Kabataan, lumaban upang ibagsak ang rehimeng US-Duterte! Isulong ang digmang bayan at kamtin ang tunay na pagbabagong panlipunan!
Pulang saludo ang ipinaaabot ng Melito Glor Command – NPA ST sa lahat ng kasapi ng Kabataang Makabayan sa okasyon ng ika-56 taong pagkakatatag ng rebolusyonaryong organisasyon ng mga kabataang Pilipino.
Kasabay ng pagdiriwang sa okasyong ito ang paghamon ng NPA sa mga kabataan na puspusang labanan ang pangunahing kaaway ng sambayanan ngayon, ang inutil, papet, pabaya, kriminal at berdugong rehimeng US-Duterte. Mahalaga ang papel ninyong mga kabataan upang pag-alabin ang paglaban ng sambayanan para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Higit sa lahat, nananawagan kami sa mga kabataan na sumapi sa NPA at magpunyagi sa matagalang digmang bayan.
Wala nang ibang landas tungo sa isang maaliwalas na bukas kundi ang landas ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang demokratikong rebolusyong bayan ang gagapi sa mapang-api’t mapagsamantalang uri sa lipunang Pilipino upang maitatag ang isang tunay na makatarungan, malaya at masaganang lipunan.
Labis-labis nang paghihirap ang dinaranas ng mamamayan laluna ng mga kabataan ngayon dahil sa kataksilan at kapabayaan ng rehimen sa harap ng patuloy na hambalos ng sosyo-ekonomikong krisis na higit na pinasidhi ng pandemyang COVID-19 at ng sunud-sunod na kalamidad. Milyun-milyon nang mga estudyante ang tumigil sa pag-aaral bunsod ng pagpapataw ng palpak na blended at distance learning. Napakarami ring hindi makapag-aral dahil sa epekto ng mga nagdaang bagyo sa kanilang pamilya at kabuhayan. Pinabayaan sila ni Duterte na himbing na himbing sa kanyang pagkakatulog habang binabayo ng delubyo ang buong bayan.
Inilalagay naman ng rehimen sa peligro ang kalusugan ng mga bata at kabataan sa pagpapatupad nito ng mga palyado at militaristang solusyon sa pagharap sa pandemya. Gutom at desperado ang mga kabataang apektado ng malaganap na disempleyo at kawalan ng oportunidad bunsod ng economic shutdown na pinalawig at pinalala pa ni Duterte.
Hindi masisisi ang mga kabataan kung nagngingitngit na sila sa galit kay Duterte. Lalo silang napopoot sa nasasaksihang walang kasinglupit na terorismo ng estado. Higit 130 kabataang edad 17 pababa ang naiulat na namatay sa bigong gera kontra droga, habang patuloy ang pagdami ng mga pinapaslang na kabataan sa kanayunan sa ngalan ng madugong kontra-rebolusyonaryong gera ng AFP-PNP. Isa sa kanilang biktima si Mark Ederson Valencia, 21, ng Socorro, Oriental Mindoro na nakatira malapit sa lugar na pinaglabanan ng 203rd Brigade at NPA noong Enero 31.
Ang mga kabataang aktibista tulad sa kaso ng Cabuyao 11 na nangangahas na magprotesta ay hinuhuli at sinasampahan ng mga inimbentong kaso upang pipilan ang kanilang pagkilos para sa kanilang karapatan at kagalingan. Palagiang may banta sa kalayaan at karapatan ng mga kabataan dahil sa largadong pag-iral ng tiranya sa bisa ng Anti-Terrorism Act ng 2020. Panay ang red-tagging sa kanila ng mga ultra-pasistang sina Parlade, Lorenzana, Año at Esperon upang bigyang-matwid ang maitim nilang planong patayin ang lahat ng mga aktibista’t kritiko ng rehimen.
Kung araw-araw ang hagupit ng pasismo ni Duterte sa bayan, araw-araw ring nagpupunyagi ang mga kabataang makabayan sa paglaban rito. Bigo ang mga berdugo’t pasistang pamamaraan ng estado na patayin ang alab ng kanilang galit. Hindi rin sila naloloko ng itim na propaganda at mga kasinungalingang ipinapakalat ng rehimen.
Determinado ang mga kabataan na singilin si Duterte at kanyang mga alipures sa kanilang mga krimen. Pursigido silang nakikibaka para wasakin ang malakolonyal at malapyudal na lipunan at matamo ang isang maaliwalas na bukas. Patunay nito ang academic strike sa lungsod at iba pang mga pagkilos sa mga unibersidad na pilit pinagtatakpan ng rehimen. Sa social media at internet, dumadagundong ang panawagan ng kabataan na patalsikin na si Duterte. Kalahok rin ang kabataan sa mga barikada ng maralitang lungsod, mga welga at piket sa pagawaan at kilusang okupasyon ng mga magsasaka sa kanayunan. Nangunguna rin sila sa pagtulong sa kapwa mahihirap at paglulunsad ng mga operasyong relip, rehabilitasyon at iba pang serbisyo sa mga nasalanta ng kalamidad at pandemya.
Ang mga kabataang lubusang namumulat at nakauunawa sa kalagayan ng bayan ay walang alinlangang sumasapi sa Kabataang Makabayan (KM) at nagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Libu-libo na mula sa KM ang tumungo sa kanayunan at lumahok sa armadong pakikibaka. Sa anibersaryo ng KM buong pusong pinagpupugayan ng MGC ang mga kabataang nag-alay ng kanilang buhay para sa pagtatagumpay ng rebolusyon. Ngayong taon, kabilang sa mga ito si Justine ‘Ka Ella’ Vargas, Rona Jane ‘Ka Lemon’ Manalo, Jay-ar ‘Ka RG’ Sento, Lito Buyayao ‘Ka Gabby’ Mogmog, Argie ‘Ka Angel’ Casinillo, Ryan ‘Ka Raymart’ Noriesta, Edmar ‘Ka Jorel’ Morello at Jay-R ‘Ka Sander’ Mercado. Sila’y mga kabataang rebolusyonaryong martir ng NPA-ST na minahal ng masang anakpawis na kanilang pinaglingkuran hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay. Huwaran silang dapat tularan ng lahat ng kabataang nagmamahal sa kanilang bayan!
Ang patuloy na pakikibaka ng mga kabataan sa kabila ng paninibasib ng rehimeng Duterte ay nagbibigay pag-asa sa sambayanang Pilipino. Hindi nila isusuko ang kanilang kinabukasan at ng susunod pang henerasyon ng mga Pilipino. Ang masiglang paglahok ng kabataang Pilipino sa rebolusyon ang magtitiyak na patuloy na magpapanibagong lakas at sigla ang pambansa-demokratikong pakikibaka.
Tiwala ang masa ng sambayanan na tutugunin ng kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan ang dakilang hamon na mag-ambag ng kanilang lakas at talino sa rebolusyon at buong-pusong magsulong ng digmang bayan. Isasanib ng kabataang Pilipino ang kanilang pwersa sa lahat ng uring inaapi’t pinagsasamantalahan upang ilunsad ang mga matitinding bigwas na magpapabagsak sa rehimeng US-Duterte.