Kababaihan at masang anakpawis, magbangon sa harap ng malubhang krisis
Ipinapaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rebolusyonaryong pagbati nito sa mga kababaihan sa bansa at sa buong mundo sa okasyon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis. Alalahanin natin ang kabayanihan ng mga kababaihan mula sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang progresibong mga uri at sektor na bumasag sa nakapataw na limitasyon sa kasarian, kultura, at ekonomya at gumampan bilang mga kadre at mandirigma ng rebolusyong Pilipino.
Makabuluhan na sa sampung araw, gugunitain natin ang ika-50 anibersaryo ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka), ang nanguna sa kilusang pagpapalaya sa kababaihan sa Pilipinas, na matagal nang nasa unahan ng pakikibaka ng kababaihan sa nagdaang limang dekada. Ang militansya at tapang ng Makibaka ay patuloy na nagbibigay inspirasyon sa mga kababaihan na balikatin ang higit na importanteng mga tungkulin sa pagmumulat sa mamamayan at paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Umusbong mula sa hanay ng Makibaka ang mga Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa harap ng mabilis na lumulubhang krisis sa ekonomya na kinatatangian ng pagbulusok ng antas sa pamumuhay ng milyun-milyon, kagyat na kinakailangan na magsama-sama at kumilos ang mga kababaihan, katuwang ang malawak na masang anakpawis, para ipagtanggol ang kanilang kagalingan at interes at labanan ang mga patakarang nagpapalubha sa dinaranas nilang pang-aapi. Kababaihan, sa partikular, ang hinahambalos ng pangkalahatang paglubha ng kalagayang panlipunan na nagpapasidhi ng pang-aapi at pagpapahirap sa kanila sa anyo ng kawalang trabaho, hindi patas na sahod at hindi pantay na kundisyon sa tahanan.
Dahil tuwirang dumaranas ng pasakit dulot ng sosyo-ekonomikong krisis, ang mga kababaihang Pilipino ay determinadong magmartsa kasama ang unahang hanay ng masang anakpawis sa pagkundena sa anti-kababaihang rehimeng US-Duterte, sa kurakot ng mga burukratang kapitalista, mga kroni, malalaking burgesyang kumprador at mga heneral ng militar na nagpapataw ng pabigat na mga patakaran at hakbangin. Dapat militante nilang igiit ang kagyat na pagrolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo, pagkain at iba pang pangangailangan, trabaho, mataas na sahod, lupa at pagpawi sa upa sa lupa, mas mataas na presyo ng mga produktong magsasaka, pagkaltas sa buwis, at pagwawakas sa todong liberalisasyon sa importasyon, at iba pang kagyat na mga hakbangin. Kasabay nito, dapat walang-tigil nilang ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa harap ng mas matitinding teroristang pag-atake ng rehimeng Duterte sa desperasyong patahimikin ang mamamayan at tiyakin ang kanyang kapangyarihan.
Sa pasidhi ng pamalagiang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal sa gitna ng pandaigdigang kapitalistang krisis, tiyak na mas maramihan pang magbabangon ang kababaihang Pilipino, magpapanday at magpapalakas sa kani-kanilang mga unyon at komite ng kababaihan sa mga pagawaan, komunidad at organisasyon sa mga kampus, magmamartsa sa lansangan at maglulunsad ng lahat ng anyo ng pakikibakang masa, at lalahok sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka upang makibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya.