Isabansa ang Industriya sa Enerhiya! Ibasura ang Neoliberalismo sa Industriya ng Enerhiya! Panagutin si Duterte at Alfonso Cusi sa Krisis sa Kuryente sa Mindoro!

,

Nagiging pambansang usapin na ang krisis sa kuryente sa isla ng Mindoro. Dekada nang tinitiis ng mamamayang Mindoreño ang madalas at mahahabang brownouts pero umabot na sa sukdulan ang 12-14 oras sa isang araw ang dinaranas ngayon sa Occidental Mindoro. Ang abala na dinulot nito sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan ay nagtulak na mismo upang kumilos ang taumbayan. Noong nakaraang Hulyo 17, daan-daang residente sa San Jose, Occidental Mindoro ang nagmartsa upang igiit ang kanilang batayang karapatan sa seguridad sa suplay ng pampublikong yutilidad ng kuryente.

Habang nagdurusa ang mga mamamayan sa krisis na ito, nagkukumahog naman ang mga malalaking burges-komprador at mga burukrata na samantalahin ang krisis upang isulong ang kanilang pansariling interes sa pulitika at ekonomya. Naglunsad ng ispesyal na imbestigasyon sa Senado si Senador Win Gatchalian upang diumano’y palalimin ang dahilan ng madalas na kawalan ng kuryente sa probinsya ng Occidental Mindoro. Noong Hulyo 10 naman, ipinanukala ng dating gobernador at mambabatas ng Oriental Mindoro na si Rodolfo G. Valencia ang pagbaling sa karbon upang maresolba ang krisis sa kuryente sa isla. Hulyo 15 ay nagdeklara na ang Sangguniang Panlalawigan sa Occidental Mindoro ng “State of Power Crisis” upang alarmahin ang lahat ng opisina at institusyon na rumesponde at magbigay ng karampatang hakbangin sa lumalalang krisis.

Ang kasalukuyang problema sa kuryente ng mga Mindoreño ay mauugat sa neoliberal na patakaran na masugid na ipinatutupad ng kasalukuyan at maging ng nagdaang mga rehimen sa bansa. Buu-buong nilunok ng mga ito ang reseta ng pribatisasyon, deregulasyon at liberalisasyon kung kaya itinuring na negosyo ang sektor ng enerhiya na isa sa mga susi at istratehikong industriya ng bansa. Kaya pinagpyestahan ng mga malalaking burgesya-kumprador (MBK) at monopolyo-kapitalistang dayuhan ang produksyon, distribusyon, alokasyon at gamit ng kuryente kakutsaba ang mga burukrata-kapitalista sa reaksyunaryong gubyerno. Imbes na paunlarin ang sector ng enerhiya para sa serbisyo ng mamamayan, pinauunlad nila ito para magkamal ng TUBO sa kanilang mga negosyo’t pamumuhunan.

Pangunahing dapat mapanagot sa krisis na ito ang kriminal na rehimeng US-Duterte at ang utusang asong si Alfonso Cusi na nasa gabinete niya bilang kalihim ng Department of Energy (DOE) kasama ang mga kasabwat nila sa lokal na gubyerno sa Mindoro. Isang kahihiyan si Cusi na isang Mindoreño sa sinapit ng isla na walang kaparis na krisis sa kuryente sa panahong nasa departamento siya ng enerhiya. Imbes na unahin ang interes ng bansa at ng Mindoreñong noon pa ma’y iniinda na ang krisis sa kuryente mas ipinauna nito ang tutok sa Regional Task Force To End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) na walang inatupag kundi maghasik ng teror at labagin ang karapatang pantao ng mga Mindoreño. Bukod rito, nagpasasa si Cusi sa maanomalyang transaksyon sa enerhiya kabilang ang lihim na pagbroker nito sa pagbenta ng Malampaya Gas Project sa mga kroni ni Duterte na sina Dennis Uy at Enrique Razon at sa pagsubasta sa yamang langis ng bansa sa imperyalistang Tsina sa pamamagitan ng pagpahintulot sa mangangamkam na imperyalistang Tsina sa proyektong ekplorasyon ng yamang langis sa mga isla at karagatan na saklaw ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Kung tutuusin, sagana ang isla ng Mindoro sa rekursong pagkukunan ng kuryente mula sa renewable energy tulad ng enerhiya mula sa sikat ng araw (solar), daloy ng hangin (wind), agos ng tubig (hydro), mainit na singaw mula sa ilalim ng lupa (geothermal), nabubulok na organikong material (biomass), daloy ng karagatan (ocean current) at alon (tidal). Bukod pa dito ang imbak na natural gas na tinatayang aabot ng 76.36 billion cubic feet na kayang magpatakbo ng 100MW planta ng kuryente sa loob ng 20 taon. Ang supply ng kuryente na malilikha sa mga ito ay higit-sa-sapat sa pangangailangan ng isla, na kalakhan ng konsumer ay galing sa mga eryang residential.

