Kampo ng sundalo, itatayo sa harap ng eskwelahan
Sa panahon ng lumalalang krisis pangkalusugan sa bansa, walang patumanggang itinatayo ng 85th IB, 59th IB at 201st Brigade ang kanilang mga kampo militar sa buong lalawigan.
Kahapon, napaulat na nagsisimula nang itayo ang mga kubo sa kampo militar sa Barangay Cagacag, Lopez, Quezon. Ang pagtatayo ng kampo militar ay sa bisa ng pagsang-ayon mismo ng kapitan ng naturang barangay.
“Mariing kinukundena ng Apolonio Mendoza Command-NPA-Quezon ang tahasang pagtatayo ng kampo militar sa Cagacag at ang pagpapahintulot ni Kapitan Zaldy Olanda lalo’t kalapit ito ng eskwelahan ng baryo. Imbis na ang ipasang mga ordinansa at resolusyon ng Sangguninang Barangay ay kaugnay sa pagdaragdag ng ayuda at bakuna sa lugar, ay gera at pagkabahala pa ang ihahatid nito sa taumbaryo.” ani Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng NPA sa lalawigan.
“Dapat tularan ng mamamayan ng Cagacag ang iba pang barangay sa bayan ng Lopez na tuloy-tuloy na ipinapahayag ang kanilang pagkabahala at disgusto sa mga pakana ng mga militar na kontrolin at gambalain ang mapayapang buhay ng masang populasyon sa lalawigan.”, dagdag pa ni del Mundo.
Aabot na sa anim na kampo militar ang napaulat na tinutulan ng mamamayan sa bayan ng Lopez, Macalelon at General Luna.#