Ka Frederiko, drayber at rebolusyonaryo
Sa pagpapatupad ng maka-imperyalistang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), sa lungsod ng Baguio ay mayroong tinatayang 6,000 na maliliit na drayber at operaytor ang mawawalan ng kabuhayan kabilang ang kanilang pamilya. Isa rito si Ka Frederiko na halos apat na dekada ng drayber sa lungsod.
Ang pagmamaneho ng tradisyonal na jeepney ang naging pangunahing kabuhayan ng pamilya ni Ka Frederiko. Mula dito kinukuha ng kanyang mag-anak ang pang-araw araw na gastusin. Kabilang na rito ang pambayad sa ilaw at kuryente, ang pambayad sa pag-aaral ng kaniyang mga anak, at pangbili ng mga gamot para sa kanyang meyntenans sa kanyang altrapesyon. “Nakakagalit isipin na ang trabahong bumuhay sa aking pamilya ay siya ring papatay sa amin dahil sa PUVMP” aniya. Dagdag pa niya, “Walang-awa nila itong isinagawa sa panahong higit naming kinakailangan ang tulong at ayuda mula sa gubyerno. Ang implementasyon ng PUVMP sa gitna ng pandemya ay pagsasamantala ng mga panrehiyunal na opisina ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) at ng lokal na pamahalaan ng lungsod.”
Sa layuning depensahan ang natatanging kabuhayan, naging aktibo si Ka Frederiko sa iba’t ibang organisasyon na nagtatanggol sa interes at kagalingan ng mga maliliit na drayber at operaytor. Lumahok siya sa mga aktibidad upang ipahayag ang kanilang pagtututol sa PUVMP. Pero sa kabila ng mga kaliwa’t kanang mga protesta at petisyon, delegasyon, at iba’t ibang anyo ng mga aktibidad ay napakalimitado at panandalian lamang ng maari nilang makamit na tagumpay. Aniya, “Parang sa bawat nakakamit na tagumpay ay sampu ang ganting-balik na atake ng gubyerno.” Dagdag pa niya, “Hindi nakasasapat na ang PUVMP lamang ang binibigyan ng kritika, sa halip dapat na itong tignan sa pangkabuuan at sistematikong problema ng bansa.”
Ang kanyang pag-unawa sa mga isyung kanilang kinakaharap ay higit na lumalim sa paglipas ng panahon dahil sa kanyang palagiang partisipasyon sa mga aktibidad ng sektor. Natutunan niya ang ugnayan ng PUVMP sa tatlong batayang problemang nagpapahirap sa mamamayang Pilipino. Matalas niyang naunawaan na ang PUVMP ay magsisilbi sa mga imperyalista at mga lokal na ahente at negosyante sa bansa at hindi kailanman sa mga drayber at operyator o sa mga mamamayang umaasa sa pampublikong transportasyon sa kanilang araw-araw na gawain. Naging malinaw din sa kanya ang sabwatan ng mga ito para lamang magkamit ng labis-labis na ganansya. “Sa ganitong tindi at saklaw ng problema, talaga palang hindi sasapat ang mga pagrarali, mga petisyon, at mga lobbying. Ano pa ba ang pwede nating gawin para marinig tayo ng kinauukulan, at nang hindi tayo mawawalan ng kabuhayan?” aniya. “Ang mga tao at progresibong organisasyong aktibo para sa pagbabago ay biktima ng mga red tagging at terrorist tagging. Nakakatakot na ngayong sumama sa mga protesta kahit na ang gusto mo lamang ay iparating at ipaliwanag sa taumbayan at sa estado ang mga hinaing at kalagayan ng mamamayan kagaya ng mga kapwa opereytor at drayber, kagaya ko.” aniya.
Ang kwento ni Ka Frederiko ay siya ring kwento ng libu-libog mga opereytor at drayber na mawawalan ng kabuhayan dahil sa pakanang labis na pagpribatisa at monopolyo ng transportasyon sa buong bansa. Ang mismong gobyerno ni Duterte sa pamamagitan ng kanyang mga anti-mamamayang programa dagdag pa ang tuminding pasismo ang mismong rekruter ng mga gustong sumampa sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ang kawalan ng pag-asa sa kasalukuyang estado ang pangunahing dahilan kung bakit marami ang sumasampa sa armadong pakikibaka. Ang tumitinding pasismo sa pamamagitan ng mga mapaniil na batas, dagdag ng matinding militarisasyon ay repleksyon ng estadong bumabagsak ang ekonomya, kaya’t pasista ang pamamaraan para supilin ang lumalawak na disgusto ng mamamayan, at pagnanais ng pagbabago. Ang rebolusyonaryong diwa ng bawat inaaping Pilipino ay gigisingin ng aba at aping kalagayan at isasabuhay ito sa pagsama sa mga rebolusyonaryong organisasyon o pagsampa bilang mandirigma ng BHB.
Ayon kay Ka Frederiko, “Higit pa ang laban ng mga drayber at operaytor sa PUVMP, ang laban ng mamamayan kabilang ang sektor ng transportasyon ay para sa pagbabagsak ng tatlong batayang problema at ng malakolonyal at malapyudal na lipunan at para itayo ang sosyalistang lipunan.”