Karahasan ng RCSP sa mga Sibilyan, nananalasa sa Rehiyong Bikol
Sagad sa buto ang kasamaan ng naghaharing pangkating rehimeng US-Duterte sa pagpapatupad ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa ilalim ng Memorandum Order 32 at Executive Order 70. Sa kabila ng matinding krisis sa kabuhayan at kawalang kakayahan ng gobyernong ito na harapin ang mga sakit ng lipunan, walang puknat ang paglabag sa karapatang tao sa buong rehiyon lalo na sa kanayunan. Sunod-sunod ang pwersahang pagpapasuko, harassment at brutalidad ng mga pulis at militar sa mga sibilyan.
Dito sa Camarines Sur, magkakasunod na inilunsad ng mga elemento ng 83rd IB PA ang opersayong RCSP mula Enero hanggang Marso 2020. Nitong Marso 11 sa Barangay Poloan, bayan ng Caramoan, sapilitang pinasuko ang mga sibilyan at pinapirma sa blangkong papel at kinunan ng litrato ang ilang residente para palabasing mga NPA surrenderees. Bago ang nangyari sa Caramoan, hinaras din ng mga militar ang isang residente sa barangay San Roque bayan ng Tinambac. nNagpakilalang NPA ang militar upang paaminin ang may-ari ng bahay na may kaugnayan sa NPA.
Kung maaalala nitong katapusan ng Enero, iligal na hinalughog ang ilang kabahayan sa Barangay Gubat, bayan ng Lagonoy ng pinagsanib na elemento ng 2nd Platun 505th Provincial Mobile Force, Regional Mobile Force at PNP-Lagonoy. Nagtanim ng ebidensya ang mga operatiba at pilit na pinaaamin ang mga residente na may kaugnayan sa NPA.
Ang mga paglabag sa karapatang tao ng AFP at PNP ay hindi lamang nagaganap sa Camarines Sur, maging sa iba pang probinsya. Sa Masbate, nagyayari ang sunod-sunod na pagpaslang, iligal na pang-aaresto, paghahalughog at pekeng pagpapasuko. Sa loob lamang ng isang linggo naitala ng mga organisasyong nagtataguyod ng karapatang tao ang mahigit sa siyam na kaso ng pag-labag sa karapatang tao.
Ang mga opersayon ng pulis at militar sa pagpapatupad ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa ilalim ng MO32 at EO70 ay bahagi ng kontra insurhensyang Oplan Kapanatagan ng Rehimeng US-Duterte laban sa mamamayan, sa mga progresibong organisasyong masa at rebolusyonaryong kilusan. Sa kagustuhan ng militar at pulis na habulin ang kota ng pagpapasuko at makinabang sa limpak-limpak na perang makukurakot mula sa programang ECLIP walang ibang binibiktima ang mga ito kundi ang mga sibilyan. Ipinaparating ng Tomas Pilapil Command-Bagong Hukbong Bayan Silangang Camarines Sur sa mga Masbateño ang pulang pagsaludo sa ipinapakitang katatagan at tibay ng loob sa pagharap sa mga atake ng reaksyunaryong estado. Nananawagan ang TPC-BHB sa buong mamamayang Bikolano na magkaisa sa pagharap at paglaban, pag-aralan ang mga karapatang sibil, kilalanin at panagutin ang mga operatiba ng mga pulis at militar na naglulunsad ng RCSP. Higit sa lahat, puspusang labanan ang mapanlinlang at marahas na Oplan Kapanatagan. Hindi kailanman mailulugmok ng anumang programa ng pang-aapi at pagsasamantala ang pakikibaka ng mamamayan upang isulong ang pambansang demokrasya tungo sa ganap na pagbabago at tagumpay.