KABATAANG MAKABAYAN Lucille Gypsy Zabala Brigade on Kabataang Makabayan’s 55th anniversary
Isang rebolusyonaryong pagbati!
Ipinahahatid ng Kabataang Makabayan – Brigada Lucille Gypsy Zabala ang pinakamataas na pagpupugay sa ika-55 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan o KM.
Mula sa pagkatatag sa KM noong ika-30 ng Nobyembre 1964, ginampanan ng KM ang tungkuling maging patriyotiko at progresibong taliba ng kabataan. Itinatag ang KM sa ika-101 kaarawan ni Andres Bonifacio, isang kabataang rebolusyonaryong nag-alay ng buhay, galing at talino para sa paglaya ng bansa mula sa 333 taong pananakop ng mga Kastila. Ginugunita at isinasabuhay ng KM ang rebolusyonaryong tradisyon ni Bonifacio at ng Katipunan sa isang bagong tipo ng digma, ang demokratikong rebolusyong bayan para wakasan ang imperyalismo, burukrata kapitalismo, at pyudalismo sa bansa.
Buong tapang na hinarap ng mga kabataan ang pasismo ng rehimeng US-Marcos, kung saan marami ang nagmartir at nag-alay ng buhay para sa pagpapabagsak sa diktador. Ang mga kabataan na buong lakas na sumandig sa pakikibaka ng mga manggagawa, magsasaka, at maralita ay isa sa naging salik upang mabuo ang bagong Partido Komunista ng Pilipinas, sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, at kasunod na itinatag ang Bagong Hukbong Bayan – upang isakatuparan ang pag-agaw sa kapangyarihang pulitika mula sa estado at naghaharing-uri.
Kinailangan ang armadong pakikibaka dahil hindi nila kusang ibibigay sa mamamayan ang karapatan nito. ‘Di nila kusang ibibigay ang pagkakapantay-pantay sa lipunan. Di nila isusuko ang kanilang yaman at kapangyarihan. At kung saan may iilang mayaman at makapangyarihan, milyon-milyon ang mahihirap at api.
Masigasig na tinanggap ng KM ang dakilang hamon ng kanilang panahon – ang buong-buong pag-aalay ng kanilang husay, talino, at buhay para sa pagtatagumpay ng nagpapatuloy na rebolusyong Pilipino.
Sa kasalukuyang paghahari ng rehimeng US-Duterte, pagtatraydor, korapsyon, at pasismo ang tunay na kahulugan ng ilusyong “Change is Coming”. Hindi pagbabago, kundi pamamaslang sa mga mahihirap, pero karangyaan at kalayaan sa mga drug lord. Panggigipit at pagkulong sa mga kritiko at pamamasalang sa aktibista’t nakikibakang mamamayan, habang pinapalaya ang mga kriminal at pinapaboran ang mga berdugo sa military at puklisya. Buwis, mataas na presyo, at pagkitil sa kabuhayan ng magsasaka, manggagawa, vendor, maralita, habang bilyon bilyon ang pork barrel at kickback niya at ng mga kakampi niya sa gobyerno. Pagbebenta ng teritoryo sa West Philippine Sea at mga likas na yaman kapalit ang mga pautang mula sa Tsina na pondo ng korapsyon, kapalit ang pagpapalayas sa mga katutubo, pagkamkam ng lupa ng magsasaka at kawalan ng pangisdaan ng mga mangingisda. Pagpanumbalik ng base military ng US sa bansa, pagwasak sa Marawi at pagpapatupad ng Martial Law at kontrainsurhensya para masunod at maprotektahan ang interes ng US sa bansa.
Sabi ni Duterte, tatapusin niya ang rebolusyon bago matapos ang kanyang termino. Pursigido siyang naghahasik ng lagim sa bayan sa pamamagitan ng Oplan Kapanatagan, kung saan marami nang pinaslang, kinulong, at nawalan ng tahanan at kabuhayan. Gagamitin nitong kasangkapan ang burukrasya, mga lokal na pamahalaan, at mga ahensyang sosyal sa gera nito sa masang Pilipinong nagtatanggol lamang ng karapatan o kanila na mismong buhay.
Isa na sa binabanderang tagumpay ng operasyong kontrainsurhensya nito ang paghuli kay Diego “Ka Jaime” Padilla – ang Tagapagsalita ng New People’s Army – Melito Glor Command. Si Ka Jaime ay sumasailalim sa isang pagpapagamot at ayon sa International Humanitarian Law, isa siyang “hors de combat” na sinasabing habang nasa gera sibil, ang mga sugatan o may malubhang karamdaman ay iligal na dakpin. Marapat lang na galangin at palayain si Ka Jaime! Desperado na ang rehimen kung kaya’t dinarakip nito ang mga hindi naman nakapusisyong lumaban. Kung kaya’t pinapatay nito ang mga walang kalaban-laban o pinapalabas na “nanlaban”.
Pero hibang si Duterte na mangarap wakasan ang rebolusyong Pilipino. Hangga’t iilan ang nakikinabang sa yaman ng bayan, may himagsikan. Habang may mga kagaya ni Duterte na gahaman sa yaman at kapangyarihan ang nakaupo at tinatalikuran ang interes at kapakanan ng mamamayan, mayroong titindig at lalaban. Mauuna pang mamatay si Duterte sa kanyang mga sakit, habang ang salinlahi ng rebolusyon ay magpapatuloy sa mga kabataang handang mag-alay ng sarili para sa rebolusyon at sambayanan. Sa bawat mamamayang nagkaroon ng kapasyahan at tapang na lumaban para sa buong sambayanan.
Mga kababayan, nagpapatuloy ang gerang sibil sa kanayunan na nilalahukan ng mga magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, LGBT, katutubo, mga maralita – mga tunay na makabayan na nagnanais ng tunay na pagbabagong panlipunan sa pamamagitan ng armadong pakikibaka. Ang armadong pakikibaka ay para wakasan ang paghahari at pagkamal ng yaman ng iilan, kasapakat ang mga nakaupo sa gobyerno at para wakasan ang paghahari ng imperyalismong US sa bansa. Ang armadong pakikibaka ay para wakasan ang kahirapan.
Ang tagumpay ng rebolusyon ay para sa sambayanan, at kamatayan sa pang-aapi at paghahari ng iilan. Inaanyayahan kayo ng KM na maging bahagi nitong dakilang adhikain at mag-ambag sa tagumpay ng rebolusyon!
MABUHAY ANG IKA-55 NA ANIBERSARYO NG KM!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PAMBANSANG NAGKAKAISANG PRENTE!
KABATAAN, TUMUNGO SA KANAYUNAN, SUMAPI SA NEW PEOPLE’S ARMY!###