Ka Lyn, Ina at Rebolusyonaryo

,

Ginugunita ngayon ang araw ng mga ina. Okasyon ito ng pagkilala sa natatanging papel ng mga ina sa mundo. Sa ganang rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon, pagkakataon ito para parangalan at pagpugayan si Leonora “Ka Lyn” Chija, isang inang nag-alay ng kataas-taasang sakripisyo sa pagsusulong ng rebolusyonaryong digma sa probinsya.

Si Ka Lyn ay napaslang sa pakikisagupa sa kaaway noong Disyembre 25, 2021 sa Brgy. San Ramon, Barcelona. Asawa niya si Ka JR na nasawi rin sa isang labanan noong Setyembre 2, 2021 sa Cawayan, Irosin.

Palakaibigan at mahilig magbahagi ng kanyang personal na buhay si Ka Lyn. Madalas niyang ikwento ang hirap na naranasan niya bilang isang maralitang magsasaka, kung paano maging ina ng labimpitong anak at kung paano siya nabyuda nang tatlong beses bago niya napangasawa si Ka JR noong 2015.

Bagamat sumusuporta na siya sa kilusan bago sila magkakilala ni Ka JR, naging mas malalim ang pag-unawa niya sa rebolusyon nang maging mag-asawa sila. Taong 2018 ay nagdesisyon siya na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan kasama si Ka JR. Di niya inalintana ang lungkot na mawalay sa kanyang mga anak. Kahit nasa malayo ay nagsikap siyang gabayan ang kanyang mga anak at kumustahin ang kanyang mga apo.

Niyakap ni Ka Lyn ang rebolusyon. Maluwag niyang tinanggap ang atas sa kanya na maging supply officer. Biro nga niya minsan, sana ay maalala siya ng mga kasama bilang mahusay na supply officer kapag namartir siya. Bagamat may mga limitasyon siya tulad ng pagiging makakalimutin at madaling malito ay di siya nagpatinag upang gampanan ang kanyang mga tungkulin. Bilang sinasanay na supply officer ay ipinamalas nya ang kakayanan nya sa pagluluto, pagbabadyet at pag-asikaso sa mga suplay at sa kasama. Naging aktibo din siya sa paggampan sa gawaing propaganda at edukasyon.

Malalim ang kanyang pagmamahal sa hukbo. Sinikap niya at ni Ka JR na magbuo ng rebolusyonaryong pamilya. Hinikayat niya ang kanyang dalawang anak na sumampa rin sa BHB. Kahit sa kanyang mga kamag-anak at kaibigan ay hinikayat niya rin na sumapi sa BHB o sumuporta tuwing nagagawi siya sa kanilang baryo. Lagi niyang ipinapaliwanag sa mga nakakahalubilo niya kung bakit may hukbo at kailangang magrebolusyon.

Nang mapaslang si Ka JR ay di siya bumitaw sa kanyang paninindigan sa rebolusyon. Nagmantini siya at nagpursige na mapangibabawan ang lungkot at pangungulila sa kanyang asawa at mga anak.

Sa maikling panahon ni Ka Lyn sa hukbo ay ipinamalas niya ang mahalagang papel ng mga ina at kababaihan sa rebolusyon. Unawa niya na sa rebolusyon lamang mapapawi ang lahat ng pagsasamantala at pang-aapi lalo na sa kababaihan. Hindi siya nagpakatali sa apat na sulok ng tahanan o nagpakatali sa ano ang sinasabi ng lipunan sa “dapat” na papel ng isang ina. Ipinakita niyang sa pagrerebolusyon ay hindi lang kinabukasan ng kanyang mga anak ang kanyang hinahawan, kundi kinabukasan ng lahat ng mga anak ng inaaping mamamayan.

Pagpupugay sa iyo Ka lyn! Mabuhay ang mga ina na nakikibaka!

Ka Lyn, Ina at Rebolusyonaryo