Itaguyod ang rebolusyonaryong katapangan at matatag na kapursigehan ng tatlong martir ng Ilocos!
Minamahal na mga kapamilya, kamag-anak, kababayan, kaibigan, mga alyado at ang masang malugod na pinagsilbihan nila Ka Goyo, Ka Lea at Ka Riki:
Kami ay nakikidalamhati at nagpipighati sa brutal na pagpaslang sa minamahal nating mga kasamang sina Julius ‘Ka Goyo’ Marquez, Enniabel ‘Ka Lea’ Balunos at Maria Finela ‘Ka Riki’ Mejia sa duguang kamay ng mga pasistang kaaway. Kasama ninyo, umaagos ang aming mga luha ng pagmamahal at hinagpis para sa pagkamartir ng tatlong lider ng rebolusyonaryong kilusan. At tulad ninyo, nagpupuyos ang aming galit sa kahayupan at marahas na tipong-Tokhang na pamamaslang sa kanila, isang tipikal na barbarikong gawain ng makinarya sa pagpatay ng rehimeng Duterte.
Sila Ka Goyo, Ka Lea at Ka Riki ay namatay bilang bayani sa gitna ng konsentrado at sustinidong atake ng kaaway sa larangang gerilya ng Ilocos Sur mula pa huling kwarto ng 2018. Habang nagpapatupad ng gawaing masa, sila ay dinukot at patraydor at walang-awang pinaslang ng mga kriminal na operatiba ng 81st IB a 7th MIB bandang 10:30 ng gabi ng Pebrero 13, 2020 sa barangay Namatican, Santa Lucia, Ilocos Sur. Pinabulaanan ng mga saksi mula sa komunidad ang ibinalita ng militar at media na siya ay namatay sa isang enkwentro. Walang labanang naganap sa Namatican nang gabing iyon ng Pebrero 13. Ang ating mga kasama ay agarang pinagbabaril ng mga hayok-sa-dugong mga pasistang tropa!
Ibinibigay ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ang Panrehiyong Pamatnugutan sa Operasyon (Chadli Molintas Command) ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa rehiyong Ilocos-Cordillera ang pinakamataas na pagpupugay sa tatlong kasamang nag-alay ng kanilang mga buhay para sa masang lubos nilang minahal. Sinasaludohan namin sila para sa matatag at buong pusong paninilbihan nila sa armadong rebolusyon ng mamamayan na ipinamalas nila hanggang sa kahuli-hulihang hininga nila. Inialay nila ang pinakamahuhusay na taon ng kanilang mga buhay sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Pinili nilang magsilbi sa mga maralita at kapos palad, sa mga inaapi at pinagsasamantalahang masa.
Sa deka-dekadang di makasariling paglingkod nila sa sambayanan, ipinamalas nila ang katapangan, pagiging mapagpakumbaba, matatag na pamumuno, kasigasigan sa gawain at rebolusyonaryong optimismo. Sila ay mga modelo ng matatag na kapursigehan sa harap ng mga pagsubok at sakripisyo at sa pangingibabaw sa mga kahirapan at limitasyon upang patuloy na makapag-ambag sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan na magpapalaya sa masang anakpawis at sa bayan mula sa tanikala ng pagsasamantala at pang-aapi.
Ang mataas na diwa ng pagsasakripisyo at patriotismo nila ay nagsisilbing insipirasyon sa masa. Sa kanilang kabataan, determinado nilang tinalikuran ang buhay ng kaginhawaan upang magsilbi sa masa at sa rebolusyon. Silang tatlo ay nakapagtapos sa kolehiyo (si Ka Goyo ay nagtapos ng BS Math, Ka Lea ay BS Nursing at Ka Riki ay BA Language and Literature), at maaring nagkaroon ng magandang kabuhayan. Pero imbes ay pinili nila ang makipamuhay sa mga masang magsasaka sa kanayunan at gamitin ang napag-aralan sa kolehiyo sa pagtuturo, pag-organisa at pagpapakilos sa kanila upang baguhin ang kanilang kalunoslunos na kalagayan. Ginamit nila ang pinakamahuhusay na taon at dekada ng kanilang buhay upang kumilos at makibaka kasama ng mga magsasaka sa mga probinsya ng Ilocos na hindi nila kailanman iniwan kahit sa ilalim ng pinaka-brutal at walang tigil na pasistang atake ng pasistang makinarya ng reaksyunaryong estado. Ang mga pakikibakang ito ay nakapagkamit ng mga konkretong pampulitika at pangekonomyang benepisyo at tagumpay na nagresulta sa pag-unlad ng kalagayan ng mga magsasaka. Kung kaya’t ang kanilang tauspusong paninilbihan sa interes ng mga masang anakpawis ay umani ng paghanga, respeto at pagmamahal ng mga magsasaka.
Totoo, ang pagkamatay nila Ka Goyo, Ka Lea at Ka Riki ay napakasakit para sa ating lahat. Pero natutunan na nating ibaling ang kalungkutan sa rebolusyonaryong katapangan. Habambuhay na mananatili ang kanilang mga alaala at adhikain. Sila ay mga rebolusyonaryong bayani at martir na dapat nating tularan. Ang maninging na ehemplo nila ng walang kamatayang pagmamahal sa masa, masigasig na pakikibaka, katapangan sa labanan, at di makasariling pagsasakripisyo ay patuloy na yayabong sa hanay ng daandaang libong rebolusyonaryo at magsisilbing insipirasyon sa lahat ng mga kasama at masa.
Habambuhay natin silang maaalala sa bawat nakikibakang magsasaka, sa mga rebolusyonaryong nagga-gawaing masa, at sa mga Pulang mandirigma at kumander na nagsusulong ng armadong rebolusyon ng mamamayan.
Mabuhay ang maningning na alaala ng tatlong bayani ng Ilocos!