Kamtin ang Hustisya para kina Nelly Bagasala, Ryan Hubilla at lahat ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao! Ubos-kayang labanan ang Oplan Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte!
Walang kasing-bagsik at kasing-sahol ang atake ni Duterte sa karapatang tao sa ilalim ng kanyang kontra-mamamayang gerang Oplan Kapanatagan. Sa loob lamang ng isang araw, dalawang sibilyan ang biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang sa rehiyon. Mariing kinukundena ng NDF-Bikol ang pagpatay ng mga ahente ng reaksyunaryong estado kina Ryan Hubilla at Nelly Bagasala kahapon ng alas-otso ng umaga sa Phase 2, Seabreeze Homes, Brgy. Cabid-an, Sorsogon City. Sina Hubilla, isang estudyante ng senior high school at Bagasala, residente ng bayan ng Barcelona, ay walang patumanggang pinagbabaril habang lulan ng isang pampasaherong traysikel sa naturang lugar. Ang dalawa ay kilalang aktibong myembro ng KARAPATAN-Sorsogon, isang progresibong organisasyong nagtataguyod sa karapatang-tao. Ang mga biktima ay bahagi ng grupo ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao na nag-asikaso sa kaso nina Carlito De Guzman, 63 taong gulang, Joan Cuesta, 40 taong gulang at Hugo Fuentes, 70 taong gulang na sinampahan at iligal na idinetine noong Abril 11.
Hindi ito ang unang beses na mayroong pinaslang na sibilyang may kaugnayan sa imbestigasyon ng mga paglabag sa karapatang tao. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, sunud-sunod ang pagtarget at pagpaslang sa mga sibilyang kasapi ng mga progresibong organisasyon. Sa Negros, pinaslang si Bernardino ‘Toto’ Patigas noong Abril 23 habang pauwi sa kanilang tahanan. Si Patigas ang ika-48 myembro ng KARAPATAN na pinaslang sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.
Tulad ng iba pang mga kaso ng pagpaslang sa mga abogado, taong-simbahan at iba pang personaheng tagapag tanggol ng karapatan at katotohanan, ang pagpatay kina Bagasala at Hubilla ay bahagi ng mga desperadong hakbang ng rehimen upang pagtakpan ang kanilang kabiguang pahupain kapwa ang malawak na kilusang masang ipinagpoprotesta ang kabulukan ng gubyerno at ang armadong pakikibaka ng mamamayan.
Namumuhi ang sambayanan sa sunud-sunod na krimen at mga brutal na pamamaslang sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Ngunit, ang sukdulang karahasan at pagsasamantala ring ito ang nagtutulak sa mamamayang lumaban at lumahok sa armadong pakikibaka. Ito ang dahilan kung bakit nananatiling isa sa mga muog ng rebolusyonaryong kilusan ang rehiyong Bikol. Makaaasa ang pamilya nina Bagasala, Hubilla at lahat ng biktima ng karahasan ng reaksyunaryong estado na hindi titigil ang rebolusyonaryong kilusan hanggat hindi nakakamit ang hustisya para sa kanila.
HUSTISYA PARA KINA NELLY BAGASALA AT RYAN HUBILLA!
LABANAN ANG OPLAN KAPANATAGAN! PABAGSAKIN ANG PASISTANG REHIMENG US-DUTERTE!