Ka Hoben (1952-2019): Proletaryado. Rebolusyonaryo. Mahusay na guro ng masang Anakpawis.
Pahayag ng Kalipunan ng Samahan ng mga Mala-Manggagawa – Cordillera People’s Democratic Front (KASAMA-CPDF) sa unang taong pagkamatay ni Wilfredo “ Ka Hoben” Aloba
Si Ka Hoben ay namatay sa karamdaman noong Nobyembre 9, 2019. Si Ka Hoben ang isa sa mga nagsimula ng rebolusyonaryong gawain sa hanay ng maralitang lunsod sa rehiyon. Isa siya sa mga nagpunla ng binhi sa kilusan ng maralitang tagalunsod na kalauna’y umunlad tungo sa kilusang mala-manggagawa.
Si Ka Hoben o mas kilala bilang Ben ay isa sa mga aktibistang kasapi ng Kabataang Makabayan (KM) namulat at naorganisa sa sigwa ng uang kuwarto. Noong nasa kolehiyo, siya ay nahuli at naranasan ang iba’t ibang pagpapahirap at torture mula sa estado. Matapos makalaya ay matatag na nagpatuloy si Ka Ben.
Nang makarating sa rehiyon ng Kordilyera, kanyang nasaksihan ang mga karahasan na ginagawa ng mga lokal na pamahalaan sa mga maralitang tagalunsod sa tuwing may demolisyon at ang kahirapan ng kanilang pamumuhay. Mula dito ay nakita niya ang pangangailangan na kumprehensibong maorganisa ang mga maralitang tagalunsod para igiit ang kanilang demokratikong karapatan para sa serbisyong panlipunan at pabahay.
Si Ka Hoben ang nanguna sa pagbubuo ng grupong haharap sa gawaing pag-oorganisa sa hanay ng maralitang tagalunsod. Sa mahigit isang dekada mula 1980 hanggang 1992 ay pinamunuan ni Ka Hoben ang gawaing pag-oorganisa sa kabataan, kababaihan, at nirerespetong elder sa iba’t ibang komunidad. Ito ay nagresulta ng paglawak at pagbuo ng mga organisasyon sa mga komunidad na naglalayong igiit ang karapatan pabahay at serbisyong panlipunan. Sa parehas na panahon, tumampok ang mga malalaki, mapanlikha at iba’t ibang tipo ng sama-samang pagkilos sa hanay ng maralitang taglunsod.
Ang kanyang tiyaga, talas at husay sa pagbibigay ng pag-aaral ay nagsibing susi sa tuloy-tuloy na konsolidasyon at paglawak ng kilusang maralitang lunsod.
Taong 1995 nang magpasya si Ka Hoben na sumampa sa Bagong Hukbong Bayan. Siya ay nagpasyang maghukbo sa kabila ng kanyang edad upang maging bahagi ng pagbabago ng lipunan sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.Sa panahong siya ay nasa hukbo ay gumampan si Ka Hoben ng iba’t ibang tungkulin at responsibilidad. Malaking bahagi ng kanyang panahon bilang hukbo at bahagi ng Partido ay hinarap niya ang gawain sa edukasyon at instruksyon sa iba’t ibang yunit ng hukbo at partido sa rehiyon.
Sa mahabang panahon ng pagkilos niya ay may mga karamdaman siya na kinailangan niyang harapin at magpagamot. Habang nagpapagamot ay nagpatuloy siya sa paggampan ng mga rebolusyonaryong gawain partikular sa pagbibigay ng mga rebolusyonaryo’t pampartidong pag-aaral sa teritoryong kanyang kinapalooban hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.
Iginagawad ng pamunuan at kasapian ng KASAMA-CPDF ang pinakamataas na pagkilala at pagpupugay sa hindi matatawaran at dakilang kontribusyon ni Ka Hoben sa pambansang demokratikong rebolusyon partikular sa kilusang mala-manggawa at pambansang minorya sa rehiyon ng Kordilyera,
Ipinangalan rin ng KASAMA-CPDF ang balangay nito kay Ka Hoben upang kilalanin at bigyang-pugay siya bilang isang huwarang proletaryado, matatag na rebolusyonaryo at mahusay na guro ng masang anakpawis.
Sa maraming pagkakahalintulad ng sitwasyon noong panahon ng pasistang diktadurang US-Marcos at sa kasalukuyang kalagayan kung saan namulat si Ka Hoben, ang buhay ni Ka Hoben ay magisilbing maningning na inspirasyon sa masang anakpawis upang patuloy na tahakin ang armadong rebolusyon sa pagbabagsak sa mapagsamantala at mapang-aping estado at itayo ang lipunang sosyalista.
Mabuhay ang buhay at ala-ala ni Wilfredo “Ka Hoben” Aloba!
Masang anakpawis, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!
Itatag ang lipunang sosyalista!