Karahasang militar sa Quezon, lumalala!
Nananawagan ang Apolonio Mendoza Command New People’s Army Quezon na dapat mapanagot ang 85th IBPA sa walang inorasan at maya’t mayang panliligalig at paglabag sa karapatang pantao ng mga berdugong militar sa mga magbubukid sa bayan ng Macalelon, Gumaca, Unisan, Agdangan at Lopez nitong nagdaang mga araw.
Kamakailan, napabalita ang pananabotahe ng 85th IB sa isang mapayapang medical mission na inilunsad ng Katipunan ng Samahang Magbububukid sa Timog Katagalugan o KASAMA-TK sa bayan ng Agdangan noong Abril 10. Nagdulot ng matinding pagkabahala at intimidasyon sa mga benepisyaryo ang naturang pangyayari.
Samantala, ayon sa natipon ulat sa mga bayan ng Gumaca, Macalelon, Lopez at Unisan mula ng magbukas ang kampanyahan sa lalawigan, hindi bababa sa 50 kaso at gayundin bilang ng mga sibilyan ang apektado sa araw-araw na panliligalig, pang-iimbestiga at pamimilit sa mga magbubukid na sila’y suporter ng NPA.
Sa pahayag ni Ka Cleo del Mundo, tapagsalita ng AMC-NPA, mariin niyang tinuligsa at kinundena ang ginagawa ng mga berdugong sundalo sa panahon ng kampanyahan sa eleksyon.
“Tila sumasabay sa kampanyahan ang mga militar sa dami ng nais nitong biktimahin sa ilalim ng kanilang programang E-CLIP. Dinadaig pa nila ang mga pulitiko sa halos minu-minutong pagbabahay-bahay, pagpapakalat ng mga wanted posters at itim na propaganda; at aktwal na pagpapapunta sa kampo sa layunin na makakuha ng impormasyon at tao na gagamitin nila sa kanilang kampanyang pagpapasuko”
Ayon pa kay Del Mundo, desperasyon ang nagtutulak sa 85th IB para ipatupad ang kanilang walang tigil na operasyong militar sa kanayunan sa nalalabing panahon ni Digong Duterte.
“Desperado at nangangarap nang gising ang mga bayarang sundalo ni Digong na masusugpo nila ang NPA sa lalawigan. Nag-aaksaya lang sila ng panahon at pondo sa mga aktibidad at operasyon na kanilang ikinakasa.”
Nanawagan naman si Del Mundo na imbestigahan at suportahan ng mga lingkod-bayan ang mga pangyayaring ito sa kanilang mga nasasakupan.
“Hinihikayat namin ang lahat ng mga lingkod-bayan sa buong lalawigan na huwag maging pipi, bulag at bingi sa karahasang militar na ipinapatupad sa ating bayan. Matapang dapat ninyong harapin at papanagutin ang bawat panggigipit ng mga militar sa inyong mga nasasakupan. Ipakita ninyo na, may eleksyon man o wala, ay kaya ninyong manindigan at suportahan ang laban ng mga magbubukid.” ###