Isulong ang Bandilang Pula ng Katipunan at Kabataang Makabayan
ISULONG ANG BANDILANG PULA NG KATIPUNAN AT KABATAANG MAKABAYAN
Mensahe sa ika-54 Anibersaryo ng Kabataang Makabayan
ni Jose Maria Sison
Mahal na mga kasama sa Kabataang Makabayan,
Bilang Tagapangulong Tagapagtatag ng Kabataang Makabayan (KM), naliligayahan akong inabot ng ating mahal na organisasyon ang ika-54 na anibersaryo ng pagtatatag. Magpasalamat tayong lahat sa mga rebolusyonaryong martir at bayani, at sa lahat ng nauna at kasalukuyang kasapian na nagpalakas at patuloy na nagpapalakas sa ating organisasyon bilang mayor na sandata ng bagong demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino.
Ang bagong demokratikong rebolusyon ay pagpapatuloy ng rebolusyon na sinimulan ng Katipunan sa pamumuno ni Andres Bonifacio. Mapagpasiya ang papel ng KM sa pagpapatuloy ng rebolusyon magmula 1964. Itinayo ito bilang komprehensibong organisasyon ng mga kabataan mula sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, estudyante, kababaihan, guro at iba pang propesyunal.
Inihandog ng KM ang sarili bilang katulong ng uring manggagawa na namumunong uri sa rebolusyong Pilipino sa panahon ng imperyalismo at proletaryong rebolusyon sa daigdig. Naging paaralan at sanayan ang KM ng napakaraming kadre at aktibistang masa. Dito sila nakapag-aral ng mga prinsipyo, patakaran at linya ng pagkilos para maisakatuparan at maisulong ang rebolusyong Pilipino.
Masusi, mapagpasiya at malakihan ang nagawa ng KM sa pagsulong ng kilusang masa sa buong bansa. Lumaki nang lumaki ang mga protestang masa laban sa rehimeng Marcos at sa naghaharing sistema ng malalaking komprador, asendero at burukrata kapitalista bago matapos ang dekada-1960. Humantong ito sa Sigwa sa Unang Kwarto ng 1970, sa Diliman Commune at iba pang malalaking kilos protesta hanggang magpataw si Marcos ng batas militar at pasistang diktadura sa buong bansa.
Sapilitang nag-underground at kumilos nang lihim ang KM magmula pa suspensyon ng habeas corpus noong 1971. Handang-handa ang KM na lumahok sa armadong rebolusyon, magmula pa 1968, ang taong itinatag ang Partido. Marami sa mga kadre ng KM ang naging kasaping tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas at sumunod sa linya ng demoratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.
Nasaklaw agad ng Partido ang buong bansa dahil sa pambansang saklaw ng KM. Bilang bahagi ng sandatahang pakikibaka, ang KM ang naging katumbas ng Communist Youth League, tagapagsanay at tagapaghanda sa mga kabataan para maging proletaryong rebolusyonaryo. Hanggang ngayon, patuloy na nagkakamit ang KM ng mga tagumpay bilang katulong ng rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa.
Ngayon, nakaharap tayo sa isang taksil, brutal, korap, sakim at mapanlinlang na rehimen na bagong yugto ng paghahari ng mga papet ng US at mga reaksyonaryong uri sa malakolonyal at malapyudal na sistema. Dahil sa mayamang karanasan ng KM sa pakikibakang antipasista sa diktadurang Marcos, at sa sunud-sunod na mga pekeng demokratikong rehimen, matatag at malalim ang paninindigan at kasanayan ng KM para labanan at ibagsak ang rehimeng Duterte at panghinain ang buong naghaharing sistema.
Walang anumang oplan ang nakasindak sa KM. Bagamat umaastang malakas at mabangis ang rehimeng Duterte, talagang marupok at duwag ito sa harap ng lumalakas na kilusang demokratiko sa mga lunsod at ng digmang bayan na nakaugat sa kanayunan. Lahat ng pagkukunwari at di-totoong pangako ni Duterte ay nailantad nang hindi totoo. Kung gayon suklam na suklam sa kanya at sa kanyang rehimen ang sambayanang Pilipino.
Ipinangako ni Duterte na susupilin niya ang kalakalan ng ilegal na droga. Pinapaslang ang galibong mahihirap na tinaguriang drug user at pusher. Sa kalabaslabasan, si Duterte pala ang supremo ng mga druglord at kasabwat niya ang kumpadre niyang si Peter Lim at anak niyang si Paolo Duterte sa lalong lumaki at lumawak na ilegal na drug trade.
