Kababaihang Mindoreño magkaisa at magtanggol laban sa terorismo ng rehimeng US-Duterte, isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyong bayan!
Magbangon at labanan ang kriminal, pasista at tiranong rehimeng US-Duterte na walang-habas ang pagyurak sa mga karapatan ng kababaihan at paghamak sa pagkatao ng mga babae. Nagdudulot ng labis na pahirap sa mamamayang Mindoreño ang inihahasik na gera nito laban sa bayan, laluna sa kababaihang magsasaka, pambansang minoryang Mangyan at mga bata at kabataan.
Nagpapatuloy ang paninibasib ng berdugong 203rd Brigade – ang utusang aso ng papet at tiranong rehimen Duterte sa mayorya ng mga pamayanan ng mga katutubo sa isla ng Mindoro. Sa mga barangay ng Lisap, Hagan at Batangan sa bayan ng Bongabong, araw-gabing ginigimbal ang mga mamamayan ng mga pambobomba, panganganyon at pang-iistraping mula sa ere. Ginagawang baraks ng mga pasistang militar ang mga kabahayan, eskwelahan, barrio hall at iba pang pampublikong pasilidad nila. Walang kaabog-abog na pinapasok ang kanilang mga tahanan, hinahalughog, kinakatay ang mga alagang baboy at manok nila habang sinisira ang kanilang mga taniman at kaingin ng mga bomba. Malaking dislokasyon sa pamumuhay ng mga tao ang ala-batas militar na pagpapatupad ng curfew at pagbabawal na magpausok sa mga kaingin.
Sa lahat ng ito, kababaihang Mangyan ang labis na nagpapasan ng matinding hirap. Araw-araw malaking problema nila ang mga pangangailangan ng pamilya na sadya namang sa ilalim ng pyudal na kultura ay tungkuling iniaasa sa mga ina ng tahanan ng mga Mangyan. Dahil sa pambobomba, panganganyon at pang-iistraping na ginagawa nang kahit anong oras, takot nang gumala sa mga kaingin ang mga kababaihan para mangalap ng pagkain. Hindi na nila maalagaan ang kanilang mga tanim, papaunti ang mga halamang ugat tulad ng kamote, gabi at bundo na pangunahin nilang pagkain. Mas masaklap pa, nasisira ang kanilang mga pananim at kalupaan na tinatamaan ng bomba at kanyon. Panahon ng pagkakaingin ang mga buwan ng Marso at Abril subalit nalimitahan ang kanilang pagtrabaho dahil sa ipinataw na curfew na itinakdang maaari lamang sila lumabas mula alas 8 ng umaga hanggang alas 3 ng hapon. Hindi na rin sila pwedeng tumigil sa kanilang mga kubo sa kaingin.
May mga kaso ring pinaglalaruan at nilalapastangan ng mga berdugo ang kultura kaugnay sa kababaihan ng mga mangyan, tulad na pagpapatawag sa kampo sa dis-oras ng gabi. Samantala, sa magkaibang pamayanan dalawang buntis ang naagasan dahil sa paninindak ng mga pasista nang pasukin ang kanilang bahay.Dahil naman sa walang patumanggang pambobomba kaya napilitan silang lumikas at tumawid sa bahang ilog kasama ang mga bata. Isa pang ina ang nagpakamatay dahil sa hindi matiis na hirap ng kalooban nang mawala ang kanyang dalawang anak na lalaki pagkatapos damputin ng mga berdugong militar.
Kasabay ng lagim at sindak sa kababaihan na hatid ng panganganyon, pambobomba at walang habas na pagpapaputok ay ang traumang nalilikha nito sa mga bata at kabataan. Likas sa kultura ng mga katutubong Mangyan ang pamumuhay na mapayapa, labag sa kanilang kultura ang mararahas na tunggalian at sigalot maging sa hanay nila. Sa kanila, pagbabanta na ang malakas na boses, pangamba sa kanilang buhay ang hatid ng mga patawag para sa interogasyon lalo na sa dis-oras ng gabi. Kamatayan na ang katumbas ng dagundong ng bomba at mga pagpapaputok. Malayung-malayo ito sa kinamulatan nilang pamumuhay. Henosidyo ang ginagawang ito ni Duterte at hindi mapapatawad ni makakalimutan ng mga katutubong Mangyan ang krimeng ito laban sa kanila.
Kongkretong ipinapakita ng maruming gera laban sa bayan ng pasista at tiranong rehimeng Duterte ang kasuklam-suklam na mukha ng isang pyudal at patriyarkal na atrasadong sistemang panlipunan na nagsasamantala at nang-aapi sa kababaihan. Lansakang winawalanghiya ni Duterte ang kababaihan. Maaalalang buong kabastusan pa niyang isinasapubliko ang kanyang maruruming biro ng panggagahasa, ang pangungutya at pagbabanta sa kababaihan na magpupuna o magkokomentaryo sa kanyang pamamahala tulad ng pagtrato niya kina Senador Leila Delima, Maria Ressa ng Rappler, aktres Liza Soberano, 2019 Miss Universe Catriona Gray at marami pang iba. Pinakamalala ang pag-utos niya sa kanyang mga sundalo na barilin sa ari ang kababaihang Pulang mandirigma, para daw mawalan na sila ng silbi.
Sa harap ng pagsasamantala, pang-aapi, pandarahas, pambabastos at pagmamaliit ng rehimeng Duterte at mga berdugong 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA laban sa kababaihan, ang tanging masusulingan na lamang nito ay ang magbangon upang ibagsak ang pasista, kriminal at tiranong rehimeng ito.
Kailangang sumulong ang kababaihan sa landas ng pambansa-demokratikong paglaban at isulong ang iba’t ibang anyo ng armado at di-armadong paglaban. Kaya nananawagan ang Lucio de Guzman Command-NPA-Mindoro (LDGC-NPA-Mindoro) sa lahat ng kababaihang Mindoreño laluna sa mga pambansang minoryang Mangyan na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at lumahok sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan.#
Philippine Revolution Web Central