Itaas ang pagkakaisa sa ideolohiya, palakasin ang Partido, palakihin ang Hukbong Bayan! Sumulong sa mas mataas na antas ng digmang bayan!

Ngayong araw ay araw ng paghihimagsik. 51-taon ang nakalipas, sa araw na ito ay pormal na
muling itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas at nagkahugis ang pamumuno ng uring
proletaryado sa bagong tipo ng pambansa demokratikong rebolusyon sa Pilipinas. Nagkaroon ng  pag-asa ang pagtatayo ng isang sosyalistang lipunan para sa sambayanang Pilipinong matagal  nang lipos ng kahirapan at kaapihan. Nalinaw ang turol ng nag-aalimpuyos na galit ng
mamamayang api, ang pagpapabagsak sa imperyalismo, pagdurog sa pyudalismo at mga
burukrata-kapitalista. Sa araw din na ito, kilalanin natin ang walang pag-iimbot na sakripisyo ng  ating mga martir, mga kadre, mga kasapi sa lahat ng antas dito sa Lambak ng Cagayan at maging  sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Higit sa lahat magpugay tayo sa sambayanang Pilipino na  patuloy sa pagpupunyagi sa paglaban.

Ipagdiwang natin ang ika-51 na taon ng pagkakatatag ng PKP. Bigo ang rehimeng US-Duterte sa  buktot na plano nitong mapagpasyang durugin ang rebolusyunaryong kilusan. Dito sa ating
rehiyon, sa gitna ng panghahalihaw ng bayarang AFP-PNP sa ating mga baseng masa, maramihang pekeng pagpapasurender, pananakot at panggigipit ng mga lider-organisador sampu ng mga pamamaslang ng mga kilalang kadre at simpatyasidor sa lokalidad ay nakapanaig ang rebolusyonaryong kilusan sa pamumuno ng Partido.

Panghawakan natin ang inabot na paglaki sa 2019 ng ating baseng masa, mga aktibista, at kasapi  ng Partido. Panghawakan din natin ang aral ng mentenasyon at pagpapalaki ng ating
rebolusyunaryong hukbo. Pagsikapan natin pataasin ang kakayahan ng Bagong Hukbong Bayan
sa pagdurog ng hukbo ng kaaway sa uri.

Higit pa nating palawakin ang kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran sa pagsusulong ng
malakihang kampanyang masa laban sa pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala. Mahigpit
natin itong ikawing sa kilusang masang nagpapatalsik sa rehimeng US-Duterte. Kasabay nito
paunlarin natin ang kumbinasyon ng pagkilos sa hayag at lihim, sa armado at di-armado.

Sa darating na taon, paramihin ng dalawang ulit ang kasapian ng Partido at itaas ang kakayahan  ng mga kadre at kasapi sa pamumuno. Para dito, tiyakin natin ang pagpapatapos sa 3-antas na  kurso ng pampartidong pag-aaral ng lahat ng mga kasapi saan mang antas sila naroroon.

Patuloy nating paunlarin ang estilo ng paggawa at sistemang komite. Maging mapangahas tayo at  matalino sa pagsasanay ng mga batang kadre, ihanda natin ang mga susunod na saling-lahi sa  pamumuno ng Partido. Tanawin natin sa susunod na mga taon ang tuloy-tuloy na pagpapatibay ng pamumuno ng Partido sa rebolusyong Pilipino.

MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!

MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN.

SUMULONG TAYO SA MAS MATAAS NA ANTAS NG DIGMANG BAYAN.

Itaas ang pagkakaisa sa ideolohiya, palakasin ang Partido, palakihin ang Hukbong Bayan! Sumulong sa mas mataas na antas ng digmang bayan!