Ituloy ang pamanang pakikibaka ni Ka Randy Echanis, martir at bayani ng uring magbubukid at masang maralita!
Ang Katipunan, August 2020 | Tribute to Ka Randy Echanis: PDF
Sa ngalan ng milyun-milyong magsasakang nagsusulong ng Rebolusyong Agraryo, pinakamataas na pagpaparangal at malawakang pulang saludo ang pinapaabot ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid kay Randall “Ka Randy” Echanis, martir at bayani ng uring magbubukid at masang maralita. Nakikidalamhati ang buong katipunan sa pamilya ni Ka Randy, at mga kasamahan sa ligal at demokratikong kilusan, gayunpaman, ang alaala ng kanyang mahigit limang dekadang pakikibaka ay nagsisilbing gabay sa bawat kasapi at ang kanyang pag-aalay ng buhay bilang tilamsik ng apoy para sa lalo pang pagsusulong ng Rebolusyong Agraryo at Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Si Ka Randy ay natatanging rebolusyonaryo, na mula kabataan hanggang sa kanyang huling hininga ay tangan ang pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya sa lipunan. Mula sa nakabababang panggitnang uring pamilya mula Ilocos Sur at Abra, kaya sa sa maagang yugto ng kanyang buhay ay nasilayan niya ang atrasadong kanayunan at abang kalagayan ng masang magbubukid. Kaya sa kanyang pagtuntong sa kolehiyo noong dekada 60, hindi niya piniling palampasin ang mga ugat ng krisis sa lipunan, pangunahin ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Bilang mag-aaral ng Philippine College of Commerce (kasalukuyang Polytechnic University of the Philippines), aktibo siyang lumahok sa mga aksyong masa ng pagkundena sa gerang agresyon ng imperyalistang US sa mamamayan ng Vietnam, at pakikipamuhay sa mga piketlayn ng mga welga at komunidad ng mga maralita. Sa maagang yugto, isinulong niya ang pagmumulat sa sarili, sa aspeto ng ideolohiya, pulitika at organisasyon. Siya ay naging kasapi ng Kabataang Makabayan, at naging tagapangulo ng balangay nito sa University of the East noong 1970. Sa panahong ito, si Ka Randy ay naging bahagi ng dumaluyong na paglaban ng mamamayan sa pasistang rehimeng Marcos, o ang panahong kilala bilang Sigwa ng Unang Kwarto o First Quarter Storm. Kasing linaw ng bughaw na langit, bilang kabataang-estudyante ay niyakap ni Ka Randy ang panawagan ng Inang Bayan na ipagtanggol ang kalayaan at demokrasya, laban sa pasistang rehimeng Marcos, na nag-ilusyong maghari nang walang hanggan sa bansa.
Sa unang hati ng dekada, nagpakahusay si Ka Randy sa paggagap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa pagsasakongkreto nito sa Demokratikong Rebolusyong Bayan para sa interes ng uring anakpawis. Kaya naman noong huling bahagi ng dekada 70, tinanggap niya ang hamon ng “Pagsilbihan ang Mamamayan” at tumungo sa kanayunan para mag-organisa ng masang magsasaka, isulong ang Rebolusyong Agraryo, Armadong Pakikibaka at Demokratikong Rebolusyong Bayan sa kabuuan. Naging instrumental si “Ka Makar” sa gawaing edukasyon at propaganda sa hanay ng masang magsasaka sa Cagayan Valley, Cordillera at Ilocos. Naging bahagi siya ng mga makasaysayan at pinakaunang pagbibinhi ng mga pulang pampulitikang kapangyarihan sa kanayunan hanggang noong Hulyo 1983, nang siya ay mahuli ng mga pasistang berdugo na sina Colonel Rodolfo Aguinaldo, Red Kapunan at Gregorio Honasan, na mga birador sa ilalim ng Ministry of Defense Security Group.
Naka-bartolina at incommunicado si Ka Randy mula 1983 hanggang 1984 sa Camp Aguinaldo at mula 1984 hanggang 1986 sa Camp Adduru sa Tuguegarao, Cagayan. Walang makapagtutunggaling siya ay biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng diktaduryang Marcos dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa Universal Declaration of Human Rights at International Covenant on Civil and Political Rights, kung saan parehong nakalagda ang reaksyunaryong gubyerno. Dinanas ni Ka Randy ang brutalidad ng mga pasistang halimaw ng diktador na si Marcos, ngunit bigo silang baliin ang kanyang rebolusyonaryong diwa hanggang sa siya ay makalaya noong Marso 1986, halos isang buwan pagkatapos ng pagpapatalsik sa diktadurya.
Sa paglaya, naging pangunahing lider at personalidad si Ka Randy sa pagtatatag ng Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at para sa Amnestiya (SELDA) at Partido ng Bayan. Gayunpaman, dahil sa mataas na pampulitikang kamulatan at yakap ang aral ng Estado at Rebolusyon, batid niyang ang rehimeng pinangungunahan ng isang haciendero ay hindi magpapatupad ng pundamental na pagbabagong Tunay na Reporma sa Lupa. Kaya makalipas ng isang taon at napako ang mga pangakong pagbabago para sa uring magsasaka at anakpawis, tumungo muli siya sa kanayunan, para mag-mulat, mag-organisa at magpakilos at isulong ang Rebolusyong Agraryo.
Muli siyang nadakip noong 1990 ng mga notoryus na Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at the Naval Intelligence and Security Force (NISF). Siya ay tinortyur sa isang isang safe house, kasama ang kanyang kabiyak na si Ka Linda Lacaba at ang pinakabatang bilanggong pulitikal noong panahong iyon, ang kanilang dalawang taon na anak. Siya ay nakalaya noong 1992, nang ibasura ng korte ang gawa-gawang kaso laban sa kanya na illegal possession of firearms para sa rebelyon.
