Itaguyod ang maningning na buhay at pakikibaka ni Kasamang Wilfredo “Ka Jazz” Gaayon, bayani ng sambayanan
Pinakamataas na pagpupugay ang iniaalay ng buong kasapian ng Chadli Molintas Command-BHB-Ilocos Cordillera kay Kasamang Wilfredo “Ka Jazz” Gaayon, 46, na nagmartir kasama ni Ka Ashlee sa isang labanan sa Mainit, Bontoc, Mountain Province noong Setyembre 28. Ipinapaabot rin namin ang taos-pusong pakikidalamhati sa lahat ng mahal sa buhay, kapamilya, kakailian at mga kaibigan nina Kasamang Jazz at Ashlee. Gayundin na mariing kinukundena ng Chadli Molintas Command ang makahayop na paglapastangan sa bangkay ng mga kasama na lantarang nagpapakita ng barbarismo at kawalang pagkilala sa internasyonal na batas ng digmaan ng berdugong killing machine ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Si Ka Jazz ay nanggaling sa tribung Mabaka sa Kalinga. Nakalakhan at nasaksihan niya ang pagsigla ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan noong 1980s hanggang sa panahon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP). Sa muling pagbalik ng mga kasama sa kanilang baryo, isa siya sa mga kabataang mainit na yumakap sa mga aral ng IDKP at nakibahagi sa pagpanibagong-sigla sa pagsusulong ng mga rebolusyonaryong gawain sa loob ng baryo. Bilang kasapi ng nabuong core group ng mga kabataan, kinilala siya ng mga kabataan bilang mahusay na organisador, instruktor at lider. Sa pagsusulong ng kampanyang produksyon sa kanilang baryo, malaki rin ang kanyang ginampanang papel sa aktwal na pakikilahok at pagpapakilos sa mga kabataan sa payaw-expansion, pagrepair ng irigasyon at mga nasirang payaw, pagpapataas ng ani kasabay ng masigasig na rebolusyonaryong pag-aaral at gawaing kultural. Sa mga pagtitipon ng mga kabataan, walang-pagod si ‘Manong Poled’ sa pagpapaliwanag hinggil sa rebolusyon at hinggil sa mga maiinit na isyu.
Simula sa kanyang pagsampa sa BHB noong 2006, ipinamalas ni Ka Jazz ang kanyang dedikasyon at husay bilang organisador, propagandista, instructor at Pulang mandirigma. Kabilang siya sa maraming mga mahuhusay na kadreng napaunlad mula sa hanay ng mga pambansang minorya sa Cordillera. Hindi siya kakikitaan ng pagdadalawang-isip sa pagtanggap ng anumang atas ng Partido. Palabiro, masayahin ngunit seryoso sa pagpapaliwanag sa mga bagay-bagay. Madaling mapalapit sa masa at mataas ang inisyatiba sa kahit anumang gawain. Dahil lumaki bilang anak ng isang magsasaka, hindi bago sa kanya ang pakikibahagi sa mga trabahong agrikultural ng masa. Matiyaga sa pagtuturo sa mga kasamang galing syudad kaugnay sa iba’t ibang gawain ng Hukbo at masa. Maaasahan rin siya sa mga pampulitika at pangmilitar na gawain, bilang squad leader man o bilang giyang pampulitika. Sa mga kultural na aktibidad, madalas siyang natatawag bilang emcee at aktor sa mga iskit at palabas. Sa maraming labanang kanyang naisabakan, naipamalas niya ang katapangan sa pagharap sa kaaway. Sa mga katangiang ito, naging mabilis ang kanyang pag-unlad bilang namumunong kadre sa mga yunit na kanyang napalooban. Si Ka Jazz ay naging kasapi ng Komiteng Larangan ng Kalinga noong 2015 bago naitalaga sa Larangang Gerilya ng Ifugao noong 2018 at sa Larangang Gerilya ng Mountain Province noong 2019.
Sina Ka Jazz at Ka Ashlee ay mga bayani ng uring magsasaka at mga pambansang minorya. Patuloy nating itaguyod ang kanilang rebolusyonaryong diwa at magpatuloy sa pagsusulong ng digmang bayan. Sa kabila ng ating pagdadalamhati, marapat lamang na ipihit natin ang ating makauring poot laban sa naghaharing uri at sa kanilang mga berdugong AFP-PNP. Nagsisilbi bilang inspirasyon at huwaran ang buhay at kasaysayan nina Ka Jazz at Ka Ashlee sa maraming kabataang nagnanais ng tunay na paglaya at demokrasya. Ang kanilang katapangan at kabayanihan ay lalupang magpapaalab sa diwang palaban ng mamamayan upang magpursigi sa digmang bayan hanggang sa ganap na tagumpay.