Kampo ng NPA na ‘na-overrun’ ng AFP sa Mindoro, fake news — LDGC-NPA Mindoro
Madaay Gasic | Spokesperson | NPA-Mindoro (Lucio De Guzman Command) | Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command) | New People's Army
May 04, 2019
Hindi “na-overrun” ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang kampo ng New People’s Army (NPA) sa Mindoro, kundi mga lehitimong labanan ang naganap sa pagitan ng dalawang grupo noong Abril 30, ayon sa tagapagsalita ng NPA-Mindoro.
Pinabulaanan ni Madaay Gasic, tagapagsalita ng Lucio de Guzman Command — NPA-Mindoro, ang naunang pahayag ni Col. Marceliano Teofilo, kumander ng 203rd Infantry Brigade, na “na-overrun” nila ang isang kampo ng NPA sa Mindoro at “maraming NPA ang namatay sa labanan dahil sa mga dugo na nakita sa pinangyarihan ng engkwentro.”
“Kabaliktaran, wala ni isang mang nasugatan sa mga myembro ng NPA at ligtas ang mga itong nakaatras,” ayon sa opisyal na pahayag na ipinadala sa midya ni Gasic.
Bago umano ang naturang mga labanan, matagumpay na naisnayp ng mga rebelde ang mga nag-ooperasyong sundalo sa San Jose, Occidental Mindoro, Abril 29, na nagsasagawa ng aniya’y “panghahalihaw” sa mga sityo ng Timbangan, Mabanban, Saliding, Sangay, Myanaw at Mantay sa Barangay Monteclaro, San Jose Occidental Mindoro at sityo ng Buswak sa Barangay Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro.
Dagdag pa ni Gasic, ang pag-isnayp ay bilang pamamarusa sa mga naturang sundalo na nagsasagawa ng “pandarahas, pananakot at pagbabanta sa mga komunidad ng katutubo.”
Matapos aniya ang pag-isnayp ng NPA sa mga sundalo, nagsagawa umano ang huli ng “walang pakundangang pambobomba at pag-istraping” sa mga komunidad ng Mangyan-Buhid sa lugar.
“Mariing kinukundena ng Lucio de Guzman Command – NPA Mindoro ang walang pakundangang pambobomba at pag-istraping na isinagawa ng pinagsanib na mga elemento ng 203rd Brigade Philippine Army at PNP-MIMAROPA sa mga komunidad ng katutubong Buhid sa sityo ng Masay ng Brgy. Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro at mga sityo ng Buswak at Balya sa Brgy. Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro noong Abril 30, 2019,” pahayag ni Gasic.
Sa mga pambobomba at istraping na ito wala umanong nasugatan o namatay na NPA kundi mga karaniwang katutubong Buhid ang mga nabiktima, ayon kay Gasic.
Dagdag pa niya, pinalabas umano ni Teofilo gayundin ni Lt. Col. Alexander Arbolado, kumander ng 4th Infantry Battalion na “na-overrun” nila ang kampo ng NPA “upang pagtakpan ang pagkatalo sa NPA at ang kriminal na pananagutan ng 203rd Brigade at ng PNP-MIMAROPA laban sa mga katutubong Buhid.”
“Pinalabas ng mga bulaang kumander…na-overrun nila ang isang kampo ng NPA sa sityo Masay, Brgy. Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro,” payahag ni Gasic. “Nais ng mga itong lokohin ang taumbayan na nagtatagumpay sila sa kanilang mga operasyon laban sa NPA-Mindoro,” dagdag pa niya.
Nanawagan din si Gasic na imbestigahan ang naturang pambobomba at istraping na isinagawa ng 203rd Brigade.
“Nararapat na imbestigahan, panagutin at parusahan ang 76th, 4th IBPA at ng 203rd Brigade sa pambobomba at pag-iistraping sa komunidad ng mga katutubong Buhid.
“Lahat ng mga mamamayang nagmamahal sa mga katutubo ay dapat na gawin ang lahat ng makakaya upang makamit ito,” apela ni Gasic. #
Kampo ng NPA na ‘na-overrun’ ng AFP sa Mindoro, fake news — LDGC-NPA Mindoro