Kababaihan, magrebolusyon tungo sa higit na paglaya ng sarili, lipunan at daigdig!
Binabati ng NDF-Bikol ang kilusang kababaihan sa matagumpay na pagsasabatas ng Anti-Teenage Marriage Law (ATML) ngayong pagpasok ng 2022. Sa gitna ng lumalaking bilang ng hindi napapanahong pag-aasawa at pagsasamantala sa hanay ng menor de edad, isang hakbang ito tungo sa pagbaklas ng pyudal-burgis na kairalang nagtatali sa kababaihan sa papel na pambahay at pangkama. Makapag-aambag ang naturang batas sa ligal na rekurso ng mga batang babae sa pagtatanggol ng kanilang karapatan sa sariling pagpapasya. Dagdag ito sa iba pang mga batas na ipinaglaban ng mga progresibong partylist at ng kilusang masa na nagnanais na mapalaya ang kababaihan mula sa diskriminasyon at atrasadong pagturing ng lipunan.
Pangunahing salik na nagtatali sa kababaihan, laluna sa kabataang babae, sa iba’t ibang mukha ng pagsasamantala tulad ng maagang pag-aasawa ang pananatili ng pag-iral ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Kaakibat ng bulok na sistemang ito ang atrasadong kulturang nagbababa sa lugar nila bilang pag-aari. Sa ganitong balangkas, itinuturing ng maraming naghihirap na pamilyang Pilipino na paraan upang makabawas sa kahirapan ang pagpapaasawa ng mga babae kahit sa murang edad. Sa pag-aakalang wala nang ibang pagpipilian, marami ring kababaihang maralita ang inuunawa ang pagpapapamilya bilang garantiyang mayroon silang maipanlalaman-tiyan at tiyak na masisilungan.
Ang kawalan ng pagpipilian ang araw-araw na reyalidad ng karaniwang babae. Doble nilang pinapasan ang kahirapan at pagsasamantala. Dahil ang tingin sa kanila’y mas mahina, mas kaunti ang oportunidad para sa kanila sa larangan ng edukasyon at trabaho, mas mababa ang sahod at mas bulnerable sa panggigipit at pagkakait ng mga batayang benepisyo. Higit pa itong sumidhi sa panahon ng pandemya kung saan marami ang nawalan ng trabaho at napilitang umasa ang karamihan sa ayuda na bihirang ibigay ng gubyerno. Kasabay nito, ipinataw ang militaristang patakaran ng malawakang lockdown. Idinulot nito ang pagtaas ng tantos ng pagsasamantala sa hanay ng kabataang-kababaihan.
Bagamat makapag-aambag sa pangkabuuhang pakikibaka ng kababaihan ang mga progresibong batas tulad ng ATML, tanging ang pagwasak sa kasalukuyang mapagsamantalang sistema at pagtatayo ng panibago ang tutuldok sa siklo ng pang-aapi at karahasang dinaranas ng mga babae. Mahalagang makita ng mamamayan, lalo na ng mga kabataang-kababaihan na hindi lamang sa mga naturang batas nakasalalay ang paglaya mula sa kahirapan at pagkakatali sa atrasadong pagturing. Ang tunay na paglaya ay matatagpuan sa lubusang pagkilala ng kanilang mga karapatan, halaga at papel sa lipunan. Makakamit lamang ito sa pagsanib nila sa rebolusyonaryong kilusan na kumikilala sa hindi matatawarang bahagi ng mga kabataan at kababaihan hindi lamang sa pagbabago ng sarili kung hindi sa pagbabago ng kanyang lipunan at daigdig.