Samantala, ang imbak na natural gas sa Mindoro ay nai-award na sa Pitkin Petroleum, na isang dayuhang kumpanya. May mga kontrata din sa Renewable Energy Projects (REP) ang kumpanya ng mga MBK tulad ng Quadriver Energy ng Ayala group, ang Union Energy Corp ni Lucio Co ng Puregold. Ang Mindoro Island Power Development Plan (MIPDP) ay nagmistulng programa sa pagsubasta ng mga likas na yamang pang-enerhiya ng Mindoro para pagpyestahan ng mga MBK at dayuhang mamumuhan. Ilan sa pribilehiyong tinatamasa ng mga namumuhunan sa proyektong pang-enerhiya ang pitong taon nang pag-opereyt na walang buwis, libreng buwis sa lahat ng bibilhing kagamitan at material sa pagmimina, eksplorasyon at pagtatayo ng planta para sa kuryente, cash incentive sa pagsuplay ng enerhiya at mababang interes sa utang na kapital para sa pamumuhunan sa sektor. Naging mapaminsala sa kapaligiran, kabuhayan at buhay ng mga mamamayan sa Central Oriental Mindoro ang proyektong Hydro-Power ng Sta. Clara Power Corporation sa Naujan matapos na lunurin sa baha ang mga mamamayan at kanilang kabuhayan sa mga bayan ng Naujan, Victoria, Socorro at Pola. Pinabayaan ng reaksyunaryong gubyerno ang mga biktima at wala ni anumang natanggap na hustisya ang mga ito.

Naniniwala ang rebolusyonaryong kilusan na pabor sa interes ng mamamayan at ng sangkatauhan ang paggamit ng renewable energy dahil ito ay sustenable, ligtas para sa kalusugan at sa kapaligiran, mura at nag-aambag upang maampat ang pandaigdigang problema sa climate change. Sa mga fossil fuels, pinakamalinis ang natural gas kumpara sa iba pang fossil fuel na carbon at langis na mas mataas ang mapaminsalang epekto sa kalusugan at kapaligiran. Kailangan lamang na tiyaking ang mga proyekto para dito ay hawak ng taumbayan para matiyak na magsisilbi ito sa interes ng sambayanan at hindi sa iilan at dayuhan lamang.

Dagdag pa, ang opsyon na gumamit ng carbon sa paglikha ng kuryente ay katumbas ng pagpayag sa panunumbalik ng open pit mining sa isla. Magbibigay katwiran ito upang muling buksan ang naipasarang minahan ng FFCruz sa Brgy. Cambunang, Bulalacao, Oriental Mindoro dahil sa napakayaman at primera klaseng deposito ng karbon dito. Alalahanin ang nag-aalab na kilos protesta ng mamamayang Mindoreño noong 1986-87 upang itigil ang pagmimina ng kumpanyang ito dahil labis na nakasisira sa kapaligiran, buhay, at kabuhayan ng mamamayan.

