Sirang plakang propaganda ng AFP at PNP
Hindi na bago ang ipinamamarali ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng desperadong kinatawan nito na si Delfin Lorenzana na ang pagrerekrut sa mga unibersidad at iba pang eskwelahan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ay palatandaang “laos” na ang PKP.
Mula’t sapul bago itayo ang PKP, sumibol muna ang mga lihim na organisasyon sa pangunguna ng Kabataang Makabayan (KM). Sila ang pinagmulan ng balon ng kabataang nagtayo ng PKP hanggang maitayo ang Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Ang kabataan ay likas na mapanuri, matalas ang paggagap sa mga usaping panlipunan at silang pinagmumulan ng maraming intelektwal na nagsusulong ng mga siyentipikong pagsusuri sa mga bagay. Natural na madali nilang masapol ang mga rebolusyonaryong prinsipyo at maunawaan ang pangangailangan ng pundamental na pagbabagong panlipunan.
Ang totoo, ang deklaradong Martial Law sa Mindanao, de-facto Martial Law sa Negros Island, Bikol at Samar sa ilalim ng Memorandun Order 32 (MO32) na humahambalos sa karapatan ng mamamayan sa pamamagitan ng mga militaristang pang-aabuso ang pinakaepektibong tagapagrekrut sa maramihang pagsampa at pagsapi ng mga kabataan at iba pang sektor sa BHB.
Kaugnay ng usapin sa pagrerekrut ng menor de edad na paulit-ulit na sinasabi ni Ronald “Bato” Dela Rosa, tumatalima ang PKP at BHB sa patakaran ng pagrerekrut ng mga kasapi nito sa lahat ng panahon. Ang sinumang Pilipino na nasa edad na 18 pataas at may mahusay na kalagayang pisikal at mental ay pwedeng maging kasapi ng PKP at BHB.
Katunayan, AFP ang lumalabag sa karapatan ng kabataan na gustong isailalim ang mga ito sa mandatory ROTC at pag-indoktrina ng mga kaisipang pasista at tiraniko katulad ng rehimeng US-Duterte.