Kababaihan, ibagsak ang teroristang rehimeng US-Duterte! Pakamahalin ang tunay na hukbo ng bayan!

,

Nagbubunyi ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan ng Timog Katagalugan (MAKIBAKA-TK) sa ika-52 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan na mahigpit na pinagiibayo ang rebolusyong adhikain sa kabila ng matinding panliligalig ng krisis pang-ekonomya, pangkalusugan, at pangkalayaan dulot ng manyak, kriminal na rehimeng US-Duterte at Tsina.

Sa gitna ng panahon ng kagipitan dulot ng pandemya, patuloy ang pagtutulak ng mga neoliberal na polisiya na minamando ng imperyalistang US at China, na walang dulot kundi lalong gutumin ang masang naghihingalo na dahil sa tumataas na presyo ng batayang pangangailangan. Itinakwil pa ng rehimen ang ating mga karapatan sa disenteng paninirahan para lamang tayuan ng mga imprastraktura na ikakatuwa lamang ng mga kapitalistang ganid sa yaman ng bansa.

Imbis na tugunan ang pangangailangan ng mamamayan dahil sa patuloy na lumalalang krisis pangkalusugan ay mas pinagtutuunan pa ng pansin ni Duterte at ng kanyang mga alipores ang panunupil at pagpapatahimik sa mga taong bumoboses para ipaglaban ang karapatan ng bawat isa.

Labis pang nag-apoy ang galit ng kababaihan ng Timog Katagalugan sa pagsalubong ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis sapagkat naging hudyat ito ng walang habas na ilegal na pag-aresto, red-tagging, at pagdanak ng dugo ng masang anakpawis sa kamay ng terorismo ng estado. Ang pamamasistang nararanasan ng masang anakpawis ay sumasalamin lamang sa pagiging traydor ni Duterte sa mga Pilipino habang patuloy naninilbihan sa imperyalistang US at China.

Sa kabila ng malupit na Buwan ng Kababaihan sa Timog Katagalugan dahil sa sunod-sunod na demolisyon, panghaharas, at pamamaslang, hindi parin ito nagpahina sa paninindigan ng kababaihang anakpawis. Bagkus, ito ang nagbigay ng mas matibay na pagpapasya ng kababaihan para makapagkamit ng rebolusyonaryong katarungan para sa lahat ng nilapastangang buhay ng uhaw-sa-dugong rehimeng Duterte.

Kasabay ng pag-aalaala ng espesyal na araw ng BHB, dinadakila natin ang mga martir ng Hukbo at Sambayanan na nagpunyaging magpanibagong hubog para makapiling ang maralitang magsasaka, ubos-lakas na nagmumulat sa tunay na kalagayan ng lipunan, at nag-alay ng buhay para sa pakikibaka sa pambansang pagpapalaya.

Pagpupugay at hustisya ang panawagan natin para kay Eugenia Magpantay (isang retirado at beteranong rebolusyonaryo na pinaslang kasama ang asawang Agaton Topacio), sa mga babaeng kumander na sina Lorelyn “Ka Fara” Saligumba, Andrea “Ka Naya” Rosal, at mga magigiting na mandirigma na sina Rona Jane “Ka Orya/Lemon” Manalo, at Justin Ella “Ka Star” Vargas. Hindi mawawaldas ang ibinuwis nyong buhay para sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan!

Sa pagtatapos ng mensahe ng pagbati, iniiwan ng MAKIBAKA ang hamon at tungkulin ng kababaihan sa digmang bayan. Kasama ang Bagong Hukbong Bayan kasama ang buong sambayanang nakikibaka, sama-sama nating ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo tungong isang lipunang mapayapa, may tunay na kasarinlan mula sa dayuhang kontrol, at kinikilala ang kakayahan ng kababaihan anumang larangang kanyang tatahakin.

Kababaihan, ibagsak ang teroristang rehimeng US-Duterte! Pakamahalin ang tunay na hukbo ng bayan!