Isang Taong Anibersaryo ng Pagkakamartir ni Ka Maymay
Ang buhay na inialay sa rebolusyonaryong kilusan ay buhay na inialay sa sambayanang Pilipino. Isang taon na ang nakalilipas mula nang namartir si Ka Maymay at isang taon na rin mula nang siya’y pinagbabaril ng mga pasistang sundalo. Noong ika-8 ng Agosto 2020, nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at ng 7th Infantry Division ng Philippine Army sa Suagayan, Santa Lucia, Ilocos Sur na nagresulta sa pagkasawi ng limang pulang mandirigma, isang sundalo, at isang sibilyang magsasaka.
Kabilang sa limang namartir si Ka Maymay, kung saan siya ay hinuli at pinilit na magbigay ng impormasyon tungkol sa hukbong kinabibilangan. Walang awa siyang pinagbabaril hanggang bawian ng buhay nang pinili niyang huwag magbigay ng anumang impormasyon sa kaaway — isang malinaw na paglabag at pagsasawalang bahala ng mga pasistang sundalo sa Articles of War at Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Nagsilbi si Ka Maymay bilang isang medical officer ng rebolusyonaryong kilusan. Sa katunayan, noong oras ng engkwentro ay isinasagawa ng hukbo ang kanilang rebolusyonaryong gawain na tumulong sa mga mamamayan upang pamahalaan ang pagtugon ng komunidad sa pandemya.
Taliwas sa ipinapakalat na impormasyon ng estado na siya ay isang iskolar ng bayan na sinayang ang magandang buhay sa pagsali sa pulang hukbo, si Ka Maymay ay walang pagiimbot na tumungo at namuhay sa kanayunan at buong pusong tumangan ng armas at nagsilbi sa rebolusyonaryong kilusan. Bago piniling tumungo sa kanayunan, si Ka Maymay ay naging miyembro ng Kabataang Makabayan-DATAKO Balangay Elvira kung saan siya ay naging isang magiting na propagandista. Sa puspusang pag-aaral ng lipunan at pakikilubog sa masa, nasaksihan niya ang walang habas na pananamantala sa masang-api at dito patuloy na nahasa ang kanyang rebolusyonaryong diwa.
Patunay si Ka Maymay at ang lumalakas at lumalawak na hanay ng pulang mandirigma sa kanayunan na hangga’t patuloy ang panggigipit at pananamantala sa mayorya ng mamamayang Pilipino, hindi mawawala ang rebolusyunaryong pakikibaka ng mamamayan sa kanayunan. Ang buhay na inalay ni Ka Maymay sa kilusan ay mananatiling maalab sa paglaon ng rebolusyon!
Sapagkat ilang taon man ang lumipas, patuloy na titindig ang mga rebolusyonaryong kabataan kasama ang malawak na hanay ng uring manggagawa at anakpawis upang isulong ang isang lipunang malaya sa Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo — dala ang rebolusyonaryong diwang tatangan sa interes ng mamamayan at gagapi sa reaksyunaryong estado.
Patuloy na titindi ang hamon para sa ating mga kabataan na tumungan ng armas at isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan sa kanayunan!
Kabataan, ialay ang buhay sa kilusan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!