Isapuso ang mga rebolusyonaryong obra ng mga artista ng bayan! Kamtin ang tagumpay ng rebolusyon!
Read in: English
Makauri ang pagtingin sa sining. Para sa iilang naghahari-harian sa lipunang ito, ang sining ay ginagawa para lamang sa kapakanan ng sining. Para lamang saglit na masdan, sandaling ikatuwa, at matapos palipasin na mula sa ulirat. Para bilhin, ibenta, ituring na panukatan ng katanyagan at kapangyarihan, ilagay sa mga pedestal.
Ngunit ang sining para sa nakararaming inaapi at pinagsasamantalahan ay wala sa mga pedestal. Salamin ito ng reyalidad – gaanuman kalupit at kasalimuot. Mga buhay na obrang sumasalamin sa tunay na kalagayan ng mga dinuduhaging maralitang magsasaka, nagsasalarawan ng totoong buhay ng makabayang hukbo sa mga kagubatan. Mga tulang nagsasalaysay sa sagad-sa-butong pagsasamantala sa mga manggagawa at petiburgesyang sinisimot ng sistema. Mga konkretong panawagang ipinipintura hindi sa mamahaling mga kanbas kundi sa mga pader, tulay at bakuran. Isinisigaw hindi sa malalaking tanghalan kundi sa mga protesta at pagkilos. Mga nakabibinging hinaing ng mamamayang lumalaban, inihihiyaw ang ganap na pagpapabagsak sa isang kriminal na diktador at sistemang nais hulagpusan.
Higit itong nabubuhay dahil ang paggawa ng makauring sining na ito ay kasabay ng pakikibaka, ng pagrerebolusyon. Ito ang ginawa nang husto at lubos nina Jemar at Marlon, mga aktbistang pinaslang ng mga pulis noong Hulyo 26 sa Guinabatan, Albay. Ito rin ang buhay ni Parts Bagani, artista ng bayan na pinabagsak ng mga bala ng militar sa Polomolok, South Cotabato noong Agosto 16 at pinaunlad pa ni Kerima Tariman, isa ring artista ng bayan na tapat na nagsilbi sa masa hanggang sa pinutol ang kanyang hininga ng mababangis na militar ni Duterte noong Agosto 20 sa Negros. Ito ang ginagap na paglikha ng ilandaan pang artista ng bayan na ibinuwal ang mga katawan ngunit hindi kailanman pumanaw ang mga obra.
Sila ang mga artista sa dakilang epikong sila rin ang kumakatha. Tinahak nila ang daan ng paglaban at rebolusyong sila rin ang naglulunsad.
Oo, nariyan ang pilit at paulit-ulit na pagpigil ng mga berdugong rehimen sa masang nakikibakang likhain ang kanilang obra ng pagbabago. Pilit at paulit-ulit na pinapatay ng malulupit na rehimen ang mga artistang mahusay na gumuguhit, nagpipinta at nagsusulat ng mga obra ng pakikibaka ng mamamayan. Ngunit hindi kailanman kukupas ang kapangyarihan ng kanilang mga likhang magmulat, mag-organisa at magpakilos ng mamamayan dahil ginagabayan ang kanilang mga guhit at titik ng karanasan at buhay ng masang dumaranas ng walang kapantay na kahirapan sa ilalim ng malapyudal at malakolonyal na sistema. Kasabay nila ang masa sa pagguhit ng kasaysayan sa pagwasak sa sistemang ito upang makamit ang tunay na hustisya, kalayaan at kapayapaan.
Ang mga obra nina Jemar, Marlon, Parts, Kerima at marami pang iba, hindi man tanyag sa burgis na pamantayan ay higit na pinupuri at tinatangkilik ng masang inaapi. Wala mang espasyo sa mga museyo at tanghalan ng naghahari-harian, lagi’t laging may puwang sa isip at puso ng sambayanan. Ang kanilang makauring sining ay kaniig ng armadong pakikibakang titiyak sa pananagumpay ng rebolusyon at sa pagtatayo ng isang sistemang tunay na malaya at mapagpalaya. Ito ang pinakadakilang obrang maiaambag ng lahat ng mga artista ng bayan at ng sambayanan sa kasaysayan ng lipunan.