Itigil ang Revitalized Presence in the Barangays Program ng PNP
Read in: English
Walang kahit kaunting ginhawa para sa mamamayang Bikolano. Matapos bugbugin ang kanilang mga komunidad ng walang katapusang operasyong militar at pulis gaya ng madudugo, brutal at mapanlinlang na SACLEO, RCSP at FMO, heto na naman at hindi magkamayaw sa desperasyon ang rehimeng US-Duterte sa pagpapatupad ng kampanyang Revitalized Police Presence in the Barangays sa ilalim ng Intensified Cleansing Operations ng PNP. Hindi pa nasapatan ang rehimen sa mga joint interoperability operations ng PNP at AFP sa ilalim ng kanyang EO 70-Whole of Nation Approach. Sinasagad niya ang paghahari ng militarismo sa pamamagitan ng pagbibigay-lisensya sa dagdag pang presensya ng mga pulis sa mga barangay.
Haharapin ng mamamayang Bikolano ang araw-araw na dagdag pang paglabag at pagsikil sa kanilang mga karapatan at kalayaang sibil. Hindi na lamang mga militar ang magpapakalat-kalat at tahasang manggagalugad sa mga komunidad. Maging ang mga pulis ay ookupahin ang kanilang mga lugar. Gaya nang mahaba nang karanasan ng masang Bikolano, ibubunga nito ang higit na kawalan ng katiyakan sa kaligtasan ng buhay, kabuhayan at karapatang tao. Tiyak ding kakanlungin at susuhayan ng mga pulis ang mga anti-sosyal na gawi ng mga iligal na grupong hawak din ng kanilang hanay.
Hindi kailanman matatanggap ng mamamayang Bikolano ang programang ito ni PNP Chief Guillermo Eleazar. Mahigpit nilang itinatakwil ang walang patumangga at kasuklam-suklam na paghahasik ng terorismo ng AFP-PNP-CAFGU sa kanilang mga komunidad. Sariwa pa sa publiko ang pagkamatay ng dalawang aktibistang sina Jemar Palero at Marlon Napero sa kamay ng PNP-Albay sa Ligao City noong Hulyo 26. Gayundin ang brutal na serye ng pamamaslang at masaker sa ilalim ng kampanyang SACLEO ng PNP. Umabot sa 26 ang biktima ng naturang mga operasyon mula 2020 hanggang Agosto 2021. Liban pa rito ang bilang ng mga pinaslang sa rehiyon sa estilong-Tokhang sa ilalim ng hungkag na kampanyang kontra-droga na umaabot na ang biktima sa higit 30,000 sa buong bansa.
Kasama ang NDF-Bikol, lalo lamang paiigtingin ng mamamayang Bikolano ang laban sa lahat ng pasista at teroristang pakana ng rehimeng US-Duterte upang sugpuin ang kilusang masa at rebolusyonaryong kilusan. Gagap ng masa na walang ibang magtataguyod ng karapatan at interes nila kundi ang kanilang sariling hanay at ang sinasaligan nilang rebolusyonaryong kilusan. Sa pagpapatuloy ng tahasan at sukdulang pagsikil sa karapatan ng mamamayang Bikolano, lalo lamang nabubuhay at lumalaganap ang hindi nalilipol na diwang mapanlaban ng mamamayan.