Isulong nang buong giting ang laban para sa pambansang paglaya, patuloy na irespeto at itaguyod ang internasyunal na makataong batas

Read in: English

Malugod na nakikiisa ang NDF-Bikol sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Internasyunal na Makataong Batas ngayong Agosto 12. Bilang isang entidad na may pantay na pampulitikang katayuan sa GRP, may sariling teritoryong saklaw, may pinaiiral na mga batas at may sariling hukbo, kinatawan ng CPP ang NDFP pagpirma sa nasabing batas bilang tagapagtaguyod ng Protocol I at II ng Geneva Conventions

Sa kurso ng pagsusulong ng makatwirang rebolusyon, ipinapakita ng rebolusyonaryong kilusan ang pagrespeto nito sa batas na kumikilala sa karapatan ng mga sibilyan, bilanggo ng digma at ng iba pang mamamayan.
Ngunit, bago pa man ito, mataman nang nirerespeto at itinataguyod ng CPP-NPA-NDFP ang mga karapatan kapwa ng mga sibilyan at kombatant sa isang bansang may gera-sibil. Kinikilala sa buong daigdig ang legasiya at prestihiyo ng CPP-NPA-NDFP bilang isang pambansang kilusan para sa pagpapalaya.

Sa Bikol, maraming pagkakataon nang ipinamalas ng CPP-NPA-NDFP ang pagrespeto sa nasabing kasunduan. Makailang ulit na ring kinilala at pinasalamatan ang rebolusyonaryong kilusan ng mga ginamot at inalagaang bihag ng digma mula sa hanay ng AFP at PNP.

Kabaligtaran ito nang malawakang terorismo ng reaksyunaryong estado sa bansa na kasalukuyang kinakatawan ng rehimeng US-Duterte na pasimuno ng mapangwasak at mapang-aping gera kontramamamayang sumasalaula sa mga karapatan ng sambayanang Pilipino. Sa kasalukuyan, umabot pa sa tahasang pagpapahayag ng tiranong si Duterte na hindi siya kailanman papayag na litisin sa International Criminal Court (ICC). Tatakbo na lamang umano siyang bise-presidente sa darating na pambansang eleksyon ng 2022 upang matakasan ang kanyang mga krimen sa mamamayan.

Ngunit sa kabila na siya ang malinaw na terorista sa mata ng publiko at maging ng mga internasyunal na batas, itinutulak pa rin ng rehimeng US-Duterte na ituring ang CPP-NPA-NDFP bilang isang teroristang organisasyon. Bahagi ito ng pagtatangka ng reaksyunaryong estadong siraan ang dignidad at prestihiyo ng rebolusyonaryong kilusan.

Gayunpaman, malinaw sa mamamayang Pilipino hanggang sa internasyunal na komunidad na ang CPP-NPA-NDFP ay lehitimong tagapagtaguyod ng kilusang pagpapalaya – mula sa kamay ng mapang-abuso, mapang-aping at mamamatay taong estadong papet ng mga imperyalista. Ngayon at sa mga susunod pang panahon, tangan ang diwa ng paglilingkod sa sambayanan, higit na maaasahan ng mamamayang Pilipino at ng buong daigdig ang patuloy at mahigpit na pagtalima ng rebolusyonaryong kilusan sa lahat ng internasyunal na batas ng digma at ang pagrespeto sa karapatan at kagalingan ng mamamayan.

Isulong nang buong giting ang laban para sa pambansang paglaya, patuloy na irespeto at itaguyod ang internasyunal na makataong batas