Iwagayway ang Pulang bandila ng armadong pakikibaka ng sambayanan! Ibagsak ang diktadurang rehimeng US-Duterte! — NPA-Abra
Translation/s: English
Rebolusyonaryong saludo ang pagbati ng Agustin Begnalen Command NPA-Abra sa maika-51 taong anibersaryong pagkakatatag sa New People’s Army (NPA). Maningning ang mga nakamit nito sa pagiging tapat at tunay na paglilingkod sa masang Pilipino bilang kanilang pulang mandirigma, ekonomista, propagandista, artista at organisador. Mahigpit na pinanghawakan ng NPA ang kanilang rebolusyonaryong oryentasyon bilang isang pangmasang organisasyong anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasista. Pinakamahalagang salik sa pagiging tunay na hukbo ng masang Pilipino, ay ang absolutong pamumuno ng
Partido Komunista ng Pilipinas sa NPA.
Ikinararangal nating iginagawad ang pinakamataas na pagpupugay sa mga rebolusyonaryong bayani na nagbuhat sa mga uliran at mabubuting anak ng bayan. Marapat din nating banggitin ang pasasalamat sa mga kamag-anak, katribo, kababayan, kaibigan at mga kaalyado na nagmula sa 27 na bayan ng Abra. Ang kanilang mainit na pagyakap at pagsuporta sa kanilang hukbong bayan ang nagsilbing walang kupas na inspirasyon sa pagpapatuloy at pagpapalakas ng ating armadong pakikibaka.
Ang Makasaysayan at mahalagang papel na ginagampanan ng BHB sa Abra:
Sa paglatag ng Batas Militar ng rehimeng US-Marcos noong 1972. Kasabay na nagpista ang malalaking burgesya kumprador at mga dayuhang kumpanya sa pandarambong ng likas-yaman sa lupaing ninuno ng mga katutubong Tingguian (Itneg) at masang magsasaka ng Abra. Tila apoy na lumagablab ang armadong paglaban ng mamamayan sa buong probinsya.
Ang armadong pagtatanggol sa ansestral na lupain ng tribung Tingguian ang nagbigay wakas sa pandarambong at paninira sa kalikasan ng Cellophil Resources Corp (CRC) at Binongan Dam. Kasabay nito ang pagkilos ng masang magsasaka para sa pagpapataas ng produksyon ng pagkain at pagpapataas ng sahod ng manggagawang-bukid. Sa lakas na inabot ng armadong pakikibaka naipundar at naitayo ang mga binhi ng rebolusyonaryong gubyernong bayan kapwa sa kabundukan at kapatagan ng probinsya. Muling pinatunayan ang kawastuhan ng armadong pakikibaka sa panahon ng pagtatangka at pagpasok ng mga malalaking dayuhan at lokal na kompanya ng minas. Kumbinasyon ng malawakang kilos masa at paglulunsad ng taktikal na opensiba ang tanging pangunahing paraan upang hadlangan ng mga katutubo at magsasaka ang pamalagiang banta ng pagpasok ng mapandambong at mapanirang dam, minas, geothermal at logging.
Nananatiling matatag ang NPA sa Abra sa kabila ng mararahas na OPLAN ng mga sumunod na rehimen at malalang paglihis ng mga rebisyunistang taksil na naglalayong pahupain ang naipong lakas ng rebolusyon. Matatag na pinanghahawakan ng NPA ang mahahalagang aral mula sa ikadalawang dakilang kilusang pagwawasto at ang nang programa ng maikalawang kongreso ng PKP.
Kasalukuyang paghaharing pasismo at warlordismo sa Abra:
Kinakaharap ngayon ng sambayanang Pilipino ang walang kaparis sa kasaysayan na pasismo ng estado sa mukha ng berdugong si Rodrigo Duterte. Mula 2017 pa lang ay inilunsad na ng 7th ID PA, 24th IB PA at Abra Prov PNP ang “Task Force-Counter Insurgency” sa pamamagitan ng joint AFP-PNP-DILG-Abra Provincial Gov’t. Mas ibayong pinatindi pa nang ipataw nito ang EO 70 NTF-ELCAC. Ipinagbawal nito ang pagpasok at asembliya sa mga komunidad ng mga lehitimong people’s organization, pinahigpit ang checkpoints, nagsagawa ng food blockade, nagbagsak ng mga bomba at nagpasabog ng mortar sa kabundukan malapit sa komunidad, nagsampa ng gawa-gawang kaso sa mga lider ng progresibong grupo, at pagbraso sa mga LGU para mapasunod sa pasistang programa, pagkokota ng pekeng surrenderees at pamamaril sa mga sibilyan sa panahon ng kanilang sustained combat operations at RCSP (dating RSOT/DPT).
