Itigil ang pagpopondo sa pasismo ng estado
Read in: English
Umaasa sa mga ilohikal ang mga pahayag ang NTF-ELCAC para patakpan ang kawalan ng saysay ng patuloy na pag-iral nito bilang isang ahensya. Batbat ng kasinungalingan, kurapsyon, pagwawaldas ng kabang bayan, karahasan at panunupil ang pamamayagpag ng ahensya. Nagsisilbi itong pangunanahing tagapagpatupad ng todo gera ng rehimen laban sa mamamayan.
Taun-taon, brinabraso ng juntang militar ang kongreso para paglaanan ng bilyun-bilyong pondo ang NTF-ELCAC. Malaking parsela nito ang naibubulsa ng mga upisyal ng juntang militar habang papalaki nang papalaki ang listahan ng mga pekeng sumurender, pekeng encounter, nakukulong, tinotortyur at napapaslang na mga sibilyan. Sa programa sa pagpapasurender pa lamang, minimum na P1.204 B na ang nakulimbat batay sa pahayag ni Usec. Lorraine Badoy na mahigit nang 14 na libo ang pumaloob sa Enhanced Community Local Integration Program (ECLIP). Bahagi nito ang P30 milyong dapat laan sa mahigit sa 350 sibilyan pinilit at nalinlang na ng Retooled Community Support Program sa anim na munisipalidad ng Sorsogon . Noong Disyembre 2019, mahigit P12 milyong tumataginting ang kinulimbat ng mga upisyal ng 2nd IB at kanilang kasabwat sa RTF-ELCAC matapos palabasing sumurender ang mahigit 150 magsasakang nagtipon sa Masbate City para gunitain ang International Human Rights Day. Sapilitang pinapaloob ang mga sibilyan sa ECLIP sa iba pang bahagi rehiyon. Kalakhan sa kanila ay walang natanggap ni isang singkong duling.
P16.4 bilyon ang ilinaang badyet para sa kampanyang pagandahin ang imahe ng NTF-ELCAC sa mga binayo nito komunidad sa buong bansa. Samantala, nakakalbo ang rehimen kung saan kukunin ang dagdag na P22 bilyong piso para sa ayuda ng mamamayang Pilipinong nawalan ng kabuhayan, o, ang kakailanganing mahigit na P16 bilyong piso para bayaran ang sahod ng mga frontliners mula pa Enero ngayong taon. Lunod sa utang ang bansa para pondohan ang mga palpak na programa para harapin ang sapin-saping panganib sa buhay at kabuhayan ng masang Pilipino, pero heto’t idinidikta ng NTF-ELCAC at ng military junta na patuloy na pondohan ng taumbayan ang isang todo gerang kababayan din nila ang target. Matapos sagasain ang mga komunidad ng militarisasyon, malawakang paglabag sa karapatang tao at pigilan ang mamamayan na payapang makapaglunsad ng kanilang mga gawaing panlipunan at pang-ekonomya, may gana pang mag-astang bayani ang mga alipures nito.
Gaano man ang pagwawasiwas ng pasismong terorismo ng estado, habang papalala ang kagutuman mapipilitan ang mamamayan na bunuin ang panganib ng Covid-19 at isantabi ang kanilang takot para mabuhay. Hindi matitinag ang hanay ng mamamayan sa kanilang makatarungang pagpapanagot sa pangunahing nagsadlak sa kanila sa krisis panlipunan dahil sa kriminal na kapabayaan. Nag-aalab ang rebolusyonaryong diwa sa buong bansa habang tumitindi ang mga delubyo ng brutalidad ng estado.
Nanawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng mamamayang Bikolano na aktibong suportahan ang lahat ng kanilang kababayan. Kailangang mapagbigkis ang lakas ng lahat ng mamamayang Pilipino para maitulak ang lahat ng lingkod bayan, laluna si Duterte, na buwagin at alisin ang pondo ng mga instrumento para sa pasismo, at sa halip, buhusan ng pondo ang mga pangunahing pangangailangan, serbisyong pangkalusugan at iba pang serbisyong panlipunan ng mamamayang Pilipino.
Sa pamamagitan lamang ng pagpapakita ng nagkakaisang lakas ng mamamayan maitutulak ang anumang rehimen na talikuran ang lantay militar na estratehiya para tugunan ang ugat ng armadong pag-aalsa sa bansa. Tanging sa pamamagitan ng pagtatagumpay ng makatarungang digma ng mamamayan matatamasa ng sambayanang Pilipino ang isang tunay at makabayang programa sa ekonomya na hindi luluhod sa pagbayo ng anumang krisis pangkalusugan at krisis sa ekonomya.
Dangogon ang agyat kan satuyang henerasyon!
Nasa satuyang kamot ang pagkalda sa tingating!
Ipanggana ang rebolusyon kan namamanwaan!