Isang magsasaka, patay sa pinagsanib na operasyon ng PNP-Surigao del Norte
Read in: Bisaya
Binaril at napatay ng mga pulis si Silvester “Cecel” Nunez, 54 taong gulang at magsasaka sa P2. Brgy. Trinidad, Surigao City noong Enero 20, 2021. Ala una ng madaling araw, may kumatok sa kanilang pintuan at binuksan ito ng asawa ni Nunez. Tinutukan ng baril ng pulis ang kanyang asawa at pinalabas ng bahay ang buong pamilya, habang naiwan sa loob si Cecel. Nakita ng kanyang asawa na tinadyakan sa likod at pinosasan ng mga pulis si Cecel. Pinatay ang ilaw sa bahay at narinig na lamang ng pamilya ang putok ng baril. Matapos ang ilang sandali, dumating ang SOCO at kinuha ang bangkay ng biktima.
Si Nunez ang ikaanim (6) na magsasaka ng Surigao del Norte na naging biktima ng pamamaslang ng mga berdugong kapulisan at killer batalyon ng militar. Magmula sa pagpatay kay Jojie Udtohan, Tay Budoy Leyson Sr at kay Lalo Calang sa Sison, kay Tukoy Arevalo ng Surigao City at kay Lezer Cerra ng Gigaquit, wala pa ni isang imbestigasyon ang nagbunga at wala pa ring nananagot sa pagpatay sa mga sibilyang ito.
Mahigpit na kinukundena ng BHB-Surigao del Norte ang pagpatay kay Nunez at sa iba pang biktima ng karahasan ng berdugong kapulisan at ng mga killer batalyon ng military sa AFP. Mariin din naming pinasinungalingan na myembro ang mga biktimang ito ng Bagong Hukbong Bayan, dahil ang katotohanan ay mga ordinaryong magsasaka lamang sila, na mapapatunayan ng kanilang mga pamilya, kapitbahay, at upisyal ng kanilang mga baryo.
Sa katunayan, nakakasawa na ang paulit-ulit na kasinungalingan ng mga berdugong kapulisan at kasundaluhan sa AFP na ang mga biktima diumano ay nanlaban matapos iabot sa kanila ang warrant, nakuhanan ng Granada at 38 revolver at iba pang “ebidensyang” malinaw na tinanim lamang ng mga berdugo. Nagsabwatan ang mga berdugong kapulisan, SOCO at piskalya upang magmukhang totoo ang kanilang akusasyon sa mga biktima sa pamamagitan ng pagsampa ng gawa-gawang kaso at ng bigyang katwiran sa kanilang mga pagpatay.
Aasahan ng mamamayan na makakamit natin ang hustisya para sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao sa pamamagitan ng pagsulong sa demokratikong rebolusyon ng bayan!
Hustisya para kay Cecel Nunez!
Hustisya para sa lahat ng biktima ng ekstrahudisyal na pagpatay!
Panagutin ang berdugo at killer na kapulisan ng Surigao del Norte!
Parusahan ang lahat ng kriminal sa PNP at AFP!