Ka Ruth, bayani ng Mamamayang Bikolano!

Si Carlito Perez o mas kilala ng maraming masa at kasama bilang Ka Ruth/Real/Remar ay mahusay na kumander ng Bagong Hukbong Bayan.

Ipinagluluksa ng mamamayang Bikolano ang pagkamatay ni Ka Ruth – para sa kanila, ang paglalaan niya ng kanyang buhay upang sila’y paglingkuran ay hindi matatawaran ninuman.

Ipinanganak sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur si Ka Ruth noong Agosto 30, 1983.

Bata pang namulat sa kalagayan ng mga magsasakang kanyang uring pinagmulan. Sapul niya ang pangangailangang magrebolusyon dahil ang matiwasay na buhay ay hindi maibibigay ng sinumang rehimeng uupo kailanman. Kaya’t pagtuntong niya ng edad 18, inilaan niya ang kanyang buong panahong pagkilos upang paglingkuran ang malawak na masa ng sambayanan.

Sa kanyang pagkilos, natuklasan niya ang kanyang ‘forte’ o linya ng kanyang interes sa gawaing militar. Isa siya sa mga kumander na nahasa at nagtaglay ng tapang at kapursigehan sa mga gawaing militar na iniaatas sa kanya hanggang sa dulo ng kanyang hininga.

Kilala si Ka Ruth ng mga nakasalamuha niyang kasama bilang isang kumander na may katangian ng pagiging mahinahon, oras man ito ng kagipitan o kaogmahan. Tahimik pero napakarami pala niyang kwentong maibabahagi sa bawat Pulang mandirigma na handang matuto mula sa kanya.

Hindi kailanman kinakitaan si Ka Ruth ng panghihina sa buong panahon ng kanyang pagkilos. Naobliga lamang siyang magpahinga noong 2019 dahil sa kanyang pagkakasakit. Pero agad siyang bumalik sa gawain kahit hindi pa siya lubusang gumagaling.

Bilang kasapi ng Komite ng Probinsya, sapul ni Ka Ruth na saanman siya kailanganin ay malugod at kaagad niya itong tinatanggap katulad ng atas na huli niyang ginampanan. Isa si Ka Ruth sa nag-ambag ng gawaing intel sa pagkakadakip noon at naging bihag ng digma na si 1st Lt. Ronaldo “Butch” Fedelino at Pfc. Ronnel Lemeño ng Charlie Company ng 42nd Infantry Battalion.

Naulila ni Ka Ruth ang kanyang asawa at dalawang anak. Katanggap-tanggap at ikinararangal nila si Ka Ruth.

Bayani siya ng mamamayang Bikolano at martir ng rebolusyong Pilipino!

Ka Ruth, bayani ng Mamamayang Bikolano!