Itinataguyod at isinusulong ng NDFP ang pandaigdigang makataong batas
Kaisa ng mamamayang Pilipino ang NDFP-ST sa paggunita sa buwan ng International Humanitarian Law (IHL) ngayong Agosto. Simula’t sapul, katuwang ng sambayanan ang NDFP sa pagtataguyod, paggigiit at pagtatanggol ng karapatang tao sa gitna ng pasismo ng mga nagdaan at kasalukuyang papet na rehimen. Ang lahat ng mga kaalyadong organisasyon ng NDFP ay mahigpit na tumatalima sa IHL laluna ang NPA na pangunahing armadong pwersa ng mamamayan.
Batid ng taumbayan na ang rebolusyonaryong kilusan ang tunay na nagtataguyod ng karapatang tao at rumerespeto sa pandaigdigang makataong batas. Isang testamento sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino at rebolusyonaryong kilusan ang napagtagumpayang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP noong taong 1998. Binalangkas ito ng NDFP sa tulong ng malawak na sambayanan upang ipagtanggol ang karapatan ng mamamayang Pilipino na paulit-ulit na nilalabag ng reaksyunaryong estado.
Kabilang sa nilalaman ng kasunduan ang pagrespeto sa karapatan ng mga hindi tuwirang kalahok sa digma at ng mga mandirigmang wala nang kakayahang lumaban. Palaging isinasaalang-alang ng NPA ang buhay at kaligtasan ng mamamayan bago magsagawa ng mga aksyong militar. Sa bawat inilulunsad na taktikal na opensiba laban sa pasistang AFP, tinitiyak ng NPA na walang madadamay na mga sibilyan. Sa mga hindi inaasahang pagkakataon at pagkakamali, mapagkumbabang nagpupuna ang kinauukulang komand ng NPA at gumagawa ng masusing imbestigasyon at bayad-pinsala. Batay sa resulta ng mga imbestigasyon, gumagawa ang CPP ng mga hakbang sa pagtutuwid para di na maulit ang mga pagkakamali. Sa mga mabibigat na pagkakamali, nilalapatan ng karampatang aksyong pandisiplina at kaparusahan ang mga sangkot alinsunod sa tuntunin sa disiplina ng BHB at sariling sistema ng hustisya at prosesong hudisyal ng Demokratikong Gubyernong Bayan.
Dahil matuwid at makatao ang rebolusyonaryonaryong kilusan, iginagalang nito kahit ang karapatan ng mga mersenaryong tropa na wala nang kapasidad na lumaban. Nilalapatan ng lunas ng NPA ang mga nasugatang AFP-PNP sa mga taktikal na opensiba. Iginagalang at tinitiyak ng Partido at NPA ang karapatan ng mga bihag ng digma alinsunod sa patakaran nito ng maluwag na pagtrato sa mga bihag at sumuko sa labanan.
Sa Timog Katagalugan, maraming pagkakataon nang ipinakita ng NPA ang makataong pagtrato sa mga bihag ng digma tulad sa pagpapalaya sa mga bihag batay sa makataong dahilan. Tampok sa mga ito ang pagpapalaya sa mga sumusunod:
a. Lt. Gan at Sgt. Causapin sa South Quezon noong 1986
b. Cpl. Aliwalas at C1C Bulusan sa Bulalacao, Mindoro Oriental noong 1986
c. Captain Enrico Salapong ng 15th PC/INP Company at apat niya pang kasamahan noong 1989 sa Bongabong, Mindoro Oriental
d. Sgt. Sacbibit, PA at C2C Batocabe, PC-INP sa South Quezon noong 1990
e. Capt Reyes at Moredo sa mainland TK noong 1991
f. SPO3 Martillano Magtagad noong 1997 sa Roxas, Mindoro Oriental
g. PCI Rene Francisco, hepe ng pulisya sa Rodriguez, Rizal at Sgt. Joaquin Melad noong 1997
h. Sgt Wevino Demol, isang operatiba ng 16th ISU noong 1999 sa Tanay, Rizal
i. Major Noel Buan, SOLCOM Deputy Intelligence Chief noong 1999 sa Mansalay, Mindoro Oriental
j. Air Force Chaplain Capt. Melchor Fernando noong 2000 sa Paluan, Mindoro Occidental
k. Police Inspector Rex Cuntapay, PO1 Alberto Umali at PO1 Marvin Agasen noong 2009 sa Rodriguez, Rizal; at
l. Reymando R. Malupa, aktibong CAFGU ng 203rd Brigade sa Bansud, Oriental Mindoro noong 2019.
