Isyu ng Panggagahasa laban sa NPA-Panay, purong kasinungalingan ng AFP at PNP
Read in: Hiligaynon
Sa desperasyon ng TF-ELCAC na siraan at ihiwalay ang NPA sa mamamayan, nitong huli ay bumaling sila sa mas maduming pagbabato ng putik laban sa NPA-Panay. Ito ay ang pag-akusa sa ilang kilalang opisyal ng NPA sa rehiyon na nanggahasa diumano sa ilang babaeng baguhang rekrut.
Marahil naramdaman na rin ng mga opisyal at tagapagsalita ng 3rd IDPA at PRO6 na nagsasawa na ang publiko sa gasgas na pakanang deklararasyon ng persona non grata at mga anti-komunistang linya, kaya ngayon ay ang isyu naman ng rape. Bagama’t hindi na ito bago, naging mas masigasig ang kanilang mga bayarang tagapagsalita sa paglulubid ng kwento, gamit ang ilang babae na diumano’y naging biktima ng rape habang sila’y nasa NPA. Madalas naririnig ito ng mga masa sa “pulong-pulong” na pinapatawag ng RCSP o TF-ELCAC sa mga baryo, at ngayon ay pilit ibinibenta sa mass media.
Para sa mga Pulang mandirigma at masang nakakakilala sa BHB, kaagad na binabasura ang estoryang ito dahil alam nilang isang lumang kwento ng kasinungalingan ng kaaway. Walang pinag-iba ito sa pahayag ng ilang dating NPA na sumuko sa militar o pulis na diumano umalis dahil sa “matinding gutom at pagod sa bundok” o “di naibigay ang ipinangakong benepisyo”. Alam kasi ng mga aktibong NPA at masa na kabaliktaran ito sa totoong kalagayang pinanggalingan ng mga sumuko.
Batid ng bawat Pulang mandirigma at mamamayang mulat sa rebolusyon kung gaano kataas ang pagpapahalaga at paggalang ng BHB sa kababaihan at pagkilala ng kanilang napakahalagang papel sa rebolusyon. Malinaw na nakasaad ito sa isang espesyal na kursong masa para sa kababaihan at sa 8 Punto na Dapat Tandaan na mahigpit na sinusunod ng BHB. Anumang paglabag dito ay kaagad pinupuna o pinapatawan ng karampatang parusa.
Sa kabilang banda, matagal nang kagawian sa loob ng AFP at PNP ang pagsasamantala at pang-aabuso sa kababaihan. Dahil sa katangian ng AFP at PNP bilang mga mersenaryong organisasyon at umaapaw ang kubulukan sa kultura, pinaghaharian ito ng mga “macho” na mababa ang tingin sa mga kababaihan lalo na sa mga mahihirap. Dito nakaugat ang napakaraming kaso ng pang-aabuso at pagsamantala sa mga kababaihan maging sa loob ng kanilang hanay. Itinuturing nilang isang karangalan at sagisag ng “tunay na pagkalalaki” ang pagkakaroon ng maraming kasintahan, asawa o kabit lalo ng mga matataas na opisyal. Nililigawan o ginagawang kabit ang natitipohang asawa o anak ng kanilang cafgu o mga tauhan at ginagawang parausan ang mga byuda at kabataang babaeng pinapapasok sa kanilang mga kampo. Pinapalaganap nila, laluna sa mga kabataan, ang malalaswang babasahin at tanawin sa mga baryo at nagpapasok ng mga puta sa baryo. May kasong nangyari sa isang baryo na nahawaan ng sakit ang isang matandang lalaki dahil dito.
Ang pagmamaliit at pang-aabuso sa kababaihan ng mga militar at pulis ay pangunahing sinisimbolo ngayon ng kanilang macho-pasistang hepeng kumander na si Rodrigo Duterte. Si Duterte ang nag-utos na barilin sa ari ang mga babaeng npa, nagpapatay at nagpakulong sa maraming kababaihan pati mga matatanda, maysakit, buntis o bagong panganak at ginagawang katatawanan ang mga kaso ng panggagahasa sa kababaihan.
Hindi nakikita ng mga opisyal ng 3IDPA at PRO-6 na ang kanilang pagtutulak at pag-uudyok na magsinungaling sa publiko ng isang babae lalo kung menor de edad ay isang anyo ng pagsamantala sa kababaihan. Tanging iniisip ng kaaway ay ang maka-iskor ng paninirang puri laban sa NPA, at hindi inaalintana kung ano ang nagiging epekto sa dangal at dignidad ng mga babaeng kanilang ginagamit. Naniniwala ang NPA-Panay na ang mga pinalutang na biktima diumano ng panghahalay ng NPA ay pinilit o inengganyong magsinungaling para hindi masampahan ng gawa-gawang kaso o pinangakuan ng pabuya ng kanilang mga handler sa AFP at PNP.