Justine Kate “Ka Celin” Raca: taksil sa rebolusyon at sa mamamayang Palaweño!
Mariing tinutuligsa ng Bienvenido Vallever Command (BVC)-BHB Palawan ang tahasang pagpapagamit ni Justine Kate Raca sa Western Command (WESCOM) at Palawan Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) sa paghahasik ng mga kasinungalingan at panlilinlang sa mamamayan.
Itinatakwil ng BVC si Raca, na nakilala ng mamamayang Palaweño bilang Ka Celin/Mira, at dating Pulang mandirigma at opisyal ng BVC na sapilitang pinasuko ng isang lokal na opisyal ng Roxas matapos mapahiwalay sa depensibang labanan noong Disyembre 10 ng nagdaang taon sa Brgy. Tinitian, Roxas. Sumailalim siya sa presyur ng mga pasistang WESCOM at PTF-ELCAC hanggang sa tuluyang bumigay sa kagustuhan ng mga militar na gamitin siya sa kontra-rebolusyonaryong pakana ng nito sa buong probinsya ng Palawan.
Habang kinukundena ang ginawang pagpapahirap at mental na tortyur na isinagawa ng mga militar laban sa kanya na kung tutuusi’y isang bihag-ng-digma, tinutuligsa naman ng BVC ang ginawang pagpapagamit ni Raca sa mga militar, na siyang nagpahirap sa kanya at isa sa mga pangunahing dahilan ng pagyakap niya sa rebolusyonaryong simulain. Sa ginawang ito ni Raca, tinalikuran niya ang kanyang dating mga panininidigan at paniniwala at binalewala ang lahat ng kanyang naging pagsisikap, sakripisyo at ambag sa pagsusulong ng rebolusyonaryong gawain sa Palawan. Hindi niya sinundan ang yapak ng magigiting na kababaihang martir ng Palawan na sina Charity “Ka Rise” Diño at Andrea “Ka Naya” Rosal na kahit sumailalim sa matinding pagpapahirap at presyur ng militar ay naging matatag at lalong humigpit ang pagyakap sa rebolusyonaryong prinsipyo at adhikain.
Nagtaksil si Raca hindi lamang sa rebolusyon kundi maging sa mamamayang Palaweño na nagtiwala, nag-aruga at nagtanggol sa kanya sa di lamang iilang napakahihirap na sitwasyong kinasangkutan niya at ng yunit na kinabilangan niya sa gitna ng masinsing operasyong militar ng mga yunit sa ilalim ng WESCOM. Namumuhi ang mamamayang Palaweño hindi lamang sa ginawa niyang pagtalikod sa isang dakilang pakikibaka laban sa pang-aapi’t pagsasamantala kundi sa ginagawa niyang pagkakanulo sa rebolusyon at sa mamamayang Palaweño.
Sa pagpapauna niya sa kanyang makasariling interes, ngayon ay aktibo si Raca sa mga kampanya ng PTF-ELCAC sa sapilitang pagpapasuko, pagpapakalat ng mga pekeng balita at paninira laban sa rebolusyonaryong kilusan sa isla. Masaya siyang kahalubilo ang mga pasista’t kriminal, ang mga korap na lokal na burukrata-kapitalista sa Palawan na kabilang sa mga pangunahing dahilan sa labis na kahirapang dinaranas ng mga Palaweño. Aalagaan siya ng WESCOM at PTF-ELCAC at mga galamay nito hangga’t pinapakinabangan siya sa kanilang mga anti-mamamayang proyekto at aktibidad at kapag wala nang mahita sa kanya’y matutulad din siya sa iilang mga naunang nagtaksil na dinidispatsa ng mga pasista,
Maituturing si Raca bilang isa sa mga basura ng magiting na kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayang Palaweño, sampu ng mga katulad niyang nagtaksil at nagkanulo sa bayan at kanilang pakikibaka. Ngunit ang mga katulad niya’y hindi kailanman panghihinayangan ng mamamayan, kumpara sa higit na nakararaming mabubuting anak ng bayan, sasandakot ang katulad ni Raca na piniling manikluhod at maglingkod sa mga naghahari’t pasista kapalit ng mumong halaga at papaliit na garantiya ng kaligtasan. Hindi maglalaon, si Raca at ang mga katulad niya’y sisingilin ng mamamayang Palaweño at aabutin ng mahabang kamay ng rebolusyonaryong hustisya.###