Isa pang kampo militar na itatayo, tinutulan ng taumbaryo
Makailang beses na tinutulan at pinalayas ng mamamayan ng Brgy. San Francisco-B, Lopez, Quezon noong Agosto 7 ang mga sundalong magtatayo ng kanilang kampo sa naturang barangay.
Ayon sa nakuhang ulat, pinangunahan mismo ng Kagawad at mga Tanod ng barangay ang pagtutol sa pagtatayo ng kampo ng mga sundalo. Dagdag pa, mula nang mabalitaan ng taumbaryo ang plano ng mga sundalo ay nakatanggap agad ang Sangguniang Barangay ng maraming reklamo bunsod ng takot at pagkabahala sa maaring epekto ng kampo sa kanilang buhay, kabuhayan at seguridad.
Resulta nito, nagtangka at nagpumilit pa rin na maghanap ng panibagong pwesto ang mga sundalo sa kabilang sitio ng baryo pero nanatili ang paninidigan ng mamamayan na ayaw nilang pagtayuan ng kampo ang kanilang barangay.
Makailang beses nang pinalalayas ng taumbaryo ang mga sundalo sa Barangay San Francisco-B. Ito na ang panglimang pagkakataon na pinalayas ng mamamayan ang mga kampo-militar sa lalawigan ng Quezon mula buwan ng Mayo hanggang kasalukuyan. Nauna na rito ang matapang na pagpapalayas ng mamamayan ng Sta. Elena at Cawayan ng Lopez; at Vista Hermosa at P. Herrera ng Macalelon.#