Kaligtasan sa paggawa, ipaglaban! Papanagutin ang kapitalista at estado sa labis na kapabayaan sa uring manggagawa!
Serye ng mga aksidente na ang nagaganap sa mga pagawaan sa Pilipinas dahil sa kapabayaan ng mga kapitalista at reaksyunaryong gubyerno na tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa. Noong Hulyo 12 lamang, anim na manggagawa ang namatay habang dalawa ang sugatan sa isang aksidente sa Brgy. Kaybagal Central, Tagaytay City, Cavite. Bunsod ng malakas na pag-ulan, gumuho ang kongkretong pader malapit sa Hortaleza Farm habang nagpapahinga ang mga manggagawa sa kanilang mga baraks bandang 6:20 ng hapon. Namatay sina Ronilo Casaway, Nino Villasquez, Daniel Nesperos, William Ocong, Jerimy Doña at Ramir Gamba habang nasugatan sina Marco Paulo Abarrientos at Anthony Villasquez. Kasunod ito ng aksidente na naganap sa Makati City noong Hulyo 10 kung saan dalawang manggagawa ang namatay habang nagkukumpuni ng elevator.
Ang trahedyang sinapit ng walong manggagawa sa Brgy. Kaybagal Central ay dinaranas ng laksang manggagawang nagdurusa sa malubhang kalagayan sa paggawa sa Pilipinas. Malaon nang inirereklamo ang masahol na kalagayan sa trabaho at kawalang pakialam ng kapitalista at estado sa kaligtasan ng mga manggagawa. Tampok din sa mga aksidente sa pagawaan sa Timog Katagalugan ang malaking sunog sa loob ng HTI sa EPZA ng Cavite noong 2017 na kumitil sa buhay ng maraming manggagawa. Tuluyang inabandona ang mga manggagawa ng HTI sa pagtatakip ng kapitalista at lokal na gobyerno sa aksidente. May inilunsad na independyenteng fact finding mission kung saan natuklasang daan-daang manggagawa ang nawawala at posibleng namatay sa sunog. Sa panahon naman ng pandemya, pilit pinapapasok sa pagawaan ang mga empleyado nang wala o kulang sa sapat na proteksyon para makaiwas sa sakit.
Maraming mga kaso ng kawalang kapanagutan ng mga kapitalista sa mga aksidente at iba pang kapabayaan sa mga manggagawa. Sa harap nito, walang gulugod ang reaksyunaryong gubyerno at Department of Labor and Employment (DOLE) na tugunan ito at dinggin ang hinaing ng mga manggagawa. Sa tuwing nagpapaabot din ng karaingan ang mga manggagawa ay direktang nakikialam pa ang AFP-PNP at NTF-ELCAC para supilin ang kanilang laban.
Bukod sa masahol na kalagayan ng mga manggagawa sa pagawaan, dinaranas pa nila ang barat na sahod at kawalan ng seguridad sa trabaho. Ibinunga ng sistemang malakolonyal at malapyudal ang pagkalugmok ng mga manggagawa at ang labis na pag-abandona sa kanila ng estado. Nagdudusa ang mga manggagawa sa hindi ligtas na kundisyon sa paggawa dahil sa pagkagahaman ng mga kapitalista sa tubô. Isinasakripisyo nila ang buhay at kaligtasan ng manggagawa para hindi mabawasan ang kanilang kita. Mas masahol ang kalagayan ng mga mala-manggagawa tulad ng namatay na anim na construction worker sa Brgy. Kaybagal Central. Wala silang ligal na proteksyon kaya’t mas bulnerable sila sa pang-aapi at pang-aabuso.
Sa harap ng kasalukuyang bulok na lipunan na lalupang ilulugmok ng rehimeng US-Marcos II, kailangang magpursige ang mga manggagawa na isulong ang kanilang interes at iputok ang mga welga. Nararapat at makatwiran lamang ang pakikibaka ng mga manggagawa para sa kanilang karapatan sa kaseguruhan sa trabaho, sahod, pag-uunyon, kaligtasan sa paggawa at benepisyo sa kalusugan. Buuin at patatagin ang mga tunay na militanteng unyon upang maipagtanggol ang interes ng mga manggagawa. Singilin at papanagutin ang mga kapitalista at burukrata sa masahol na kondisyon sa loob ng mga pagawaan. Kasabay ng pagsusulong ng interes ng kanilang uri, nararapat din silang makiisa sa laban ng buong bayan para sa kanilang demokratikong karapatan at paggigiit ng de kalidad at abot kayang serbisyong panlipunan.
Dapat patuloy na suportahan ang pakikibaka ng mga manggagawa para sa kanilang kagalingan. Makiisa sa kanilang laban para panagutin ang mga kapitalista sa anumang aksidente at karapatan na makakuha ng kumpensasyon. Suportahan ang mga manggagawa sa kanilang mga welga at sama-samang pagkilos laban sa mapagsamantalang kapitalista.
Sa papatinding kahirapan at karahasan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II, dapat humanay ang mga manggagawa sa unahan ng pakikibaka ng mamamayan para sa interes ng buong bayan. Nararapat na patuloy na organisahin ng mga manggagawa ang kanilang hanay bilang abanteng destakamento ng rebolusyon. Patuloy silang lumahok sa pambansa-demokratikong rebolusyon at sumapi sa NPA. Sa pamumuno ng uring manggagawa, itatatag ang sosyalistang lipunan matapos makumpleto ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa Piipinas. Titiyakin nito ang pagkakamit ng hustisyang panlipunan, kasaganaa’t kaunlaran at matagalang kapayapaan para lahat ng inaapi at pinagsasamantalahang uri.###