Itigil ang karahasan! De facto Martial Law wakasan!

Nitong mga nagdaang buwan ay parating nasa usap-usapan ng pandaigdigang saklaw ang Pilipinas. Hindi nga lang ito dapat ikagalak kung hindi isang bagay dapat ikabahala. Ayon sa grupong Global Witness, ang Pilipinas ang pinakadelikadong bansa para sa mga aktibistang pangkalikasan. Base sa datos ng grupo, tatlumpong tagapagtanggol ng lupa at aktibistang pangkalikasan ang napapatay sa ilalim ng rehimeng Duterte sa taong 2018 lamang. Ito ang pinakamataas na naitala sa Asya. Itinuturing din ng grupong Armed Conflict Location and Event Project o ACLED ang Pilipinas bilang pang-apat na pinakapeligrosong bansa para sa mga sibilyan. Sa taong 2019 lamang ay mayroong 490 mga sibilyan na ang napaslang, 450 rito ay direktang pinaslang ng mga pwersa ng estado. Sa kabuuan, tinatayang aabot na sa 30,000 katao ang pinaslang sa loob ng tatlong taong panunungkulan ni Duterte. Pero ayon mismo sa kanya, kulang pa ang bilang na ito at kahit umabot sa tatlong milyon ang mamatay ay ayos lang basta maisakatuparan niya ang kanyang mga plano.

Ano nga ba ang plano niya? Gaya ng nauna na niyang pinatunayan, si Duterte ay nangangarap maging isang diktador gaya ng mga idolo niyang si Marcos at Hitler. Isa siyang militarista na nakaasa sa paggamit ng karahasan at panlilinlang upang makapagkamal ng yaman at makapagpalawig ng kapangyarihang pulitikal. Isa siyang tuta na sunod-sunuran sa mga imperyalistang bansa kapalit ng dayuhang kapital.

Sa ilalim ng nag-aastang diktador na si Duterte, nasa “de facto” martial law ang bansa. Ibig sabihin, kaiba man noong panahon ni Marcos na nagdeklara mismo ng batas militar ay pareho naman sa esensya na umiiral sa bansa ang walang-habas na karahasan, kawalang-hustisya at matinding paglabag sa karapatang-tao. Sa pamamagitan ng iba’t ibang mga operational plan o OPLAN, ipinatutupad ni Duterte sa tulong ng AFP at PNP ang kanyang sariling bersyon ng martial law sa bansa. Nariyan ang Oplan Tokhang, Oplan Kapayapaan at ngayon ang Oplan Kapanatagan.

Pormal na pinirmahan noong Enero 2019, ang Internal Security Operation Joint AFP-PNP Campaign Plan: Oplan Kapanatagan ay naglalayon di umano na wakasan ang insurhensiya sa taong 2022. Ito ang ipinalit ni Duterte sa bigong Oplan Kapayapaan. Ngunit nag-iba man ang katawagan ay iisa pa rin ang kahulugan, ito ay isang kontra-mamamayang plano na naglalayong sikilin ang paglaban ng masa para sa kanilang mga makatarungang karapatan.

Nakapakete sa Oplan Kapanatagan ang patuloy na pagpapaupo ni Duterte sa pwesto ng mga retiradong opisyal ng pulis at militar upang isigurado na nasa kontrol nito ang mga mahahalagang sangay ng gobyerno. Ipinatutupad ni Duterte at ng militar ang whole-of-nation approach kung saan ginagamit nito ang lahat ng sangay ng gobyerno, AFP-PNP-death squads, at mga sibilyang organisasyon upang durugin ang lahat ng tinuturing kaaway ng rehimen. Direktang nakikialam ang AFP at PNP sa mga usapin at panukala mula sa nasyunal hanggang sa mga local government unit. Sa pamamagitan ni DILG Secretary Eduardo Ano, ipinipilit ng militar na ideklara ng mga LGU ang CPP-NPA at mga pinaghihinalaang organisasyon bilang persona non grata kahit na tutol dito ang mga mamamayan. Ginagamit din ang mga limos na proyekto gaya ng 4Ps (DSWD), PAMANA (OPAPP) at CHARM-NGP-ENREM (DENR) upang ipamukha na may ginagawa ang rehimen upang solusyunan ang kahirapan ng mamamayang Pilipino.Sa kabilang banda, tuloy-tuloy ang mga pagpatay at iligal na pag-aresto bunsod ng mga gawa-gawang kaso at pagtatanim ng mga ebidensya laban sa mga sibilyan, aktibista at mga tagapagtanggol ng karapatan.