Ipinangako ni Duterte na susugpuin ang korupsyon sa gobyerno. Pero siya ang lumitaw na nakikipagkutsabahan sa pinakamalalaking mandarambong tulad ng mga pamilyang Marcos, Arroyo, Estrada, atbp. Ang Opisina ng Presidente ngayon ang pasimuno sa korupsyon, laluna sa mga kontrata ng imprastruktura at suplay para sa gobyerno at sa paggamit ng intelligence at discretionary funds para sa Oplan Tokhang at Oplan Kapayapaan.
Sadyang dinurog ni Duterte ang Marawi City at sinira ang mga tahanan at hanapbuhay ng daan-daang libong Maranaw para lamang ipasikat na dapat masindak sa kanya ang sambayanan at para sabihing tama ang mali: ang martial law sa buong Mindanao at sa buong kapuluan.
Sa ngayon, mayroon nang de-facto na batas militar sa buong bansa at malamang na aabot pa ito sa proklamasyon ng martial law batas militar sa buong Pilipinas sa layuning magkaroon ng layang dayain ang halalan ng 2019 at isagawa ang chacha para sa pekeng pederalismo nang sa gayon maitayo ang pasistang diktadura na pangingibabawan sa mga rehiyon at prubinsya ng mga pinili niyang mga ahenteng warlord at dinastiya sa pulitika.
Walang pagbabago sa ekonomiya sa ilalim ng rehimeng Duterte. Nananatili itong pre-industriyal, agraryo at malapyudal. Karamihan ng tao ay mahirap, malaki ang kawalan ng trabaho at maliit ang kita ng may trabaho. Lumilipad ang mga presyo ng batayang kalakal at serbisyo dahil sa tuwirang buwis na ipinataw dito. Sa halip mga karaniwang tao ang nagbabayad ng malaking buwis, hindi ang mga korporasyon at mayayaman.
Bankrap ang gobyerno at lalong itong mababankrap dahil sa ibinubuhos ang buwis sa pakinabang ng mga korap na opisyal at mga militar at pulis. Nauuwi ang buwis ng bayan sa mga proyektong imprastruktura at iba pang proyekto o operasyong madaling pagnakawan at sa pagbabayad ng lumalaking utang panlabas ng gobyerno.
Magmula nang maupo si Duterte bilang presidente, naglunsad na siya ng all-out war at ipinagpatuloy ito kahit na may ceasefire na napagkasunduan sa peace negotiations. Walang tigil ang paggamit ng militar at pulis ng dahas sa mga manggagawa, magsasaka, pambansang minorya, kababaihan, kabataan, mga legal na aktibista at mga tagapagtanggol ng karapatang tao.
Malaki nang pera ang ginastos ni Duterte sa pagdurog sa Marawi City at sa pagsasagawa ng batas militar sa Mindanao laban sa mga rebolusyonaryong Pilipino at mga Bangsamoro at sa paglunsad sa mga tinaguriang focus areas sa buong kapuluan. Pero isang malaking kapalpakan ang Oplan Kapayapaan pati ang mga opensiba militar nito, mga pakunwaring “peace and development” operations at mga seremonya ng pekeng pagsuko.
Wala ni isang larangan ng NPA ang nawala. At dumarami na ang mga taktikal na kontra-opensiba ng Bagong Hukbong Bayan sa Mindanao, Bisayas, at Luson. Lumalakas ang lahat ng pwersang rebolusyonaryo. Lantad na ang katotohanan na hindi kayang supilin ng rehimeng Duterte ang kilusang rebolusyonaryo.
Mabilis na sumusulong ang legal na pambansang demokratikong kilusan at ang malapad na nagkakaisang prente laban sa rehimeng Duterte. Kung makapaglunsad ang mga ito ng mga protestang masa na aabot sa daan-daang libo o milyun-milyon, sa mga mayor lunsod, posibleng alisan si Duterte ng suporta ng mga makabayan at demokratikong pinunong militar at pulis at babagsak si Duterte tulad ni Marcos noong 1986 at ni Estrada noong 2001.
Mas marami at malalaki pang krimen ang gagawin ng rehimeng Duterte habang ito ay nananatili. Katungkulan ng lahat ng marangal na Pilipinong makabayan na lumahok sa pagbabagsak sa isang rehimeng taksil sa bayan, malupit, korap at mandurugas. Sa pakikibaka ang pag-asang makakamit ng sambayanan ang mas mabuti at maaliwalas na kinabukasang malaya, demokratiko, makatarungan at maunlad.
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!