Itakwil at labanan ang katiwaliang “whole-of-nation” approach ng NTF-ELCAC
Sa harap ng laganap na katiwalian ng gubyernong Duterte, hindi pahuhuli ang NTF-ELCAC sa pangungurakot at pandarambong sa pondo ng bayan. Napakalaking pondo na ang inilaan sa pasistang ahensya subalit walang kabusugan ang mga heneral at iba pang matataas na opisyal nito. Gamit din nito ang “whole-of-nation” approach sa pagwawaldas ng pondo ng sibilyang burukrasya para sa anti-komunistang gera at korapsyon.
Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), garapalang kinuha at ginamit ng NTF-ELCAC ang pondo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Interior and Local Governance (DILG) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) noong 2020. Aabot sa P160 milyong pondo ang inilipat sa NTF-ELCAC mula sa TESDA habang P2.9 milyon naman ang kinuha sa DILG. Ginamit din ng NTF-ELCAC ang P5.3 milyong pondo ng DSWD para sa kampanyang pagpapasuko at P1.06 milyon ang ginastos ng NCIP para umano sa isang “workshop” nito. Labas pa ang mga ito sa P19 bilyong badyet ng NTF-ELCAC ngayong 2021. Hindi pa nasapatan dito, tinaasan pa tungong P28 bilyon ang pondo ng NTF-ELCAC sa 2022 panukalang badyet.
Ang garapalang pagkuha at paggamit ng NTF-ELCAC sa pondo ng mga pambansang ahensya ay patunay na naipailalim na sa pamumuno ng juntang militar ang sibilyang gubyerno. Umiiral ang juntang militar kung saan ipinwesto ni Duterte ang mga retiradong heneral sa iba’t ibang posisyon ng reaksyunaryong gubyerno. Binuo pa ang NTF-ELCAC kung saan maluwag na ginagamit at pinapakilos ng rehimen ang sibilyang gubyerno sa disenyo ng kontra-rebolusyonaryong kampanya. Sa ganito, naging madali sa mga heneral ng AFP-PNP na pakialaman at dambungin ang pondo ng bayan.
Pinapaboran at binubundat ni Duterte ang mga heneral ng AFP-PNP upang makuha ang bulag na katapatan at suporta ng mga ito sa kanyang teroristang paghahari. Ang pamumudmod ng salapi at pabuya sa mga heneral ay bahagi ng kanyang imbing plano para sa eleksyong 2022.
Kasuklam-suklam ang kawalang pananagutan ng AFP-PNP sa kabi-kabilang karahasan at pagnanakaw sa pondo ng bayan. Pinagdusa ng estado ang mamamayan sa mga atrosidad ng AFP-PNP habang ipinapapasan sa kanila ang luho at layaw ng mga gahamang pasista. Nilustay ng rehimeng Duterte ang malaking pera ng bayan para sa pabuya at dagdag na sweldo ng mga militar at pulis imbes na ilaan sa pangangailangan ng sambayanan sa panahon ng pandemya.
Hinahayaan ng rehimeng Duterte ang lansakang pangungurakot ng AFP-PNP tulad ng pag-uudyok nito sa malawakang paghahasik nito ng teror at lagim sa bayan. Bahagi ito ng desperasyon ni Duterte na sugpuin ang armadong rebolusyon at ang mga legal na demokratikong kilusan at kritiko na tumutuligsa sa kanyang diktadura.
Hindi na maatim pa ng mamamayang Pilipino ang labis na kahirapang ipinataw ng rehimen sa bayan sa harap ng paglulunoy nito sa perang nagmula rin sa pawis ng sambayanan. Marapat na singilin at pagbayarin ang AFP-PNP at ang rehimeng Duterte sa mga krimen nito sa bayan, kabilang ang walang pakundangang pagnanakaw sa pondo.
Patuloy na igiit ang pag-aalis at paglilipat ng pondo ng NTF-ELCAC sa pangangailangang pangkalusugan, ayuda at produksyon ng pagkain. Kailangang magkaisa ang buong bayan para paigtingin ang kanilang laban sa pagpapanagot at pagpapabagsak sa taksil, korap, pasista at inutil na si Duterte.###