Sa pagsalig naman sa langis, dama na, hindi lang sa isla, kundi sa buong mundo, ang hindi mapigilan na pagsirit ng presyo ng langis na pinasidhi pa ng pang-ekonomikong sanctions na ipinataw ng US sa Russia dahil sa gyerang Russia-Ukraine. Bukod sa pinsala nito sa kapaligiran, ang lubos na pagsalig sa langis bilang pagkukunan ng enerhiya ay pagbuyangyang sa bansa upang biktimahin ng mapandambong na operasyon ng mga oligarkiya sa pinansya ng mga imperyalistang bansa. Sila ang may monopolyong kontrol sa produksyon, pagproseso, pagtransporta, distribusyon, pagpipresyo, antas ng suplay at maging ang paggamit nito sa pandaigdigang saklaw. Nabibiktima tayo ng kanilang monopolyo, ispekulasyon, gerang pangkalakalan at maruruming maniobra sa ekonomiya, pulitika at militar na tulak ng neoliberal na sistemang ipinapataw sa bansa sa anyo ng liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon.

Kailangang mapagkaisa ang mga mamamayan upang patuloy na isulong ang kanilang demokratikong kahilingan. Buuin ang malapad na alyansa ng lahat ng mga konsumer sa isla upang itulak sa landas ng maka-mamamayan, siyentipiko, at maka-kalikasan na programa sa enerhiya ng lokal at pambansang gubyerno. Patuloy na kalampagin at panagutin ang bulok na reaksyunaryong estado upang umaksyon sa kanilang kapabayaan.

Anuman ang pagkunan ng kuryente, kailangang garantiyahan na hindi mapanalasa sa buhay, kabuhayan at kapaligiran ang anumang proyektong pang-enerhiya. Dapat ding tutulan ang mga proyektong magpapalayas sa mga Mindoreño sa kanilang mga pundar na lupain, lupang ninuno at sumasagasa sa kanilang mga demokratikong karapatan. Tinututulan natin ang malakihang dam ng hydro power plant na sumasalanta sa mamamayan tulad ng karanasan ng mga Mindoreño sa Sta Clara Power Corporation sa itinayong planta sa Naujan, Oriental Mindoro. Napatunayan din na mas malaki ang nalilikhang polusyon ng malalaking dam dahil inilulubog sa tubig ang napakaraming organikong material. Hindi na rin dapat buksan ang Bataan Nuclear Power Plant na balak pang buhayin ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II na noon pa ma’y naipasara na dahil sa malawak na pagkilos ng mamamayan laban dito.

Sa pangunahin, nararapat na isabansa ang industriya ng enerhiya. Dapat hawakan ito ng estado at mamamayan para tiyaking mapaglingkod sa interes ng sambayanan ang industriya. Hindi dapat itong ipaubaya sa mga dayuhang monopolyo kapitalista at malalaking burgesya kumprador, na ang nasa unahan ay pagkaganid sa tubo at hindi serbisyo. Dapat na paglaanan ng institusyonal na suporta ng pamahalaan ang siyentipikong pananaliksik, pagpapaunlad at pagmaksimisa sa malinis na enerhiya o green energy na matatagpuan sa isla. Maaaring pagkumbinahin ang iba’t ibang REPs upang matugunan ang pangangailangan sa kuryente ng mga Mindoreño.

Nananatiling pinakaepektibong solusyon ang pagtangan ng mamamayan sa linya ng demokratikong rebolusyong bayan (DRB) na magsusulong ng programa para sa tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon. Bahagi ng programa nito ang paghawak ng mga mamamayan sa mga susi at istratehikong industriya tulad ng enerhiya, kasama na ang pananaliksik at pagdebelop nito, upang mailuwal ang magagaan at mabibigat na industriya na kailangan sa pag-unlad ng bansa at kung saan ang mabigat at batayang industria ang nangungunang salik ng ekonomya at ang magaang industria bilang tulay sa pagitan mabigat na industria at ng agrikultura. Upang maisagawa ito, kailangang wasakin ng mamamayan ang pundasyon ng bulok na reaksyunaryong estado sa pamamagitan ng ibayong paglawak at paglakas ng ng NPA, paglawak at paglalim ng rebolusyonaryong baseng masa at ng tunay na gubyerno ng mamamayang Pilipino, ang Demokratikong Gubyernong Bayan.###

Isabansa ang Industriya sa Enerhiya! Ibasura ang Neoliberalismo sa Industriya ng Enerhiya! Panagutin si Duterte at Alfonso Cusi sa Krisis sa Kuryente sa Mindoro!