Taliwas dito ang kondukta ng halimaw na AFP-PNP sa kanilang mga operasyong militar at pulis. Wala itong isinasaalang-alang na kapakanan ng mga inosenteng mamamayan na tatamaan ng kanilang malupit na mga operasyong militar. Ni hindi nito isinasaalang-alang maging ang kaligtasan ng sarili nilang kasamahan. Patunay dito ang pagkamatay ni PCI Abelardo Martin—hepe ng pulis ng Dolores, Quezon—sa kamay ng mga tropa ng 2nd Scout Ranger Company na pataksil na naglunsad ng rescue operation sa gitna ng negosasyon para sa pagpapalaya kay Martin noong 1999.
Sa Timog Katagalugan, may binalangkas at sinusunod na mga tuntunin sa pagdakip, pangangalaga, at pagpapalaya sa mga prisoners of war (POW) bahagi ng pagsisinop sa usapin ng pangangalaga ng mga bihag ng digma alinsunod sa mga internasyunal na panuntunang nakasaad sa Geneva Conventions of 1949 at Protocol II of 1977. Patunay itong ang rebolusyonaryong gubyerno ay isang estadong nakikidigma at naigagawad sa mga POW ang makataong pagtrato alinsunod sa Protocol I at Protocol II ng Geneva Conventions.
Dineposito ng NDFP sa Swiss Federal Council ang kanyang Declaration of Understanding to Apply the Geneva Conventions and Protocol I & II. Noong Agosto 2, 1996 tinanggap at kinilala ng Swiss Federal Council ang naturang depository declaration ng NDFP.
Mariing pinasusubalian ng rebolusyonaryong kilusan ang paninira ng teroristang rehimeng Duterte na “lumalabag ang CPP-NPA-NDFP sa pandaigdigang makataong batas.” Isang kabalintunaan ang walang batayang pagkundena ng reaksyunaryong estado sa paggamit ng NPA ng mga command detonated explosives na diumano ay labag sa Ottawa Treaty na nagbabawal sa paggamit ng anti-personnel landmine gayong walang habas ang panganganyon at pambobomba ng AFP-PNP sa mga kabundukan nang walang malinaw na target. Higit itong nakapipinsala sa mamamayan, kanilang mga bukirin at iba pang ari-arian. Desperasyon ito ng estado dahil nais nitong pagtakpan ang terorismong inihahasik nito sa bayan.
Pawang mga gawa-gawang paninira at kasinungalingan lamang ang ibinabato ng rehimen na diumano’y nagrerekluta ng mga child warrior ang NPA. Malinaw na nakasaad sa Saligang Alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan ang rekisitong edad na 18 pataas para sumapi sa NPA. Kinikilala at pinangangalagaan ng rebolusyonaryong kilusan ang karapatan ng mga bata habang isinusulong ang digmang bayan samantalang walang pakundangan ang AFP-PNP sa mga atrosidad nito laban sa mga bata. Pamalagiang nadadamay ang mga bata sa karahasang inihahasik nila sa komunidad. Katunayan, nitong Mayo 12, dinukot ng mga elemento ng 203rd Brigade ang batang si MJ, anak ng isang detenidong pulitikal at pinagbibintangang NPA.
