Ka Bert, Anak ng Sorsogon

,

Pinakamataas na pagpupugay ang ginagawad ng Celso Minguez Command at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon kay Jimmy “Ka Bong/ Bert” Equiza sa kanyang walang pag-iimbot na pag-alay ng kanyang lakas, talino, tapang at buhay para sa pagsisilbi sa sambayanang Pilipino. Napaslang siya sa isang labanan nitong Hunyo 4, 2022 sa Brgy. Olandia, Barcelona, Sorsogon sa edad na 44.

Nagmula sa pamilya ng panggitnang magsasaka sa Brgy. Tigkiw, Gubat, Sorsogon si Ka Bert. Mabait, palabiro, mahusay magpropaganda, mag-organisa at mahusay sa gawaing militar-ito ang mga tumatak na katangian niya sa mga kasama at masa na kanyang nakadaupang palad sa mga erya ng Gubat, Casiguran, Barcelona, Bulusan, Sta. Magdalena, Matnog, Bulan at ilang bayan sa Camarines Sur.

Kasabay ng pag-unlad ng rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon ang pag-unlad ni Ka Bert bilang isang kasama-may pagsibol, paglakas, paghina, pagbawi at tuloy-tuloy na pagkilos sa kabila ng matitinding hamon.

Lumaki si ka Bert sa kilusan. Sa musmos na edad ay nakakahalubilo na niya ang mga kasama tuwing bumabase sila sa kanilang tahanan kaya’t naging madali para sa kanyang at kanyang pamilya na tanggapin ang kanyang desisyon na sumapi sa bagong hukbong bayan.

Sumapi sya BHB noong 1995 sa edad na 18. Sa murang edad ay nakitaan na siya ng potensyal sa gawaing militar at gawaing alyansa. Taong 1996 ay nadakip sya habang gumagampan ng gawain ngunit nakatakas din sa kulungan at agad na bumalik sa mga kasama. Naging bahagi din sya sa operatiba na nag-aresto at pagbantay kay Chief Insp. Roberto Bernal, intelligence officer ng PNP na nag-oopisina sa DILG, Quezon City, noong Feb 21, 1999. 2 buwan na naging POW ng NPA-Sorsogon si Chief Insp. Bernal bago ito pinalaya sa Sorsogon City. Dahil sa taktikal na opensiba na ito ay naging tanyag ang pangalan ni Ka Bert, ginawan pa sya ng malaking tarpaulin ng Sorsogon PPO sa opisina nito na may nakalagay na “Ka Bong, Berdugo ng Sorsogon”. Pinagtatawanan lang ng mga masa ang tarpaulin-alam nila na malayong malayo ang pinapakalat ng reaksyunaryong gubyerno tungkol kay ka Bert.

Naging bahagi si Ka Bert sa paglunsad ng ikalawang pagwawasto ng rebolusyonaryong kilusan. Nasaksihan niya ang kaliwang oportunismo na umiral sa kilusan noon at ang mga pagsisikap ng kilusan na maibalik ang tiwala ng masa at magwasto sa mga kamalian.

Nagdesisyon syang mag-asawa noong 1998 at nagkaroon sila ng 3 anak. Pagkalipas ng 2 taon ay lumabag siya sa patakaran ng rebolusyonaryong kilusan hinggil sa pag-aasawa. Nag-AWOL sya nang matuklasan ang kanyang paglabag at namuhay bilang sibilyan ng 2 taon, nagtrabaho siya noon bilang caretaker sa manukan. Sa kabila ng desisyon na ito ay di siya nawalan ng komunikasyon sa mga kasama, at pana-panahon ay tumutulong siya sa mga gawain. Dahil alam niya na tama ang pinaglalaban ng kilusan, di rin niya natiis na walang gawin hinggil sa aping kalagayan ng mamamayang Sorsoganon, bumalik din siya bagong hukbong bayan at hinarap niya ang kanyang aksyong disiplina.

Mula sa pagiging mandiriga, supply officer, squad lider ay umunlad siya hangang sa maging platoon lider at procurement officer.

Tulad ng ibang mga kasama na pinili na magrebolusyon, biktima ng pananakot, panggigipit, pananakit, iligal na pag-aresto at biktima ng gawa-gawang kaso ang kanyang pamilya at mga kaanak mula sa reaksyunaryong gubyerno. Sa kabila nito ay hindi siya nagpatinag sa presyur at sinuportahan siya ng kanyang pamilya na magpatuloy sa pagrerebolusyon.

Ilang beses na pinanghinaan si Ka Bert sa kanyang pagkilos, ngunit madali rin itong napangibabawan sa tulong nag kanyang mga kolektibo. Nitong Disyembre, ay nagmungkahi siya ng leave dahil sa nararanasan niyang trauma. Alam niyang kailangan siya ng mga masa na kanyang pinagsisilbihan at ng kanyang mga kolektibo, kayat bumalik sya at nagpatuloy sa pagrerebolusyon.

Pinakita ni Ka Bert sa kanyang lagpas dalawang dekadang pagsisilbi sa sambayanan na hindi madali ang pagrerebolusyon- na puno ito ng sakripisyo at hirap, ngunit puno rin ng mga aral, inspirasyon at saya, pinakita rin niya ang katumpakan at pangangailangan na laging magwasto sa bawat personal o organisasyonal na kamalian. Pinakita rin niya na sa bawat kahinaan at kamalian, andiyan lagi ang rebolusyonaryong kilusan at ang masa upang tumulong sa pagharap sa mga pagsubok at sa pagpapanibagong hubog.

Hindi malilimutan ng masang Sorsoganon ang mga ngiti, tawa, biro at propaganda ni Ka Bert. Bahagi siya ng mahabang kasaysayan ng Sorsogon ng paglaban at pagrerebolusyon na tiyak na ipagpapatuloy at ipagtatagumpay ng mamamayang Sorsoganon na naging bahagi ng kanyang buhay.

Mabuhay ka Ka Bert!

Ka Bert, Anak ng Sorsogon