Sa mga lugar ng pambansang minorya gaya ng Kalinga – liban pa sa naunang nabanggit – patuloy na ginagamit ng AFP at PNP ang IP-centric approach upang samantalahin ang katutubong kultura at magamit ito kontra-mamamayan. Patuloy na ipinipilit ng AFP at PNP na maipaloob ito at ang NPA sa kasunduan ng “bodong” o peace pact ng mga tribu gayong maliwanag na labas sa saklaw ng tribu ang armadong pakikibaka na may pambansang saklaw. Sinasamantala rin ng reaksyunaryong gobyerno ang iilang mga “pangat” o elders ng ilang mga tribu upang maipatupad ang mga proyektong aagaw at sisira sa mga lupang ninuno ng mga i-Kalinga. AFP at PNP naman ang security forces o panakot ng mga dambuhalang kumpanya ng enerhiya upang supilin ang pagtutol dito ng mamamayan.

Ang mga karahasang ito at ang di-makataong pamamahala ni Duterte ay sumasalamin lamang sa lalong pagkabulok at papalalang krisis ng mala-pyudal at mala-kolonyal na lipunan. Walang signipikanteng iniunlad sa buhay ng mamamayang Pilipino kahit pa pinipilit itong pagtakpan ng mga survey at fake news ng rehimen. Lalong itinutulak ni Duterte ang mamamayan upang mag-aklas at igiit ang kanilang mga karapatan sa pamamagitan ng mga di-makataong panukala nito sa usapin ng ekonomiya (train law, rice tarrification), militar (Oplan Kapanatagan, martial law sa Mindanao at Negros), pulitika (relasyon sa China) at kultura (panghihimasok-militar sa mga paaralan at unibersidad). Si Duterte mismo ang humuhukay ng sarili nitong libingan habang patuloy nitong ginagalit ang sambayanang Pilipino.

Buong giting na hinaharap ng sambayanang Pilipino ang pasismo ni Duterte. Tuloy-tuloy man ang mga pandarahas at paglabag sa karapatang-tao ay sinasalubong ito ng malalaki at malawakang kilos-protesta ng mamamayan upang pagbayarin si Duterte sa kanyang mga krimen. Paulit-ulit ng pinatunayan sa kasaysayan na kahit na anong dahas ay kayang labanan at harapin basta’t sama-samang lumalaban at kumikilos ang sambayanan. Ito ay panahon ng matitinding pagsubok at ito ay panahon na dapat mas mahigpit nating panghawakan ang ating mga paninindigan. Pahigpitin natin ang ating hanay at sama-samang kumilos sa iba’t ibang mapanlikhang porma upang labanan ang pasismo at terorismo ng estado. Patuloy na ilantad ang kabulukan ng rehimeng Duterte. Tuloy-tuloy na magtungo sa kanayunan at sumampa sa NPA at makibahagi sa pagkamit ng tunay na pagbabagong panlinpunang magwawakas sa kahirapan at pagsasamantala.

Hanggang may pagsasamantala at pang-aapi ay mayroong titindig at lalaban dito. Hanggang nagugutom ang kalakhan ng sambayang nabubuhay sa busabos na kalagayan ay may magrerebolusyon. Ito ang batas ng kasaysayan na siyang nagdikta kung bakit napabagsak natin ang diktaturyang Marcos noon. Ito rin ang batas ng kasaysayang nagdidikta kung bakit mabibigo si Duterte ngayon.

 

Itigil ang karahasan! De facto Martial Law wakasan!

Patuloy na ilantad at biguin ang Oplan Kapanatagan ni Duterte!

Mamamayan magkaisa laban sa tiraniya! Ipagtanggol ang buhay, dangal, at karapatan!

Magtungo sa kanayunan, sumampa sa Bagong Hukbong Bayan!

Itigil ang karahasan! De facto Martial Law wakasan!