Jaymar at Marlon, huwarang artista ng Bayan
Ngayong Setyembre 3 ang ika-40 araw ng pagkamatay ng Guinobatan 2, sina Jaymar Palero at Marlon Naperi, mga aktibistang karumal-dumal na pinaslang ng PNP Albay habang nasa proseso ng kanilang pagtupad sa kanilang karapatan sa malayang pamamahayag. Mailap ang hustisya para sa dalawa.
Malinaw ang inilabas na resulta ng autopsy report para sa Guinobatan 2, lahat ng tama ng bala ay sa likod makikita, may black eye at tanggal ang tatlong kuko sa paa ng isa sa dalawa. Ganito ba ang nanlaban? Sa kabila nito, wala pa ring naging hakbangin ang PNP, hindi nila tinukoy kung sino ang mga sangkot sa krimen na ito. Ano ang resulta ng imbestigasyon ng Commission on Human Rights ng Bikol? Bakit hindi nailalabas ang resulta nito hanggang sa kasalukuyan? Ano na ang resulta ng pinamamadaling imbestigasyon mula sa NBI? Bakit nahihirapan silang ilabas ang resulta ng mga ito? Ano ang naging hakbangin ng punong bayan ng Guinobatan? Gapos ang mga kamay at may busal ang bibig habang pinapatay ang kanyang mga residente?
Nananawagan ang ARMAS – Albay sa mga katulad naming artista at manunulat, itambol natin sa buong Pilipinas at internasyunal na komunidad ang talamak na pagpatay ng PNP sa mga magsasaka, myembro ng midya, abogado at iba pang sektor ng ating lipunan na ang tanging layunin ay ipahayag sa iba’t ibang porma ang kanilang panawagan at kahingian sa rehimeng US-Duterte.
Walang ibang biktima ang pinatinding kampanya laban sa kriminalidad at droga kundi ang mahihirap na anakpawis. Palaging atrasan ng PNP ang gasgas nang linyang “nanlaban kaya napatay” sa kanilang mga operasyon. Nag-aapoy ang galit ng paparaming kapamilya at komunidad ng puu-puong libong biktima na sistematikong pamamaslang, iligal ng pang-aaresto at pagtatanim ng ebidensya ng PNP. Marami sa kanila ang sumasalig sa makatarungang dahas ng demokratikong rebolusyong bayan upang mapagpasyang labanan ang brutalidad ng rehimen.
Katarungan para kina Jaymar Palero at Marlon Naperi!
Ilantad ang myembro ng PNP Albay na pumaslang sa Guinobatan 2!