa tawag na Perwisyo Caravan.
Bukod sa 201st Brigade at buong makinarya ng NTF-Elcac, dapat ring papanagutin ang mga lokal na opisyal ng lalawigan kagaya ni Congresswoman Helen Tan at Meyor Nelson Traje sa pangungunsinte sa naturang Perwisyo Caravan. Katunayan, sila mismo ay kasama sa aktibidad at napapabalitang nahawahan din.
Hindi ba’t nakakasukang anyo ng maagang pangangampanya ang ginagawang ito ng mga pulitiko? Ano ang papel sa Perwisyo Caravan ng Congresswoman sa Distritong hindi naman niya nasasakupan?
Dapat kalampagin ang Sangguniang Panlalawigan, ang RHU-Quezon, pati na ang Comelec na imbestigahan ang naturang pangyayari kasabay ng agarang ayudang pinansyal at bakuna sa lahat ng mga mamamayan na naapektuhan sa kapabayaan ng mga militar at lokal na opisyales ng gubyernong Duterte.
Kailangang manawagan ng indemnification para sa mga namatay at mga nahawahan. Dapat ikulong at parusahan ang mga sundalong mulat na nagkakalat ng virus.
Dagdag pa, nananawagan din kami sa lahat ng mga kapitan sa Sangguniang Barangay at opisyal ng bayan na huwag pahintulutan ang pagpasok ng militar sa inyong lugar sapagkat kaguluhan at pangamba lamang ang ihahatid nito sa ating mapayapang pamayanan. Tama na ang isang Barangay San Jose sa ating lalawigan! #