Ang tunay na terorista at pangunahing tagalabag ng karapatang tao ay ang AFP-PNP at ang pasistang rehimeng Duterte. Upang balutan ng ligalidad, ginamit nito ang Anti-Terror Law para maghasik ng terorismo sa bayan at supilin ang anumang makatarungang pag-aalsa ng mamamayan. Ginawang sandata ang naturang batas upang patahimikin ang mga aktibista, progresibo, kritiko at oposisyon. Nagpatupad ang reaksyunaryo at pasistang AFP/PNP ng mga Synchronized Enhanced Management and Police Operations (SEMPO) kung saan nilayon nitong patahimikin at pilayin ang kilusang masa sa mga kalunsuran at kanayunan. Noong Marso 7, 2021, sabayang inatake ang mga opisina at bahay ng mga lider masa sa Cavite, Rizal, Laguna at Batangas at walang awang pinagpapaslang nang walang kalaban-laban ang siyam na mga aktibista at lider-masa. Tinagurian itong Bloody Sunday.
Sa gitna ng pandemya at lumalalang krisis sa bansa, nagpatupad ang rehimen ng marahas na kalakaran sa ilalim ng militaristang lockdown. Sa kanayunan, walang puknat ang mga FMO at RCSPO ng AFP-PNP na nagdudulot ng samu’t saring mga kaso ng paglabag sa karapatang tao gaya ng iligal na pag-aresto’t imbestigasyon, tortyur, panggagahasa at pangmomolestiya sa kababaihan, pagpatay at pagmasaker, sapilitang pagpapalikas, pagkontrol sa galaw ng populasyon, paggamit sa mga pampulikong gusali bilang pasilidad militar, food and other economic blockade at pagpigil sa tulong at relip sa panahon ng kalamidad (denial of humanitarian access).
Lalong hindi kinikilala ng mga berdugong AFP-PNP ang karapatan ng mga mandirigma ng NPA. Makailang ulit na nilang nilalabag ang karapatan ng mga hors de combat o mandirigmang wala nang kapasidad na lumaban. Sinalbeyds si Mario “Ka Jethro” Caraig ng mga elemento ng 1st IB-PA at RMFB-4A noong Agosto 8 sa kabila ng kawalan niya ng kapasidad na lumaban dahil sa sugat na natamo. Nilapastangan din ang labi ng mga yumaong kasama at ipinagkait ito sa mga kaanak. Sa Timog Katagalugan, tampok ang kaso ni Noel “Ka Bai” Levanta na namartir noong Marso 2020 ngunit ibinigay sa mga kaanak ang labi ng Mayo 2020; at ang Kalayaan 3 na namatay sa labanan sa Laguna noong Agosto 2020 pero natagpuan na lamang ng mga kaanak ang mga bangkay sa mga sementeryo sa Batangas at Rizal. Marapat na panagutan ng AFP-PNP, lalo ng mga opisyal na sangkot sa kasong ito, ang pagyurak sa karapatan ng mga nakikidigmang pwersa.
Makatao at makatarungan ang digmang isinusulong ng CPP-NPA-NDFP dahil layon nitong makamit ang hustisyang panlipunan para sa lahat ng inaapi’t pinagsasamantalahan ng naghaharing sistema. Makatwiran ang rebolusyong isinusulong ng mamamayan dahil hangad nitong itatag ang demokrasyang bayan at tamasahin ng mamamayan ang kasaganaan at kaunlaran. Sa gitna ng digma, makakaasa ang sambayanang Pilipino sa CPP-NPA-NDFP na patuloy nitong igagalang at itataguyod ang karapatang tao habang isinusulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon.
Sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan, makakamit ng mamamayan ang ganap na pagkilala at pagkakaloob ng kanilang mga batayang karapatan. Kasabay nito ang pagtatayo ng lipunang masagana, maunlad at mapayapa.###