Kabataan, labanan ang krisis sa edukasyon, isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Kinakain si DepEd Sec. Leonor Briones ng kanyang guni-guni sa pagpahayag na isang tagumpay ang nakaraang SY 2020-2021 dahil sa diumano’y mataas na porsyento ng mga nakatapos na mag-aaral sa harap ng matinding paghihirap nilang makaangkop sa ipinapatupad na blended learning. Pilit nilang linilinlang ang mamamayan sa paglalabas ng minanipulang datos na magpapalabas na tagumpay ang kanilang mahinang kampanya sa edukasyon. Ang totoo, palpak at kahiya-hiya ang programa ng DepEd at buong reaksyunaryong gubyerno sa sistema ng edukasyon sa panahon ng pandemya. Hungkag ang kanilang pagbabantog na marami ang nakapagtapos. Sa halip na sa kantidad ang sukatin, dapat suriin ang programa ng DepEd sa kalidad ng edukasyon na natanggap ng mga estudyante.
Sa buong daigdig, 75 araw lamang ang abereyds na pagkaantala ng face to face classes. Matapos nito, kagyat na inaksyunan ng iba’t ibang mga gubyerno ang pagbabalik sa normal ng mga klase. Samantala, sa Pilipinas kung saan naitala ang isa sa pinakamahahaba at pinakamararahas na lockdown, wala pa ring kongkreto at malinaw na hakbang upang makabalik sa face to face classes halos dalawang taon matapos tumama ang pandemya. Dahil dito, nanganganib na matali sa kamangmangan ang kasalukuyang henerasyon ng kabataan at magkaroon ng higit na malaking pugwang sa dati nang kapos na hanay ng propesyunal sa bansa. Sa blended learning na ipinatutupad sa bansa, walang guro at mga librong makapagpapaliwanag sa mga mag-aaral ng mga konseptong dapat maunawaan. Basta na lamang pasasagutan sa kanila ang mga mali-mali, at sukat pa nga’y malalaswang modyul. Marami rin ang napipilitang lumiban sa kanilang mga online class dahil sa kawalan ng load, internet access at gadget. Higit na kalunus-lunos ang kalagayan ng mga mag-aaral na mula sa mga liblib na lugar sa kanayunan.
Ngayon, bagamat pinakamalaki ang P773.6 bilyong panukalang badyet para sa DepEd sa 2022, walang makabuluhang pagbabagong maaasahan dahil komersyalisado pa rin ang buong sistema ng edukasyon. Ang masahol pa, kakaltasan pa kapwa ang pondo para sa mga state universities at colleges (SUCs) at sa Flexible Learning Options na kailangang-kailangan ng mga kabataan upang makaangkop sa online learning.
Alam ng masang Bikolano at ng sambayanang Pilipinong hindi nila kailanman makakamit ang tunay na kaalaman hanggat hindi itinataguyod and syentipiko, makabayan at makamasang edukasyon. Hindi kailanman ito maaasahan mula sa isang institusyong pinapalakad ng papet na rehimeng kontrolado ng imperyalistang dikta. Sa malapyudal at malakolonyal na sistema ng lipunan, mananatiling lugmok sa putikan ng pagkamangmang ang mga kabataang siyang may hawak ng kinabukasan.
Kung kaya, hinding-hindi papayag ang kabataang Bikolano na samantalahin at sayangin ng makasariling rehimeng gaya ng sa diktador na si Duterte ang kanilang talino at galing para lang sa kapakinabangan ng mga kapitalista, burukrata at mga imperyalista. Kaisa ng kabataan ang Kabataang Makabayan Bikol sa paglaban upang mapugto ang tanikala ng kamangmangan. Buo ang loob ng kabataang sumulong at isanib ang kanilang husay sa pagresolba ng malubhang karukhaan at kaapihang kanilang dinaranas. Sa aktibong pagsapi sa mga grupo ng kabataan hanggang sa kanilang pagsampa sa Bagong Hukbong Bayan, isusulong nila ng buong lakas ang rebolusyon kasabay ng pagpapanday ng kanilang talino at galing hanggang makamit ang tunay na tagumpay.