Kababaihan magbuklod laban sa lubusang paghihikahos! Rebolusyon hindi limos!

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ginagawang bobo ng pahirap na rehimeng US-Duterte ang sambayanang Pilipino. Para umano ipakita ang pagmamalasakit niya sa kalagayan ng masa, dadagdagan niya ang P200 buwanang ayuda at gagawing P500. Pero ang dating para sa isang taong ayuda ay magiging para na lamang sa tatlong buwan. Kaya mula sa P2,400 na maaaring matanggap ng masa, P1,500 na lang ang makukuha nila. Ganito kababa ang tingin ng rehimen sa masa: na kaya nilang ilusot ang malinaw na panggagantso nang walang umaalma. Ngunit nagkakamali si Duterte kung inaakala niyang mapapatahimik niya ang masa sa katiting na P500 ayuda sa halip na suspendihin ang excise tax sa presyo ng langis at wakasan ang deregulasyon. Lalo lamang nitong pinapaypayan ang panawagan ng mamamayan para sa hinihingi nilang tunay na solusyon sa krisis sa langis.

Para sa mga kababaihan, hindi na kailangan ng matinding kwentahan para masabing hindi sapat ang P500 ayuda para maibsan ang malubhang epekto nang pagtaas ng presyo ng langis. Ayon na rin sa kanila, “mapapamura ka sa mahal ng mga bilihin ngayon.” Malaon nang bihasa ang mga nanay sa paghahanap ng pamamaraan upang pagkasyahin ang kakarampot na badyet para sa kani-kanilang pamilya. Ngunit hindi sila mga salamangkero na huhugot lang sa kawalan para mapatahimik ang kumakalam na mga sikmura.
Lalo lamang itinatali ng gahamang rehimeng US-Duterte sa pagkapulubi ang mamamayan sa pamimigay ng ayudang kapos na kailangan pang hintayin ng ilang buwan o taon bago makuha. Sa huli, karamihan ay hindi naman nakatatanggap ni singkong-duling na ayuda. Ang masahol pa, ito ang ginagamit na alternatibo ng neoliberal na rehimen upang takasan ang obligasyon nitong magsagawa ng mas kongkreto at mas angkop na mga solusyon tulad ng pagbabasura ng Oil Deregulation Law sa usapin ng langis.

Malinaw ang tindig ng kababaihang Pilipino: walang kakayahan ang rehimeng US-Duterte na protektahan ang mamamayan laban sa mapangwasak na epekto nang mga krisis na dulot ng sarili nitong mga neoliberal na patakaran. Hindi kailanman tatanggapin ng kababaihan na habang lumulubha ang kanilang paghihirap ay patuloy namang nagkakamal ng higit na yaman ang mga kapitalista at imperyalista nitong amo. Lalong hindi rin sila makapapayag na tanggapin na lang ang kapalaran ng habambuhay na paghihikahos na dala ng pasakit na rehimeng US-Duterte.

Nananawagan ang MAKIBAKA-Bikol sa lahat ng mga kababaihan na magkaisa upang maging isang malakas na tinig na sisigaw ng kanilang mga karaingan sa nagbibingi-bingihang rehimen. Dapat bumuhos sa mga lansangan ang sanlaksang bilang ng kababaihan at mamamayang nananawagan sa pagsuspinde sa excise tax ng langis, tuluyang pagbabasura ng Oil Deregulation Law at iba pang demokratikong kahilingan. Upang lubos na makamit ang sosyoekonomikong katarungan, marapat na lumahok ang kababaihan sa rebolusyon.

Kababaihan magbuklod laban sa lubusang paghihikahos! Rebolusyon hindi limos!