Habang naghahasik ng terorismo ang estado ay abalang-abala naman ang mga warlord-pulitiko sa pagsimot sa pondo ng publiko at pakikipagsabwatan sa malalaking kontratista sa pagtatayo ngayon ng malaking dam sa Palsuboan River sa bayan ng Tineg habang pending pa ang implementasyon ng Binongan Dam na makakaapekto sa bayan ng Tineg, Lacub, Malibcong, at Licuan-Baay. Kaliwa’t kanan ang mga kasong kurapsyon na kinasasangkutan ngayon ng pangunahing warlord na pamilyang Bernos-Valera habang ang katandem nilang panginoong maylupang si VG Ronald Balao-as ay patuloy ang pangagamkam ng lupain at pag-iipon ng armadong grupong CPLA-CAFGU para sa sarili nitong layuning agawin ang pulitikang paghahari sa Abra.
Wala pa man ang pandemic na problema ng COVID-19 ay matagal nang lugmok sa kagutuman ang higit na nakararaming magsasaka dahil sa kawalan ng lupa at sapat na patubig sa sakahan. Mas pinalala pa ito nang isinabatas ang Rice Tariffication Law at TRAIN LAW. Isa ang Abra sa benipisyaryo ng RA7171 bilang producer ng tabako ngunit simula’t sapul ay walang napakinabangan ang magsasaka dahil ginagamit ng mga warlord-pulitiko ang pondo sa pagbili ng boto, pagtatayo ng private armed group at mga operasyong pagpaslang sa mga suporter at kalaban nilang warlord. Ilang araw pa lang nang implementasyon ng “Luzon Lockdown” ay nag-aalburuto na ang mga Abrenio dahil sa kagutuman at ilang karahasang nagaganap sa mga checkpoints mula sa sentrong bayan ng Bangued patungo sa mga kabayanan. Hanggang sa ngayon ay atrasado ang pamamahagi ng gamit medikal, 1-2 kilong bigas lamang (kung meron man) ang naipapamahagi bawat pamilya at ang pinakamasaklap ay walang nagaganap na public mass testing.
Lubhang nasa bingit ng alanganin ngayon ang dati nang bagsak na serbisyong medikal sa buong probinsya. Malaking kakulangan ng health workers, simot na mga gamot at bulok na pasilidad na Abra Provincial Hosipital, lalong ramdam ito ngayong lumalaganap ang COVID19. Dagdag pang alalahanin ngayon sa mga baryong okupado ng militar at pulisya ang patuloy na combat operation na tahasang paglabag sa idineklarang unilateral ceasefire ng GRP. Malayang nakakalabas-pasok ang mga sundalo mula sa Central Luzon patungong Ilocos-Abra na maaaring kontaminado rin ng virus.
Kagyat na PanAWagan para sa mamamayang Abrenio:
Balikan at pag-aralan ang istorikong pakikibaka ng Abra at magsilbing inspirasyon at hamon sa ating tungkuling ipagtanggol ang lupaing ninuno, kabuhayan at natural na rekurso! Ito ang tanging pamana sa atin ng ating mga ninuno at rebolusyonaryong bayani. Tanging ang rebolusyong agraryo ang puspusang magtatanggol at magpapaunlad ng agrikultura sa ating bayan hanggang sa maitayo natin ang lipunang sosyalista.
Mahigpit na magkaisa at matapang na labanan ang kawalang hiyaan ng rehimeng Duterte at kasapakat nito. Dapat nating igiit ang tunay na diwa ng demokrasya at ibagsak ang paghaharing diktador-pasista.
Mahigpit na sapulin ang istorikong halaga ng armadong rebolusyon bilang pangunahing porma ng pakikibaka. Papel ng bawat isa ang aktwal na lumahok at mag-ambag sa pagtatayo pormasyong platun hanggang kumpanyang pultaym sa NPA at lakas batalyon hanggang brigadang Milisyang Bayan. Ito ang pantapat na panggapi sa napipintong lantarang Batas Militar at direktang panghihimasok ng mga imperyalistang bayan.
Ang mga kabataang magsasaka, manggagawa, propesyunal at taong simbahan ang nasa mahusay na pusisyon ngayon upang magmulat, mag-organisa at magpakilos ng libo-libong mamamayan sa Abra. Naghihintay ang malawak na sambayanan at hukbong bayan sa inyong pagtungo sa kanayunan upang dito kayo ay makipamuhay sa masa at magsilbing Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang NDFP
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Ibagsak ang papet at diktadurang us-duterte!
Kamtin ang kumpletong tagumpay ng Demokratikong Rebolusyong Bayan at Sosyalismo!