Karapatan ng mamamayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili — NDF-Bicol
Makatwiran at makatarugan para sa mamamayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Sa inutil na pagharap ng gubyerno ni Duterte sa Covid-19, wala nang pagpipilian ang mamamayan kung hindi mag-organisa at sama-samang kumilos para sa kanilang kaligtasan, buhay at kabuhayan. Ngunit tinataguriang krimen ang anumang kolektibong pagkilos para humanap ng solusyon sa kagutuman at paniningil na magkaroon ng solusyon ang Covid-19.
Bagamat malapit nang pumatak ng isang buwan ang lockdown, wala pa ring mass testing para sa mamamayan. Limos lamang ang Social Amelioration Program para sa mga manggagawang wala nang babalikang trabaho. Sa mando ni Duterte, katwiran pa ito para sa malawakang pamamaslang at tiyak susundin at ipagtatanggol ito ng berdugong militar at pulis. Malinaw ang pagpipilian ng mamamayan – mamatay o mag-organisa.
Dapat patatagin ng mamamayang Pilipino ang pagkakaisang pilit binubuwag ng rehimeng US-Duterte sa pamamagitan ng mala-batas militar na lockdown. Nananawagan ang NDF-Bikol sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa kalunsuran at komiteng rebolusyonaryo sa kanayunan na ibayong palakasin ang pag-oorganisa sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan at iba pang aping sektor ng lipunan. Ilantad ang lockdown bilang pagpapatupad ng batas militar. Palakasin ang panawagang papanagutin ang rehimeng US-Duterte sa pananabotahe nito ng sistema ng pampublikong kalusugan. Itambol ang Comprehensive Agreement on Socioeconomic Rights (CASER) at programa ng demokratikong rebolusyong bayan. Walang pasismo at gamit-pandigma ang makadudurog sa pagkakaisa ng mamamayan.
Magkaisa’t lumaban! Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!