Mula nito, si Ka Randy ay nakibaka na sa ligal at demokratikong kilusan. Naging aktibo siya sa pakikibaka para sa paniningil sa pamilyang Marcos, kasama ang libu-libong biktima ng diktadurya. Naging bahagi rin siya ng pagkatatatag ng Karapatan, ang alyansa ng mamamayan na magiting na nagtatanggol ng karapatang pantao, kalayaan at demokrasya. Dahil sa kanyang balon ng karanasan sa pagsusulong ng karapatan sa lupa ng masang magsasaka, noong 1999 siya ay ninumbra bilang Deputy Secretary-General ng pinakamalawak na ligal at demokratikong samahan ng magsasaka sa bansa, ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP. Noong 2001, inihalal din siya bilang lider ng FQS Movement ng mga beteranong aktibista nakasama niya sa pakikibaka.
Sa kanyang pagsusulong ng interes ng masang magsasaka, naging bahagi siya ng mga internasyunal na aktibidad tulad ng asembliya ng International League of People’s Struggle noong 2001 at 2004 sa Netherlands, World Farmers’ Assembly sa France noong 2003, World Social Forum sa Brazil noong 2005. World Anti-Imperialist Conference sa Indonesia, maging ng UN FAO International Planning Committee sa Italya.
Dahil sa puspusang pagsusulong ng interes ng uring magsasaka, idinamay siya sa kasong rebelyon ng pasistang rehimeng Macapagal-Arroyo noong 2006, at inaresto noong Enero 2008, batay sa gawa-gawang kaso ng “Leyte mass graves.” Ikinulong siya sa Leyte at Manila City Jail hanggang siya ay makalaya noong Agosto 2009. Idinamay na naman siya ng kasalukuyang pasistang rehimen sa proscription list o listahan ng inaakusahang terorista batay sa Human Security Act.
Mula 2002 naging bahagi ng Reciprocal Working Committee for Social and Economic Reforms o mga pundamental na repormang sosyo-ekonomiko, ng National Democratic Front of the Philippines sa usapang pangkapayapaan sa reaksyunaryong gubyerno. Ang kanyang atas ay buuin ang mga kumprehensibong kulumpon ng mga probisyon ng Agrarian Reform and Rural Development o ARRD para sa pamamahalang nagtataguyod ng makauring interes ng masang magsasaka. Makasaysayan ang ambag ni Ka Randy, dahil nabuo ang burador at pinal na bersyon ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms o CASER, bahagi nito ang ARRD, pangunahin ang libreng pamamahagi ng lupa at nasyunalisasyon ng mga plantasyong pag-aari ng dayuhang monopolyo.
Sa pagbaybay ng kanyang rebolusyonaryo at militanteng pakikibaka nang mahigit limang dekada, hindi maitatanggi na palagiang target si Ka Randy ng pampulitikang pag-uusig mula nakaraan at kasalukuyang rehimen. Gayunpaman, ang tibay ng kanyang komitment at prinsipyo ay napagtagumpayan ang anumang pakana o mga tradisyunal na pamamaraan ng pag-uusig ng mga ito, kung kaya iwinasiwas nito ang madugo at duwag nitong atake. Ang asisanasyon o pagpatay kay Ka Randy ay hindi maitatatwang patunay ng kabulukan ng naghaharing sistema. Walang reaksyunaryong rehimen ang nagtataguyod sa mga palabok nitong probisyon ukol sa kalayaan at demokrasya. Hangga’t mala-pyudal ang lipunan at ekonmiya, at ang estado ay pinaghaharian ng mga kinatawan ng naghaharing uring panginoong maylupa at imperyalismo, ang malawak na mamamayan ay pawang alipin ng pyudalismo, pasismo at burukrata kapitalismo.
Nabubuang ang mga pasista kung inaakala nilang nagtagumpay sila. Sa kasalukuyan ay inaani nila ang pagkamuhi ng malawak na mamamayan na agarang binubura gapatak nilang mga tagumpay sa pagpapakawala ng mga pekeng balita. Animo’y nagpukpok ng martilyo sa sarili ang mga pasistang pwersa dahil inilantad nila ang sariling kamangmangan sa reaksyunaryong batas. Hindi dapat magbunga ng panghihina ng loob at takot sa hanay ng rebolusyonaryong pwersa ang pagpatay kay Ka Randy, dahil ito ay isang desperadong hakbang sa isang desperadong yugto ng nanginginig nang reaksyunaryong rehimen ng nababaliw nang si Duterte. Nangangahulugang iniinda nito ang walang puknat na paglalantad sa kanya at pagkilos ng mamamayan. Si Ka Randy ang nagtagumpay, dahil hanggang sa kanyang huling hininga, tinupad niya ang kanyang akdang tulang “Hindi Ko Kayo Titigilan.”
Bilang direktiba ng pag-aalala kay Ka Randy, ipinapanawagan ng PKM sa lahat ng balangay nito sa bansa, na higit pang paigtingin ang pagsusulong ng Rebolusyong Agraryo, kakapit-bisig ang Bagong Hukbong Bayan at sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, at konsolidahin ang mga inaning tagumpay para sa interes ng uring magbubukid.
Ang sigaw ng Pambansang Katipunan ng mga Magsasaka,
Rebolusyonaryong hustisya para kay Ka Randy Echanis!
Isabuhay ang rebolusyonaryong pamana ni Ka Randy!
Isulong ang agraryo at demokratikong rebolusyong bayan!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!